Ulat nina ALBERT JOHN ENRICO A. DOMINGUEZ at ANGELA JHANEL MARTIN
Noong Martes, ika-walo ng Setyembre, isang malakas na sigaw ang narinig mula sa Humanities Steps, University of the Philippines Los Baños (UPLB).
“Ang beki ng bayan, ngayon ay lumalaban!”
Ito ang tugon ng mga nakilahok sa 5th Southern Tagalog Pride March na pinamunuan ng UPLB Babaylan at UPLB University Student Council (USC). Ang pagpapalaya sa karapatan ng mga Lesbian, Gay, Bisexual, Transsexual (LGBT) ang pinasinayaan ng martsa mula sa temang “Celebrating Identity, Liberating Philippine Society.”
Tawag para sa pagkakapantay-pantay
“Nakaka-empower at uplift. Sobrang nakakatouch kasi ang daming sumali at nag-effort talagang ipakita support nila sa LGBT.” pahayag ni Katrina Nery, isang BA Communication Arts student. “Importante itong event kasi sinasabi na fight inequality with equality. Wag magpaapekto sa mga haters.”
Ang mga nakilahok sa martsa ay nagbigay rin ng kanilang mga mensahe para sa pagkakaisa. Habang ang iba naman nagpahayag ng suporta sa pamamagitan ng sining tulad na lamang ng UPLB Street Jazz Dance Club (SJDC), at UPLB Folk Dance Club.
Kolektibong pagtawag ng mga estudyante
Nagpahayag rin ng saloobin si Andrew Estacio, kasalukuyang Managing Editor ng UPLB Perspective, ukol sa diskriminasyong nararanasan ng LGBT sa media. Nagbaliktanaw siya sa kamakailang pagpapahirap at pagpatay sa transgender na si Jennifer Laude. Ayon sa kanya “ang bawat mamamayan ay may responsibilidad na palayain ang komunidad, ang LGBT, at gawing makulay at bahaghari ang lipunang ito.”
Bukod sa pantay-pantay na karapatan, binigyang pansin rin ang isyu ukol sa pagrerehistro ng mga organisasyon, pagtaas ng matrikula at ang walang katapusang problema patungkol sa “pork barrel” ni Presidente Aquino (PNoy).
Patuloy na laban para sa karapatan ng LGBT
Kamakailan ay naghanay si Bayan Muna Representative Teddy Casiño ng House Bill 1483 o Anti-Discrimination Act of 2010 na naglalayong wakasan ang karahasan at diskriminasyon base sa Sexual Orientation and Gender Identity and Expression (SOGUE). Siya rin ang naghain ng House Bill 4635, na nagtatalaga sa ika-17 ng Marso bilang “National Day Against Homophobia and Transphobia” or NADAHO. Gayunpaman, nanatiling walang usad ang mga nasabing house bills sa ilalim ng pamumuno ni PNoy. [P]
Pingback: LGBTQI+ Filipinos still belittled, silenced under Duterte – UPLB Perspective