News

Kilos protesta para patalsikin si Aquino, isinagawa sa Calamba

Pagkakaroon ng National Transformation Council, isinusulong

Nina ELISHA PADILLA at CHARITY FAITH RULLODA

CALAMBA, LAGUNA, Pebrero 20 — “Sobra na, tama na, patalsikin na.”

Ang mga katagang ito’y tatlong beses na sinabi ni Bishop Joel Tindero, Secretary General ng Kilusang Bayan Para sa Mabuting Pamahalaan Timog Katagalugan (KBMP-ST), sa pagtatapos ng kaniyang mensahe sa isang kilos-protestang ginanap sa Crossing Calamba nitong Biyernes ng hapon.

“Ang ipinangako niyang tuwid na daan, ang dulo ay kamatayan,” dagdag pa nito. “Lahat ng simbahan na naniniwala sa Diyos ay dapat magsama-sama, magtulungan at patalsikin na ang ating presidente.”

Nagtipon-tipon ang ilang organisasyon mula sa iba’t ibang sektor ng Timog Katagalugan para magdaos ng kilos-protesta ukol sa pagtigil ng pagdinig at imbestigasyon sa tunay na pangyayari sa likod ng madugong labanan sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.

 

Naudlot na pagdinig

Malaking usapin hanggang sa ngayon ang pagkamatay ng 44 na miyembro ng Special Action Forces (SAF) na bahagi ng paghahanap sa dalawang malaking terorista na sina Abdul Basit Usman at Zulkifli bin Hir alyas Marwan. Laman ito ng Oplan Exodus ng SAF laban sa high value target na nasa ugar na pasimuno umano ng kabi-kabilang pagsabog na nangyayari sa Gitnang Mindanao.

Mariing kinondena ng mga organisasyong nagtipon-tipon ang ‘di umano’y bulagsak at hindi koordinadong kumpas ni Pangulong Benigno Aquino III at ang suspendidong Philippine National Police (PNP) chief na si Alan Purisima na salpukan ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF), Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at Moro Islamic Liberation Front (MILF). Ito’y nagresulta sa mahigit 70 bilang ng nasawi kasama ang mga inoseteng sibilyan.

Pinaniniwalaang may kinalaman ang Estados Unidos sa operasyong ito dahil sa paglabas ng mga ulat ng midya na nagbigay nga ng intelligence at drone support ang naturang bansa para sa Oplan Exodus. Pinabulaanan ni US Ambassador to the Philippines Philip Goldberg na may kinalaman nga ang US sa naturang operasyon.

Samantala, panandaliang itinigil naman ang imbestigasyon sa Kamara de Representantes ukol sa kasong ito. Ayon kay House Speaker Feliciano Belmonte, Jr., ipagpapatuloy raw ang pagdinig nito pagkatapos ng dalawang linggo, pagkalabas ng resulta sa ginagawang imbestigasyon ng Board of Inquiry ng PNP.

Matatandaang binatikos ang unang pagdinig ng House Committees on National Defense at Peace and Reconciliation dahil sa kawalan ng order sa naturang pagdinig.

Giit ng iba’t ibang grupo na sinadya raw ng administrasyon ang pagpapatigil ng pagdinig upang hindi maiungkat ang pagkakadawit ng US sa misyong ito. Panawagan nila’y katotohanan, kasama ang pagpapatuloy ng usaping pangkapayapaan sa pagitan ng Gobyerno ng Pilipinas (GPH) at MILF.

Itinanggi naman ni Communications Secretary Herminio Coloma Jr. ang mga paratang na ito. “Wala pong involvement ang Pangulo o ang executive branch doon sa pagdaraos ng mga pagsisiyasat at pagdinig bukod doon sa pagiging resource person kung tinatawag.”

 

Sigaw ng bayan

Sa pagsasama-sama ng iba’t ibang sektor ng Timog Katagalugan, sigaw nila’y katotohanan, hustisya, pananagutan, at higit sa lahat pagbabago sa lipunan.

“Tayo ay nananawagan kasabay ng pagpapatalsik kay Aquino, at sa rehimen, para sa isang National Transformation Council na gagabayan ng Council for Moral Regeneration upang bigyang daan ang paglilinis ng bulok na sistemang pampulitika sa ating bayan, at panagutin ang mga maysala sa taumbayan,” anang Anakbayan-Timog Katagalugan.

Hinihimok naman ni Bishop Tindero na makiisa ang mamamayan sa pagbabago. “Ipagpatuloy ang paghahanap ng katotohanan, ipagpatuloy ang paghahangad ng katarungan, patuloy na isulong ang usapang pangkapayapaan, upang pag-usapan ang ugat ng armadong tunggalian sa ating bayan.”

Sa Pebrero 25, bilang paggunita sa People Power Revolution, maglulunsad ng malawakang kilos protesta ang iba’t ibang organisasyon sa bansa, maging ang iba’t ibang sektor ng lipunan hinggil sa panawagang pababain si Aquino sa posisyon kanyang posisyon.

Kabilang sa mga nakidalo sa pagtitipon ay ang Slam Aquino, KAMIT, OLALIA, Gabriela, PAMANTIK-KMU, Anakbayan, Anakpawis, KADAMAY, MIGRANTE, Bagong Alyansang Makabayan, Karapatan, KAPAYAPAAN, KAPATAAN, at League of Filipino Students. [P]

0 comments on “Kilos protesta para patalsikin si Aquino, isinagawa sa Calamba

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: