Editorial Opinion Statements

EDITORIAL | Ang Perspective bilang simbolo ng [P]akikisangkot

Mariing naninindigan ang UPLB Perspective sa pagpapanatili nito ng awtonomiya at kalayaan sa pamamahayag at pagdedesisyon laban sa mga polisiyang arbitraryo at mapanupil. Ang pahayagan ay nananatiling isang historikal na simbolo ng institusyon ng mga mag-aaral na tagapamandila ng karapatan ng mga estudyante sa impormasyon at malayang pamamahayag, hindi lamang sa loob ng unibersidad kundi sa kalakhang sektor ng kabataan at mamamayang pinagsisilbihan nito.

Matagal nang isyu ng patnugutan mula pa noong termino ni dating Chancellor Luis Rey Velasco ang nakaambang pansamantalang paglilipat ng mga opisina nito, kasama ng University Student Council (USC) at Textbook Exchange and Rental Center (TERC) sa basement ng Student Union (SU) building mula sa kasalukuyang kinalalagyan ng mga ito. Ito ay ayon sa plano ng Office of the Vice Chancellor for Planning and Development (OVCPD) upang bigyang kaluwagan ang pagpapaupa ng mga mababakanteng opisina sa pangangailangang pangkomersyo. Kaalinsabay din ito ng plano ng Business Affairs Office (BAO) na paglilipat ng mga nabanggit na opisina matapos ang konstruksyon ng bagong gusaling matatagpuan sa UPLB Post Office.

Labas pa sa usaping sentimental, ang mga planong direktang nakaapekto sa paglilingkod ng mga institusyong ito sa mga estudyante ng walang maayos na konsultasyon at malinaw na hangarin ay pagsasantabi ng unibersidad sa karapatan, kakayahan, at makasaysayang kontribusyon ng mga mag-aaral sa pagpapalago ng pamantasan. Ang paglilipat ng mga nasabing opisina ay makaaapekto sa pisikal at digital (kawalang ng signal) na access ng mga mag-aaral sa institusyong pangestudyante sa kagyat. Hindi rin malayong ang mga institusyong ito ay unti-unting mapilay sa usapin ng pinansya at editorial autonomy dahil sa pagiging sistematiko ng panggigipit ng administrasyon. Idagdag na rito ang taunang suliranin sa paglilimbag ng diyaryo dahil sa mga walang-basehang rekisitos at makupad na proseso sa paga-apruba sa budget ng pahayagan. Nariyan din ang panghihingi ng permit sa patnugutan upang makagamit ng sarili nitong opisina tuwing presswork.

Bukod pa sa titulong opisyal na pahayagan ng UPLB, nagsisilbing daluyan at lunduyan ang pahina ng UPLB Perspective sa alternatibo at kritikal na pamamahayag; tangan ang mas malalim na mithiin ng pakikisangkot sa isyung pampulitika’t panlipunan. Masigasig itong naging kritiko at nagsilbing mouthpiece sa kasagsagan ng mga isyu gaya ng 300% tuition increase noong 2006, pagpapatupad ng STFAP/STS na sa esensiya ay pagpapapasan sa mga estudyante ng bigat ng bayarin sa matrikula, mapaniil na prosesong apektado ang mga student organizations, fraternities, at sororities, at iba pa. Nagsilbi rin itong saksi at lente sa mga tagumpay ng kampanya gaya ng pagpapatalsik kay dating Chancellor Wilfredo David, paga-abolish ng late registration fee, pagka-apruba ng referendum pabor sa CRSRS at plebisito panig sa 1984 USC-CSC Constitution, at matalinong pagpili tuwing USC-CSC elections, at di mabilang na kampanya kaugnay ang estudyante, guro, kawani, at komunidad.

Subalit hindi ito nakakulong sa neutral at obhetibong pagtingin sa pamamahayag dahil nakaugat sa mga manunulat nito ang pangangailangang aktibong makisangkot at baguhin ang kalagayang kultural, pulitikal, at panlipunang kamalayan ng mga kabataan at malawak na sambayanan. Masugid itong tagalimbag ng kasaysayan mula pa noong panahon ng Martial Law, EDSA Revolution, Visiting Forces Agreement, Maguindanao Massacre, at samu’t saring isyung ugnay sa indibidwal at kolektibong karapatan ng mamamayan. Palagian itong panauhin sa iba’t ibang demonstrasyon ng mga magsasaka, piket ng mga manggagawa, at pag-oorganisa ng mga estudyante sa hangaring mas mapalalim pa ang pang-unawa sa kanilang kalagayan.

Samakatwid, hindi limitado ang interpretasyon at panulat ng UPLB Perspective sa kung ano ang madali at komportable bagkus ay sa masalimuot na paguugnay-ugnay ng mga isyung pang-estudyante sa sintomas ng malawak na karamdaman ng bansa.

Ang pahayagan, konseho, at TERC ay kasalukuyang kahanay ng mga opisinang may kinalaman sa financial assistance, scholarships, at student loans – na kakatuwang simbolo ng papabigat na responsibilidad ng mga mag-aaral sa matrikula at pag-abandona ng estadong pag-aralin ang pinakamalawak na bahagdan ng kabataan. Sa gitna ng ganitong panunupil, mananatili ang UPLB Perspective sa pakikipaglaban sa karapatang manatili sa sariling opisina at patuloy na makikiisa sa mga mag-aaral sa panawagan para sa de-kalidad na edukasyon at dagdag na budget sa serbisyong panlipunan.

Ito at ang sistematikong panggigipit pampinansya ang nagtutulak sa inyong pahayagan na lalong magsumidhi sa pamamahayag na kritikal at nakikisangkot. Sa huli, napatunayan na ng kasaysayan na ang mga mag-aaral bilang pinakamalawak na sektor sa unibersidad na nagtindig sa pahayagan at konseho, kasama ng mga kawani, guro, at iba pang sektor ang mapagpasya sa mga pagbabagong angkop sa pamantasan at sa malawak na kalagayan ng lipunan. [P]

UPLB Perspective is the official student publication of the University of the Philippines Los Baños, established in 1973. It is the first campus publication established under Martial Law in the Philippines.

0 comments on “EDITORIAL | Ang Perspective bilang simbolo ng [P]akikisangkot

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: