News

Indignation rally kasabay ng araw ng mga desaparecido, isinagawa

Ulat ni GEEROD XAVIER PINZA

“Desaparecidos, ilitaw! Karapatan ng mamamayan, ipaglaban!”

Ito ang naging malakas na sigaw ng mga kabataang nagtipon-tipon sa Carabao Park, University of the Philippines Los Baños noong Biyernes, ika-28 ng Agosto, ganap na 5:35 ng hapon sa isang indignation rally para sa mga desaparecidos.

Pinamunuan ng Youth Advocates for Peace with Justice (YAPJUST) at Student Christian Movement of the Philippines (SCMP) ang nasabing kilusan katuwang ang ilan pang organisasyon sa loob ng unibersidad: Anakbayan-UPLB, Republika Katagalugan, UPLB Perspective, Writer’s Club-UPLB, League of Filipino Students-UPLB, Center for Nationalist Studies-UPLB, Umalohokan Inc., National Network of Agrarian Reform Advocates Youth-UPLB, UPLB DevcomSoc, Sakbayan at isang freshman na nagngangalang Marco Alejandro Ibe.

“Ngayon ay isang pagkilos para sa pag-alala doon sa mga biktima ng sapilitang pagdukot tulad nina Sherlyn Cadapan, Karen Empeño, Rizalina Ilagan, Jessica Sales at yung iba pang biktima ng enforced disappearances,” pahayag ni Charles Masirag, miyembro ng YAPJUST.

“Actually yung event, yung Desaparecidos Day, sa August 30 pa ‘sya pero ayon sa pagsisiyasat, ngayon na lang ang itinakda naming araw kung saan gugunitain ito dito sa campus,” dagdag pa ni Masirag.

Nagsimulang magtipun-tipon ang mga mag-aaral sa harap ng Oblation, na kanilang tinakluban ng itim na tela bilang simbolo ng kadiliman at kawalan ng hustisya, at doo’y nagmartsa patungong CPark.

Ang pangunahing isyung tinalakay sa kilos-protesta ay ang pagdakip at pagpapahirap o turture na ginagawa ng mga militar sa mga lumalaban at nag-aaklas sa pamahalaan, na sinasabing nagsimula noong panahon ng Martial Law at patuloy pa ring nangyayari sa kasalukuyang panahon.

Nabanggit din ang ilan pang isyung panlipunan tulad ng lumalakas na pasismo, talamak na pagkitil sa karapatan ng mamamayan, paghuli sa mga protektado ng Jasig, ilang kaso ng harassments, red tagging, 169,000 kaso ng paggamit ng neutral grounds bilang base militar, pagbaba ng ekonomiya, reporma sa lupa at maging ilan sa mgaa isyu sa loob ng campus tulad ng pagtaas ng matrikula, komersalisasyon ng edukasyon, pagkitil sa karapatang mag-organisa, at paglulunsad ng Code of Student Conduct na maituturing na represibo at sumusupil sa karapatan ng mga mag-aaral.

Nagkaroon din ng mga kultural na pagtatanghal upang mas maipaliwanag pa sa madla ang layunin ng isinagawang pagtitipon.

Ganap na 6:45 ng gabi nang simulan ang candle lighting ceremony na sinundan naman ng isang panalangin.

Taunang isinasagawa ang International Day of the Disappeared tuwing ika-25 ng Agosto. [P]

0 comments on “Indignation rally kasabay ng araw ng mga desaparecido, isinagawa

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: