Ulat ni JEREMIAH DALMAN
Isinagawa ang Oblation Run sa tapat ng Humanities Bldg. kahapon ng tanghali sa pangunguna ng Alpha Phi Omega (APO) Fraternity, katuwang ang iba’t ibang organisasyon sa UPLB.
Bago pa lamang pumatak ang ganap na alas dose ng tanghali ay makikita nang nagkukumpol-kumpol ang sangkaestudyantehan sa paligid ng Oblation Grounds kahapon. Maririnig na rin ang mangilan-ngilang usapan tungkol sa magaganap na Oblation Run sa UPLB.
Taun-taong pinag-uusapan ang Oblation Run hindi lamang sa UPLB kundi pati sa buong UP System. Katunayan, isa lamang ang UPLB sa campuses kung saan isinasagawa ang Oblation Run.
Ayon kay Renz Ruiz, Auxiliary Chancellor ng APO fraternity, ang taunang takbo ay “[hindi] basta paghuhubad lang. Ito yung paraan namin para ipakita yung paninidigan namin sa mga isyung kinakaharap ng lipunan.”
Naka-angkla ang tema ng Oblation Run ngayong taon sa Climate Justice. Ayon kay Ruiz, “Hindi siya pamilyar na konsepto sa mga tao. Masasabi ngang unang beses ang partisipasyon na ‘to sa UPLB para sa kilusan ng Climate Justice.”
Ayon kay Ruiz, ang Climate Justice ay isang kilusan upang panagutin at pakilusin ang mga nasa posisyon sa pagpigil sa mga aksyong nakakadagdag sa pagkasira ng kalikasan. Ito ay upang mabawasan ang mga negatibong epektong dulot ng pag-alipusta sa likas na yaman ng bansa.
Dagdag ni Ruiz, “Medyo nagduda nga kami sa paglunsad nitong tema dahil sinisigurado naming sa bawat tema, makikiisa talaga ang sangkaestudyantehan. Bilang hindi pa ito pamilyar na konsepto sa marami, nag-dalawang isip din kami.”
Bandang huli, sa paglapit sa APO ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) para kargahin ang temang ito, tinanggap na rin nila ang panawagan.
“Nakikita rin namin ang Oblation Run bilang paraan para magbigay impormasyon sa nakararami,” sagot ni Ruiz sa kung anong dulot ng tradisyon sa komunidad. “Ginagawa namin ito dahil bukod sa tradisyon, isang porma rin ito ng silent protest,” dagdag pa niya.
Sa mga ilang nanood at nakiisa sa Oblation Run kahapon, may mga nanghinayang na hindi naabutan ang demonstrasyon. Nang tanungin kung paano nila nakaringgan na may magaganap na Oblation Run, “Napasa na lang din sa amin. Naririnig-rinig lang din sa ibang estudyante,” banggit ng isang criminology intern na nagmula pa sa Laguna State Polytechnic University (LSPU).
Ayon sa isang miyembro ng APO, mayroon talagang posibilidad na maharang ang demonstrasyon, kaya naman hindi posibleng makapagbitaw ng isang opisyal na anunsyo tungkol sa naturang taunang pagtakbo. [P]
0 comments on “Oblation Run 2014, nanawagan ng ‘climate justice’”