NI JOHN MOSES CHUA
Kapag sinabing Cinemalaya ang mga maiisip: indie, mura, uncensored. Ang Cinemalaya ay isang film festival sa Pilipinas na naglalayong maipalabas ang mga Filipino Independent Films, o sa mas maikli—indie.
Ang mga sumasali dito ay pawang mga independent na indibidwal o grupo. At dahil independent, sari-sarili rin dito ng gastos. Sariling camera, sariling direktor, at sariling artista. In short, mura. Lahat ng sakripisyo at gastos ay para lang talaga sa espirito ng sining at paglalahad ng mga mensaheng tanging sa sining lang maipaparating. Kadalasan, maselan o talagang subersibo ang mga tema sa ganitong pelikula. Kaya, hindi ito pumapasa sa classification ng Movies and Television Regulatory Board (MTRCB). Hindi napapayagang maipalabas sa publiko.
Kaso, kung mayroong maituturo na pinakamaganda sa mga pelikulang produkto ng cinemalaya, ito yung pagiging bastos at subersibo nito. Kaya nga cinemalaya, kasi malaya.
Nagsimula ang cinemalaya ng 2005 at noon pa man, pinapalabas na ito sa Cultural Center of the Philippines at UP Diliman sa kadahilanang nakaliban ito sa pagkakaroon ng censorship at classification mula sa MTRCB.
Ngunit, sa paunti-unting pag-usad ng panahon, paunti-unti rin ditong humahalubilo ang mainstream na pelikula. Nagsimula sa paglipana ng mga mainstream na artista, umabot sa mga direktor, at hanggang sa sumama na rin ang mga malalaking kumpanya para magbigay pondo.
Nito lang ay napagdesisyunan ng Board ng CCP na hindi na sa UP itatanghal ang mga pelikula. Bagkus doon na lamang sa tatlong Ayala Malls Cinema ito magbubukas: Sa Greenbelt3, Trinoma, at Alabang Center Mall. Tumalon ang Cinemalaya mula sa tradisyon nitong tahanan at bumagsak sa komersyal na bulwagan.
Sa unang tingin, tila magiging mas malaya nga ang cinemalaya sa paglipat nito sa kadahilanang mas bukas na ito sa tao. Mali ito. Bakit? Una, dahil sa sakop ng kapangyarihan ng MTRCB ang tatlong Ayala cinema, hindi malayong ma-censor din ang ilang pelikula ng cinemalaya. Magiiba na rin marahil ang ugali sa paggawa ng pelikula ng mga lalahok dito dahil hindi lingid sa kanila na mas malawak na ang uri ng tao ang makakapanood sa gawa nila. Ika nga nila, cine na lang ang itawag imbis na cinemalaya—sa kawalan nito ng pagiging malaya. Pangalawa, gaano ba kapangit ang mainstream na pelikula kumpara sa indie lalo na kung pagbabatayan natin ang perspektibo ng mga alagad ng sining? Ang mainstream kasi ay walang taglay na esensya bilang sining. Kung mayroon man, naaaninuhan lang ito ng mga bagay na naglalayong ibenta sa komersyo ang palabas. Marami rin ang nagsasabi, ang pagliwas ng cinemalaya at paglayo nito sa UP ay isang malaking dagok para sa festival. Mababawasan kasi ang pagiging akademiko nito. Sa pagbabago ng hanay ng mga manonood nito, magbabago din ang hanay ng pagiging ng mga pelikula nito.
Isa na naman ba itong nakakatakot na pagsagupa ng multo ng komersyalisyalisasyon? Para sa ilan, parang hindi naman, ngunit para sa nakararami isa itong malaking senyales. Nakakapanghinayang na ang naging isa sa mga pinakamalalaking pundasyon ng mga orihinal na pelikulang Pilipino ay nabahiran na ng mantsa ng komersyalisasyon.
Sa kasalukuyang takbo ng cinemalaya, ano nga kaya ang kahihinatnat nito? Kung ipe-preserba ang maselan at subersibo nitong laman, kahit di sa malayong mababawasan at mababawasan talaga ito, kahit papaano’y magiging maganda ito lalo na sa mata ng mga alagad ng sining. Makakadagdag rin ito ng mas maraming kritisismo; lalo na ang mga hugot sa di-katalinuhang kritisismo. At, malamang sa malamang, magsasalita patungkol dito ang simbahang katoliko.
Halatang-halata kung ano ang mangyayari kung mababawasan ang subersibong laman nito. Higit sa marahil matutulad na lamang ang cinemalaya sa ibang film festival sa Pilipinas. Maaaring maiwan ang ilan-ilan nitong distinguishing mark, ngunit makakatiyak tayong mababawasan ito.
Sa positibong pagtanaw, makakatulong ang pagiging komersyalisado ng cinemalaya sa ekonomiya ng Pilipinas. Kung ibabase kasi sa mga nakaraang pelikulang naipalabas, maganda ang pangkalahatang reaksyon ng mga tao. Hindi malayong panoorin siya ng mas malawak na hanay ng masa.
Gayunpaman, hindi maitatanggi na ang naganap na pagkalas ng cinemalaya sa akademiko at mapagpalayang pagkakaakap dito ng UP, at ang paglipat nito sa komersyalidong mundo ng pelikula ay isang pangit na kaganapan. Hindi man literal, nawala na ang malaya sa salitang cinemalaya. Cinemalaya: ‘di na nga malaya. [P]
0 comments on “Cinemalaya: ‘Di na Malaya?”