(UPDATED: December 13, 2013) Wala nang matutuloy na pagpapatalsik sa sinumang miyembro ng UPLB University Student Council.
Ito ay kinumpirma ni USC chairperson Arthur Holt sa [P] noong Disyembre 3.
“[B]ase sa aming mas malalim pang pagaaral ng USC [Constitution] at House Rules at ilan pang teknikalidad ay hindi na matutuloy ang anumang expulsion case sa mga councilors,” anang pinuno ng USC sa isang mensahe sa pahayagang ito.
Sinasaad ng Article VIII, Sec. 1 ng saligang batas ng mga konseho ng mga mag-aaral ng UPLB na kailangang bumuo ng isang komite upang imbestigahan ang mga kaso laban sa mga kasapi nito.
Bago ang kumpirmasyon mula kay Holt, inimbitahan ng [P] ang pinuno ng USC sa isang roundtable discussion kasama ang patnugutan ng pahayagan upang bigyang-linaw ang mga lumalabas na balita na balak patalsikin ang mga konsehal na sina Adrian Puse at Prince Jacinto. Tinanggihan ni Holt ang imbitasyon.
“[M]ay mga kailangan pa kaming pagusapan ng USC at marami pa kaming kailangang klaruhin, lalo na ang mga isyu na kinakaharap ng UP [na] klarong mas mahahalagang usapin,” aniya.
Ilang linggo ang lumipas, lumabas ang mga haka-haka na patatalsikin sina Jacinto at Puse dahil sa di umano’y hindi pagdalo sa mga pagtitipon at aktibidad ng USC.
Samantala, dalawang konsehal naman ang nagbitiw sa kani-kanilang mga puwesto. Mangingibang-bansa si Pau Sarigumba para sa isang intership, habang nasa leave of absence naman si Kim Melu. Nakatakdang pumalit sa kanila sina Camille Valdemoro ng Samahan ng Kabataan para sa Bayan at Ann Cayetano ng Buklod-UPLB. [P]
0 comments on “Wala nang mangyayaring impeachment – USC chair”