Ni Aletheia Grace del Rosario ulat mula kina Adrian Espiritu at Kris Vernadette Domo
Isinasailalim ng Office of the Vice Chancellor for Community Affairs (OVCCA) sa pilot-testing ang bagong ruta ng dyip na tinawag na Copeland Service mula noong huling linggo ng Hunyo, bilang tugon sa pakiusap ng Department of Human Kinetics (DHK).
Ayon kay Dr. Elpidio Agbisit Jr., na Assistant to the Vice Chancellor for Community Affairs, iprinesenta ng OVCCA ang ruta sa mga pinuno ng pitong kapisanan ng mga Public Utility Jeepney (PUJ).
Kabilang sa mga mayoryang tunguhan ng mga bagong ruta ay ang Copeland Gym sa bahagi ng Animal Science sa College of Veterinary Medicine (CVM) at New Dormitory. Ang mga terminal para sa mga dyip na may ganitong ruta ay nasa mga gusali ng Physical Sciences at Math.
Nilinaw ni Agbisit na, hindi tulad ng mga dyip na sumusunod sa Kaliwa at Kanan na ruta na kailangang lumabas ng kampus matapos ang isang ikot, ang mga dyip na Copeland Service ay maaaring sundan ang parehong ruta at manatili sa loob ng kampus.
Kahit may bagong ruta, ang Kaliwa at Kanan na mga dyip ay mananatili, dugtong pa niya.
Pagtingin ng mga tsuper
Sa kasalukuyan, si Ronilito Felismino ang natatanging tsuper sa pilot-testing. Sinimulan niyang subukan ang bagong ruta matapos siyang kumbinsihin ni Prop. Jocelyn Ann Luna ng DHK na magmaneho ng Copeland Service na dyip dahil sa kahirapan sa pagpunta sa gym.
Sinabi ni Felismino na sa mga unang linggo ng pilot-testing ay mayroong iilang PUJ na sumubok ngunit unti-unti silang nabawasan dahil ‘di umano sa mas malayong daan kumpara sa Kaliwa at Kanan na ruta.
Samantala, sinabi ni Jun Legaspi, dating tsuper at ngayo’y barker sa kalye ng El Danda, na kalakhan ng mga tsuper sa maraming kapisanan ay hindi sang-ayon ang bagong ruta.
Nag-aaalala sila na mababawasan ang kita nila dahil iilang pasahero lamang ang dumadaan sa bagong ruta. Sa pagpapatupad ng bagong ruta, ipinunto ni Legaspi na marami sa kanila ang tututol.
Sa kabilang banda, hindi alam ni Nilo, isa ring tsuper, ang bagong ruta. Ayon sa kanya, “Wala akong magagawa [sa pagpapatupad nito]. Kakainin ng pamilya ko ang nakasalalay.”
Pangangailangan para sa bagong ruta
Humingi na ng pag-uusap ang University Student Council (USC) sa OVCCA hinggil sa bagong ruta, kung saan hindi pa nakakatugon ang OVCCA sa kasalukuyan.
“Gusto naming magkaroon ng services to cater to the students, pero hindi dapat ma-sacrifice ang kita ng mga drivers,” ayon kay Gabrielle de Juras, USC Councilor.
Noong ika-7 ng Hulyo, sinimulan ng USC ang Oplan New Route, isang petisyon na naglalayong tasahin ang pangangailangan sa bagong ruta. Ang bilang ng mga nagpepetisyon ay ipapakita sa OVCCA, na magbibigay ng mungkahi para sa isang bagong ruta kung kinakailangan.
Samantala, iba-iba ang opinyon ng mga estudyante hinggil sa bagong ruta.
Ayon kay Alyosha Medoza, BS Math batch ’10, “Payag naman ako doon sa bagong ruta. Nakaka-save pa nga ng time.”
Sa kabilang banda, sabi ni Mark Joseph Jose, BS Computer Science batch ’08, “It’s still insufficient for my convenience. Sana bago mag-start ang school year inayos [na] nila ‘yung ruta ng jeep, hindi ‘yung kung kailan mangangalahati na ‘yung sem tsaka palang ii-implement”.
Pagbubukas ng CVM
Pagkatapos ng pilot-testing, balak ng OVCCA na gawing mga CVM PUJ ang mga Copeland Service PUJ na babiyahe sa loob ng CVM.
“Hindi naman pinapadaanan ang Animal Science [sa PUJs] kasi nga ‘yung mga animals dun ay maiingayan”, sabi ni Agbisit. Ngunit dahil ililipat na ng Animal Science Cluster ang mga hayop na ginagamit sa kanilang pag-aaral, posible nang mapatupad ang planong ito.
Samantala, ang mga pedikab na nasa loob ng Animal Science na nagbibigay-serbisyo sa mga taga-Putho-Tuntungin ay ililimita lamang hanggang tulay ng DTRI, na 400 hanggang 500 m. ang layo mula sa nasabing lugar. [P]
*Hindi niya tunay na pangalan
0 comments on “Bagong ruta ng dyip, isinasailalim sa pilot-testing: Mga estudyante, tsuper, iba’t-iba ang pagtugon”