Culture Features

SKETCHPAD | Pinayid na mga dahon

NI PRINCES BULACLAC

Matulin kong binabagtas ang lupon ng mga luntiang puno sa masukal na gubat na iyon. Kasabay ng aking bawat paghakbang ay naririnig ko ang pagtibok ng aking puso na tila mga yabag ng nakikipagkarerang kabayo. Malapit na akong abutan ng mga armadong kalalakihang kanina pang sa aki’y tumutugis. Sa bilis ng mga pangyayari, ang nais ko na lamang ay makatakas sa sitwasyon ko ngayon.

Ako nga pala si Raymond. Isang mag-aaral sa pamantasan ng bayan na kumukuha ng kursong BS Forestry. Ikaapat na taon ko na sa pag-aaral at umaasang ito na rin ang huli. Kung hindi niyo na maitatanong, kaya ako nasa gubat ay dahil mayroon akong tinatapos na requirement sa isa sa aking mga asignatura. Abala ako sa pag-eeksamin ng mga species ng mga halaman nang bigla akong makarinig ng impit na ungol ng isang babae. Kinabahan man ako sa maaaring nangyayari ay pinilit kong sundan ang pinagmumulan ng ungol na iyon. Maaaring nasa kapahamakan ang babae at kailangan ko siyang tulungan. Mapanganib pa naman sa loob ng gubat. Nang matunton ko ang pinagmumulan ng ungol, napatda ako sa aking nakita. Mayroong apat na kalalakihang nakasuot ng uniporme ng militar at may mga nakasakbit na mga baril sa katawan. Ang dalawa sa kanila ay tumatangan sa nakagapos at duguang babae. May busal ang kanyang bibig kung kaya’t ungol na lamang ang sa kanya’y naririnig. Mabuti na lamang at may malaking puno sa aking tabi kaya’t agad-agad akong nagtago sa likod nito. Sana’y hindi nila ako napansin. Nagulat ako nang biglang sumigaw ang isa sa mga lalaki, “Sinabi naman namin sa inyong huwag na kayong makialam! Ayan tuloy, inilagay niyo pa ang buhay ninyo sa panganib. Ganun ba kahirap sumunod sa aming nais? Tsk tsk, kawawa ka naman bata, walang makakaalam kung nasaan ka.” Sumilip ako at tinignan ang nangyayari. Nang masulyapan ko ang babae, kaawa-awa na ang kanyang kalagayan. Nabigla pa ako nang mapansin kong pamilyar siya. Sino nga ba siya? Hinalughog ko ang aking utak hanggang sa maalala ko kung sino siya. Siya si ateng laging sumisigaw sa mga mobilisasyon sa pamantasan. Lider-estudyante yata yung tawag nila sa ganun. Nagulat akong muli at naputol ang aking pag-iisip nang bigla na namang sumigaw ang lalaki, “Paano ba yan? Magpaalam ka na sa iyong mundong kinagisnan. Sa susunod, huwag makikialam, hija. Ops, wala na nga palang susunod.. dahil mawawala ka na.” Tinutukan niya ng baril sa ulo ang babae at dala na rin sa aking pagkagulat ay napasigaw ako, “Waaag!” Ngunit kasabay nang pagputok nang baril at paghandusay ng babae sa lupa ay sabay-sabay ding nagsilingon sa aking kinatatayuan ang mga lalaki.

“Kasama ka rin nila ano?! Lagot kang bata ka. Kayong mga aktibista kayo, napaka-pakelamero! Mga p’re, hulihin niyo yan. Wag niyong hahayaang makatakas! Ako na bahala rito,” rinig kong utos nang lider nila. Gusto kong himatayin sa mga oras na iyon ngunit sari-saring mga senaryo ang nabuo sa isipan ko. Hindi ako pwedeng mamatay. Marami pa akong kapatid na umaasa sa akin. Tutulungan ko pa sa pagtatrabaho sina itay at inay. Agad akong tumakbo upang iligtas ang aking sarili. Sa sobrang tulin nang aking pagtakbo ay tila kakapusin na ako nang hininga. Malapit na nila akong abutan. Kapag minamalas ka pa nga naman, napatid ang aking paa sa nakabuhol na halaman sa lupa. Habang iniinda ang sakit sa pagkapilipit ng aking paa, nagsisisi akong napunta ako sa sitwasyong ito. Kung sumabay lamang ako sa iba ko pang kamag-aaral sa pagtapos ng letseng requirement na ‘to sana hindi ako nandito ngayon. Kung bakit ba kasing sobrang tamad ko. Ay. Hindi eh. Wala nga pala akong pera nung panahong kailangan ko ng mga kagamitan para dito kaya nga pala hindi ako nakasabay sa iba pa. Napaka-dadamot naman ng aking mga kamag-aaral na kung umasta pa’y ‘kala mo, ang mundo ay pag-aari nila. Kung bakit ba kasing pinilit ko pang dito mag-aral. Bakit parang ang pagtupad sa mga pangarap ay tila kamatayan? Ano na nga ba ang pamantasan ng bayan? Pamantasang magtataguyod sa iyong mga pangarap? O pamantasang mas magsasadlak sa iyo sa kahirapan?

Hindi ko na nagawa pang makatayo. Habang pinapayid ng hangin ang mga tuyong dahon sa aking harapan, parang unti-unti na ring pinapayid ng sirkumstansya ang aking mga pangarap. Ipinikit ko na lamang ang aking mata. Naramdaman kong hinihila na ako nang mga lalaking sa aki’y humahabol kanina. Habang tangan ako ng dalawa sa kanila ay pinagsusuntok ako ng isa pa. Kinaladkad nila ako patungo sa pinagmulan namin kanina. Mukhang dadalhin nila ako sa lider nila. Pagmulat ng aking mata ay muli akong napatda. Nakatutok na sa aking mukha ang baril na kumitil sa buhay ng babae kanina.

“Hindi talaga kayo marunong umunawa! Mga pakelamero!” sigaw ng lalaki habang kinakalabit ang gatilyo. Sumigaw ako nang ubod lakas. Kasabay nang tunog ng pagputok nang baril ay nagmulat muli ako nang aking mata. Tumambad sa akin ang maamong mukha ng aking instruktor sa isa kong asignatura. Putangina. Panaginip lang pala. Letseng large class kasi ‘to, malamig na nga, nakakaantok pa.

(ipagpapatuloy)

UPLB Perspective is the official student publication of the University of the Philippines Los Baños, established in 1973. It is the first campus publication established under Martial Law in the Philippines.

1 comment on “SKETCHPAD | Pinayid na mga dahon

  1. maskedbabbler

    Reblogged this on Latak ng Utak.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: