Ulat ni ANDREW AQUINO ESTACIO
Hustisya para sa mga Lumad na biktima ng militarisasyon—ito ang naging panawagan sa isinagawang indignation rally sa Carabao Park noong Martes ng hapon, Setyembre 15. Pinangunahan ng UPLB Perspective, University Student Council (USC), at mga student organization ang naturang protesta.
“Kitang-kita ang galit ng mga Iskolar ng Bayan sa paglabag sa karapatan at pagpatay sa mga Indigenous People. Ito ay pagpatay na rin sa kultura ng mga Pilipino. Paano na natin ito ipe-preserve kung patuloy ang pagsasamantala sa kanila?” pahayag ni Patricia Marie Catriz, kasalukuyang USC Councilor.
Kinundena ng mga nag-protestang estudyante ang patuloy na karahasan at paglabag sa karapatang pantao ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga sibilyan at katutubong Lumad.
Nagpahayag din ng saloobin si Vincent Amores, taga-pangulo ng Anakbayan-UPLB,“Dapat ay pinoprotektahan ng AFP ang mga Filipino ngunit pinapatay nito ang mga katutubo. Bastos at walang respeto ang AFP at ang paramilitary group nito.”
“Palala nang palala ang karahasan ng mga militar. Kamakailan lang ay nangyari ang masaker sa Lianga, Surigao del Sur na kumitil sa buhay ng tatlong Lumad. Dapat panagutin ang AFP sa karahasang ito.” pahayag ni Jil Caro, punong-patnugot ng Perspective.
Pinatay ng isang AFP paramilitary group ang tatlong Lumad na sinaEmerito Samarca, Dionel Campos, at Belo Sinzo. Si Samarca ay executive director ng Alternative Learning Center for Agriculture and Livelihood Development (ALCADev), isang eskwelahan ng mga katutubong Lumad, samantalang si Sinzo naman ay lider ng Malahutayong Pakigbisog Alang Sa Sumusunod (MAPASU), organisasyon ng mga Lumad.
Dagdag pa ni Caro ay dapat nang ibasura ang Oplan Bayanihan ng administrasyong Aquino nang mawakasan na ang militarisasyon at paglabag sa karapatang pantao.
Nagwakas ang protesta sa pagtitirik ng kandila para sa mga namatay sa Lianga Massacre at sa mga Lumad na biktima ng karahasan. [P]
0 comments on “Indignation Rally, ginanap bilang panawagan ng hustisya para sa mga Lumad”