News

SAY-ACT muling naglabas ng black propaganda

Ni Mariel Valdez

Muling nagpadala ang isang grupong nagngangalang Save the Youth Against Communism and Terrorism (SAY-ACT) ng black propaganda sa Office of Student Affairs noong Hulyo 30.

Binansagan si John Paulo Bautista, kasalukuyang regional coordinator ng Kabataan Partylist (KPL) Timog Katagalugan, na rekruter ‘di umano ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).

Kasama niya ay inakusahan ding mga suporter ng rebeldeng grupo ang mga pangrehiyong sangay ng KPL, College Editors Guild of the Philippines, at National Union of Students of the Philippines. Kabilang din sa akusasyon ang ilang progresibong alyansa at organisasyon sa kampus tulad ng Samahan ng Kabataan para sa Bayan at Anakbayan.

Hapon ng nasabing araw nang ipagbigay alam sa UPLB Perspective ni Sherbonn Apfranzcious Ciceron, BS Agriculture ’04, na mayroong selyadong liham sa Student Organizations and Activities Division (SOAD) para sa kanyang organisasyon. Naglalaman ang sobre ng tatlong kopya ng black propaganda. Napag-alaman ‘di kalaunan na lahat ng liham sa araw na iyon na para sa iba’t-ibang organisasyon ay naglalaman ng parehong black propaganda.

Ang mga ito ay ipinadaan sa Post Office ng Calamba na siyang pinagkuhanan ng isang kawani mula sa Student Disciplinary Tribunal.

Matapos maipaabot ang balita ukol sa presensya ng mga black propaganda, minabuti ng SOAD na huwag nang ipamigay sa mga organisasyon ang mga ito.

Hamong magpakilala

Itinuring ni Bautista na ‘atake’ ang naturang black propaganda, hindi lamang sa kanyang pagkatao kung hindi pati sa organisasyong ikinakatawan niya.

“Kailangan mag-ingat, lalo na sa paglabas, pero hindi naman ‘yun makakapigil sa pagtugon ko sa gawain ng KPL,” dagdag pa ni Bautista, na nagsabing matindi ang banta sa buhay ng sinumang mababansagan sa mga black propaganda na kagaya ng sa kanya.

Pagsasaad pa niya, “Ang trend ngayon ng labas ng black props [sic] ay tuwing nakikita nilang merong paglakas o signipikanteng ginagawa ang mga organisasyong ito, tulad nang paglabas nito [black propaganda] noong eleksyon, Ondoy relief mission na pinangunahan ng KPL, at ngayong [July 29] walkout.”

Hinahamon rin niya ang may akda ng naturang black propaganda na harapin ang mga inakusahan nila at patunayan ang pagdidiskredito sa mga lider-estudyante at organisasyong nabanggit.

Dagdag pa ni Bautista, “Ako, kaya kong patunayan na hindi ako dating drug addict, kaya kong patunayan na ‘yung ginagawa natin ay para sa ikabubuti ng nakararami. Harapin nila tayo sa isang debate bilang isang edukado at edukadang nilalang.”

‘No way to verify the truth’

Samantala, ipinahayag ng SOAD na siyang nakakatanggap at nagpapadala ng mga liham para sa mga organisasyon ng UPLB na wala itong paraan upang malaman ang laman ng mga liham na dumadaan sa kanila.

“I-aalert na lang kami ng org na pinadalhan ng black props [sic]. Ipapasa muna sa director [ang kopya], at si Ma’am [Office of Student Affairs Director Vivian Gonzales] na ang nagbibigay ng directive hanggang sa dumating sa pinakataas. So, sila ‘yung nag-oorder kung ano ang dapat gawin,” pahayag ni Prop. Vicente Ballaran, taga-pamuno ng SOAD, hinggil sa naging aksyon ng kanyang opisina sa nangyari.

Dagdag pa niya, walang nakakaalam kung sino ang mga nasa likod ng SAY-ACT. “So there’s no way to verify the truth. Bahala na sa kani-kanilang [organisasyon] opinyon kung maniniwala sila o hindi [sa nakasaad sa mga black propaganda],” pagpapatuloy ni Ballaran.

Ang naturang black propaganda ay pang-anim na sa mga inilabas ng SAY-ACT mula pa nang taong 2008. [P]

UPLB Perspective is the official student publication of the University of the Philippines Los Baños, established in 1973. It is the first campus publication established under Martial Law in the Philippines.

2 comments on “SAY-ACT muling naglabas ng black propaganda

  1. Sherbonn Apfranzcious P. Ciceron

    to the Editor,

    Batch 2004 po ako. salamat po.

  2. Sherbonn Apfranzcious P. Ciceron

    hindi po ako batch 2002. batch2004 po. salamat po

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: