News

Kilos protesta, isinagawa kasabay ng huling BOR meeting

Ulat ni KENT SYDNEY MERCADER

Alinsunod sa panawagan ng Office of the Student Regent (OSR) na magsagawa ng isang malawakang protesta sa buong UP System sa huling araw ng pagpupulong ng UP Board of Regents (BOR) ngayong taon, nagsagawa ng isang kilos-protesta ang University Student Council (USC) Miyerkules ng umaga sa Humanities Steps.

Nagtipon ang mga estudyante at organizations upang makiisa sa hinaing ng USC at OSR na itigil na ang talamak na komersiyalisasyon sa UP. Sigaw ni Jio Joshua Baldesimo ng National Union of Students of the Philippines (NUSP) -Southern Tagalog na nagbigay ng isang solidarity message, “Ipagpatuloy natin ang militanteng tradisyon ng UP bilang pamantasan ng bayan. [Labanan at tuluyan] nating labanan ang komersiyalisasyon ng edukasyon.”

Ayon naman kay Diego Torres ng Anakbayan-UPLB na tumalakay sa estado ng UP at tertiary education sa bansa, “[S]a ilalim ng gobyernong ito at ng mga ninuno pa nito, nina Gloria [Arroyo], [Fidel] Ramos, [Joseph] Estrada at ni [Ferdinand] Marcos, patuloy na tinatalikuran ng estado ang tungkulin dapat nito na pag-aralin ang mga mamamayan na diumanoy pag-asa ng bayan.” Dinagdag pa ni Torres ang sabi niyang pahirap na dala ng mga neo-liberal na polisiya na binibigay ng Estados Unidos, International Monetary Fund at World Bank sa gobyerno na dahilan umano ng budget cuts sa mga sektor ng edukasyon.

Dagdag niya, “Kapag binawasan ng gobyerno ang budget para sa UP, pagkapos ang budget ng UP, tiyak mas mataas ang matrikulang babayaran ng mga estudyante.”

Tinalakay ni USC Chairperson Allen Lemuel Lemence sa kanyang UP situationer ang Socialized Tuition Scheme (STS) at inilahad na noong 2012-2013, 52% ng mga estudyante sa UP ay nasa Bracket C hanggang E2 at ang 48% sa Bracket A hanggang B.

“Hindi sapat ang argumento na dumadami na daw ang mayayaman sa UP kaya ganyan ang statistics,” ani Lemence.

Binanggit rin niya ang no-show rates na mataas sa mga pumasa ng UPCAT na galing sa mga pamilyang may kitang P1.3 million pataas na umaabot sa mahigit 70%.

Nabanggit din ni Lemence ang mga miscellaneous fees tulad ng National Service Training Program (NSTP) fee na umaabot sa P1500, ang P200 laboratory fee sa kursong Humanities 2 (HUM 2) at ang pagtaas sa laboratory fee ng Institute of Chemistry (IC) na malabo umano ang napupuntahan.

Sa isang panayam ng UPLB Perspective kay Lemence tungkol sa mga naka-ambang plano ng USC para sa laban sa edukasyon sinabi niya na patuloy parin ang room-to-room announcements tungkol sa campus repression at iba pang mga isyu, ang General Assembly hopping nila sa mga organizations, at ang General Assembly of Student Councils sa UP Cebu sa Enero 6-10, 2015 kung saan tatalakayin din ang “Fight for Education.”

Ang kilos-protesta ay dinaluhan din ng mga sumusunod na organisasyon: League of Filipino Students (LFS), UPLB Sociology Society, Gabriella Youth-UPLB, Sakbayan, Student Christian Movement of the Philippines, UPLB Writers’ Club, Kulturang Ugnayan ng Kabataan para sa Bayan (KULAYAN), Umalohokan, Inc., UPLB Sophia Circle, Samahan ng mga Mag-aaral ng Teknolohiyang Panlipunan, at mga student council ng College of Arts and Sciences (CAS-SC) at College of Human Ecology (CHE-SC). [P]

0 comments on “Kilos protesta, isinagawa kasabay ng huling BOR meeting

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: