Ulat ni DENISE MADELEINE GALE ROCAMORA
Sinalubong ng UPLB ang 2,530 na new freshmen ng Batch 2015 sa AlmOSAlan at Freshmen Convocation na ginanap sa Copeland Gymnasium, Agosto 5.
Nagsimula ang programa sa AlmOSAlan kung saan naghandog ng iba’t-ibang pagkain sa mga freshmen ang mga organisasyon, fraternities, at sororities.
Sinundan ito ng convocation kung saan ipinakilala sa mga freshmen ang Chancellor at mga Vice Chancellor, maging ang mga dekano at dekana at mga kalihim ng bawat kolehiyo.
Dito rin nagbigay ng mensahe ang panauhing pandangal na si Rodrigo “Jiggy” Manicad, Jr., news producer at reporter ng GMA News and Public Affairs, na nagtapos sa kursong BA Communication Arts noong 1994.
Aniya, hindi naging hadlang ang kahirapan upang matamasa niya ang kanyang kinaroroonan ngayon. “Ang importante, para sa akin, ay yung focus, yung hard training, at lahat ng mga pinapangarap niyo ay maa-achive niyo. Just stay positive sa inyong mga pananaw sa buhay,” saad nito.
Sinabi pa ni Manicad ang tungkuling tangan-tangan ng isang iskolar ng bayan sa bansa. Ayon sa kanya, “Regardless of kung anuman ang inyong pasukin na larangan… dapat patunayan natin sa UP, patunayan sa bayan, na bawat isa sa atin may maii-contribute, maliit man o malaki.”
Para naman sa topnotcher ng UPCAT na si Dominique Grace Gocal, isang “pagkakataon na makapagsilbi” ang pagiging isang iskolar ng bayan.
“Hindi sapat na isaisip at isapuso lamang ang ating mga natutunan… Malalaman natin kung paano gamitin ang mga kaalamang ito sa lipunang ating kinabibilangan. Matututunan nating isagawa ang mga ito para sa ikabubuti ng marami,” saad ni Gocal sa kanyang talumpati.
Isang hamon din ang kanyang binitawan sa kapwa freshmen. Aniya, nararapat lamang na gamitin ang kanilang mga angking kakayahan sa kanilang “pagbabalik-serbisyo sa bayan” sa hinaharap.
“Sa UPLB, tayo ay hahasain, huhulmahin, huhubugin at titirisin nang paulit-ulit hanggang sa tayo ay maging mga Pilipinong karapat-dapat sa pangalang Iskolar ng Bayan para sa Bayan,” wakas niya. [P]
Featured photo from Myrelle Joy Bejasa.
0 comments on “AlmOSAlan at freshie convocation, ginanap para sa mga bagong isko at iska”