News

#TanduayWorkersOnStrike, isang linggo nang nagpapatuloy

Karahasan laban sa mga welgista, patuloy

Ulat mula kay ANDREW ESTACIO at CLARIZA CONCORDIA

Naitayo namin ito, paninindigan namin, hangga’t hindi namin nakakamtan ang (aming) ipinaglalaban at ang hustisya para sa aming mga manggagawa.”

Iyan ang iginiit ni Anse Are, tagapangulo ng Tanggulan Ugnayan Daluyong ng Lakas-Anakpawis ng Tanduay Distillers Inc. (TUDLA) sa patuloy na kilos protesta ng mga manggagawang kontraktuwal ng Tanduay Distillers Inc. upang ipanawagan ang regularisasyon sa trabaho.

Anila, hindi sila aalis hangga’t hindi natutugunan ang kanilang panawagan para sa kanilang karapatan bilang mga manggagawa.

Sa loob ng mahigit apat hanggang 11 taong pagtatrabaho sa kumpanya, nanatiling kontraktwal ang 90% ng mga manggagawa ng Tanduay Distillers Inc., na pagmamay-ari ni Lucio Tan. Tatlumpu’t apat lang naman ang mga regular na manggawa ng kumpanya.

Bukod pa rito, sa kabila ng bilyun-bilyong kinikita ng kumpanya taun-taon, mababa pa rin ang sahod sa lakas-paggawa. Umaabot lamang daw sa Php 315 ang sahod na natatanggap ng mga manggawa. Ayon pa sa PAMANTIK, mula rito ay kabi-kabila ang pagkaltas para sa Compulsory Death Donation, Personal Protective Equipment, at Provident Fund.

Noong ika-16 ng Abril ng nakaraang taon, nagparehistro sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga manggagawa ng Tanduay bilang isang asosasyon. Nang mapag-alaman ito ng pangasiwaan ng Tanduay, sunud-sunod na raw ang panggigipit at pananakot sa mga manggawa. Ani Dante Ragasa, bise presidente ng TUDLA,“Nariyan yung panggigipit sa amin, pananakot, na kung kami ay sasali (sa asosasyon), tatanggalin kami sa trabaho.”

Nagsampa din sila ng reklamo sa Department of Labor and Employment (DOLE) upang magsagawa ng inspeksyon na tutukoy na ang dalawang ahensya ng Tanduay, ang Global Skills Providers Multi-Purpose Cooperative at HD Manpower Service Cooperative, ay Labor Only Contracting (LOC). “Subalit sa kasamaang-palad, walang malinaw na desisyon ang DOLE tungkol doon,”ani Ragasa.

Matapos ang inspeksyon na iyon, ginipit ng ahensyang Global ang mga manggagawa roon. “Nagpalabas sila ng kontrata na sinasabi roon, nagko-comply sila sa requirements. Eh kami, dahil sa alam namin kung ano ang totoo, hindi namin nilagdaan, marami sa mga kasama namin,” salaysay ni Ragasa.

Marami raw sa mga kasama nilang kasalukuyang pumapasok pa rin sa Tanduay ay pumirma roon, bagama’t hindi raw nila nalalaman ang sinasaad ng kontrata. Ilan din daw ang pinilit na pumirma.“Sinasabi sa kanila na kapag hindi sila pumirma, mawawalan sila ng trabaho,” ani Ragasa.

Nito nga lamang Abril, agarang naglabas ng kontrata ang pamunuan ng Global. Rikisito daw iyon ng kumpanya sa Global para umano sa ISO Accreditation. Ani Ragasa, hindi raw sila naniniwala roon, sapagkat isang taon ang nakalipas, nakapasa naman daw ang ahensya sa akreditasyon, bagama’t walang kontratang pinapirmahan.

Hanggang noong Mayo 16, wala nang schedule ang mga manggagawang hindi pumirma sa kontarata, at tanging mga piling manggagawa na lamang ang nagtatrabaho roon.

“Kaya po kami ay madaliang nagplano na maglunsad ng welga para madinig ng aming mga management na talagang kami ay naninidigan para sa inilalaban namin na regular na trabaho, magkaroon kami ng seguridad sa trabaho namin,” ani Ragasa.

Nitong Mayo 18, sinimulan ng mga manggagawa ng Tanduay ang welga upang ipanawagan ang regularisasyon sa trabaho, at hustisya para sa dalawa nilang kasamahang pinaalis sa trabaho nang hindi dumaan sa tamang proseso. Mariin din nilang kinondena ang pagkakaroon ng pasok noong Araw ng mga Manggagawa. Ani Ragasa, hindi raw tinugunan ng administrasyon ang kanilang sulat ukol sa panawagang ito. “Kaya po yung kaso namin, itinuluy-tuloy na lamang sa DOLE.”

Dinaan sa dahas

Sa unang araw lamang ng kilos protesta, dinaan sa dahas ng mga kapulisan at ‘private goons’ ni Lucio Tan ang mga welgista.

“Sabi namin, hindi kami lalaban. Nakataas na ang mga kamay namin,” salaysay ni Claro, isa sa mga welgistang nakapasok sa distilyera noong unang araw. Walang habas na pinagpapalo ng mga security guards ang mga manggagawa ng Tanduay na nakadestino sa main gate. Anila, mga bayarang pulis daw ang humarap sa kanila, sapagkat hindi raw iyon ang mga security guards na nagtatrabaho sa kumpanya.

Kinuha rin daw ng mga security guards ang kamera ng isa nilang kasamahan.

“Hindi naman kami manggugulo doon. Magpipiket lang kami. Babantayan lang namin yung gate para yung mga produkto roon, hindi nila mailabas,” salaysay ni Claro.

Dagdag pa ni Ragasa, iyon lamang daw ang kanilang paraan upang harapin sila ng pamunuan ng kumpanya. “Wala kaming tanging paraan kung ‘di ‘yon lang, eh,” dagdag pa niya.

Sa ika-anim na araw ng pagwewelga ng mga manggagawa ng Tanduay, nakiisa ang mga progresibong grupo mula sa National Capital Region na binubuo ng mga grupo mula sa sektor ng manggagawa, mangingisda, migrante, kabataan at mga kababaihan. Nagkaroon ng programa maghapon kung saan nagpahayag ng mga mensahe ang iba’t ibang mga lider ng mga progresibong grupo, at nagkaroon ng talakayan hinggil sa laban ng mga welgista.

Bandang alas kwatro ng hapon, tinungo ng ilang mga grupo ang Gate 3 ng Asia Brewery upang doon sana’y maglunsad ng programa. Subalit hindi pa man sila nakakababa ng mga sasakyan, sinugod sila ng bulto ng mga security guards at goons. Pinaghahampas ng malalaking pamalo ang mga sasakyan, at pinagbabato ang mga welgista.

“’Yung mga gwardiya pong iyon, hindi sila totoong mga gwardiya. Yun po yung karga ng trak ng BJMP noong Lunes ng hapon,” ani Are. Noong araw ding iyon, may dumating pa raw na sasakyan ng mga preso. “Maliban po sa management, maliban sa gwardiya,  kapulisan po ng Cabuyao [ay] isa po sa aming mga kalaban,” dagdag pa niya.

Noong Mayo 24 naman, dumating si Police Inspt. Lope Liwanag, chief inspector at chief administrator ng kapulisan sa Cabuyao. Sa pahayag niya sa Perspective, ang tungkulin lamang daw ng kapulisan ay ang “panatilihin ang peace and order.”

“Ang gusto naman natin ay mauwi (ang dalawang panig) sa mapayapang pagkakasundo,” dagdag pa niya.

Nang tinanong siya ukol sa naging marahas na aksyon ng mga kapulisan sa Gate 3, aniya, dapat daw masuportahan ng salaysay ang kaganapan. Aniya, mas mainam daw kung may recorded copy. “Saka pa lang aaksyon hangga’t hindi pormal ang reklamo,” saad nito.

Inamin naman nito ang presensya ng kanyang mga subordinates sa naganap na marahas na pag-disperse sa mga welgista. Subalit, hanggat “wala pang nakikita” (first hand), hindi muna aaksyon ang kapulisan.

P10 bilyong kita kada taon

Isang linggo nang nagwelwelga ang mga manggagawa ng Tanduay, sigaw-sigaw ang kanilang pagkundena kay Lucio Tan, may-ari ng Tanduay Distillers, Inc. at ng Asia Brewery sa Laguna. Ayon sa Forbes, si Tan ay pangalawa sa pinakamayamang bilyonaryo sa bansa sa kanyang net worth na P270 bilyon.

Ayon sa Bulatlat.com, inulat ng kompanya na sampung bilyon ang kinita nito noong 2012 at labing-dalawang bilyon naman noong 2013. Saad ng TUDLA, maliit na porysento lamang nito ang napupunta sa mga manggagawa ng Tanduay.

Kinundena naman ng Kilusang Mayo Uno ang pagpapa-kontraktwal ni Tan sa 90% ng kanyang mga manggagawa. Alinsunod sa Labor Code, sa halos dekada na nilang pagtatrabaho sa Tanduay, nararapat na silang iregularisa.

Patuloy ang kilos-protesta ng mga manggawa ng Tanduay sa pagawaan nito sa Cabuyao, Laguna. Isang linggo nang nagdaan, wala pa ring reaksyon at pahayag ang management, bagkus ay patuloy ang pantataboy ng pulisya sa mga manggagawa. [P]

1 comment on “#TanduayWorkersOnStrike, isang linggo nang nagpapatuloy

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: