Ulat ni JEREMIAH DALMAN
Pinangunahan ng UPLB Babaylan, kasama ng iba’t ibang organisasyon ang isang candle-lighting activity noong Oktubre 22 sa Carabao Park, UPLB. Ito ay nagsilbing protesta sa kamakailang krimen laban sa ating kababayang si Jennifer Laude, isang may piniling kasarian na naging biktima ng isang karumal-dumal na pagpaslang ng isang marinong kano sa isang kuwarto sa Celzone Lodge hotel noong Oktubre 11.
Nagtipon ang mga estudyante at organisasyon para magbigay ng kani-kaniyang mensahe ng pakiki-isa sa panawagang bigyang hustisya ang naganap na krimen. Nang tanungin ukol sa suportang natatanggap ng sangkaestudyantehan para maisagawa ang pagkilos na ito, “Sinusuportahan naman ito ng UPLB Gender Center, ‘yun lang nga, kulang pa rin talaga ang aksyon mula sa administrasyon para sa pagtaguyod ng LGBTQ rights,” sagot ni Alon Velasquez, ang tumayong tagapangasiwa ng pagtitipon. “Walang mga polisiya para sa LGBTQ,” dagdag pa niya.
May ilang mga estudyante ang nagpahayag ng saloobin ukol sa isyu. “Sinisisi si Jennifer dahil sa sexuality niya. Pero bakit mo gagawin ‘yun? Lahat tayo ay taong may parehas na karapatan,” hayag ni Ian Velunta, isang estudyante mula sa Kolehiyo ng Komunikasyong Pangkaunlaran. Dagdag pa niya, “It’s a system of victim-blaming.”
Iginigiit ni Velasquez ang panawagan sa pantay na pagtrato na pangunahan sana ng kapwa natin mga Pilipino. “Tingnan mo kung paano i-portray ng media yung kaso. Sa mga ganitong kaso, hindi ba dapat nauunang lapitan ang biktima,” tanong ni Velasquez. Aniya, kwestyonable kung paanong mas dinig ang panig ng lumapastangan kaysa biktima sa mga balita at pahayagan.
Nang tanungin kung ano sa tingin niya ang dapat na pangunahing binibigyang aksyon bilang pagtugon sa ganitong kaso ng pang-aabuso sa karapatang-pantao, “Una’t una talaga dapat i-scrap na ang Visiting Forces Agreement (VFA) at Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).”
Ang aktibidad ay nagsilbing pagpapatuloy mula sa indignation rally na naganap noong nakaraang Oktubre 17 na nilahukan din ng iba’t ibang organisasyon sa pangunguna ng Gabriela Youth-UPLB. Ipinagpatuloy ang pakikiisa ngayong candle-lighting activity kasama ang mga sumusunod na organisasyon; Anakbayan – UPLB, Gabriela Youth – UPLB, Kulturang Ugnayan Alay sa Bayan, (KULAYAN), Umalohokan Inc., UPLB DevComSoc, UP Sigma Alpha Nu Sorority, UPLB Sophia Circle, PATAS-UPLB, UNESCO Club – UPLB, National Union of Students of the Philippines (NUSP)- Southern Tagalog, League of Filipino Students (LFS)– UPLB, UPLB Writers’ Club, UPLB CAS SC, at UPLB USC. [P]
Pingback: LGBTQI+ Filipinos still belittled, silenced under Duterte – UPLB Perspective