ni PIRIRIT
Ramdam na ramdam ko ang paso ng init ng araw sa aking balat. Ramdam na ramdam ko ang pagdikit ng natutunaw na aspalto sa aking sapatos na siyang nagpapabigat ng aking bawat hakbang. Ramdam na ramdam ko ang bawat butil ng pawis na dumadaloy sa aking buong katawan, oo di na lang siya basta pumapatak kundi dumadaloy, dumadaloy ng dahan dahan. Ramdam na ramdam ko ang bawat sigaw ng mga mamayan. Ramdam na ramdam ko ang mapupusyaw na titig ni Mang Pogi…
Ilang kilometro na ba nalakad ko? 10, 100? Sandali, bakit nga ba ako nandito?
“Magcocover tayo ng EDSA Revolution”
Magcocover daw, pero imbis na DSLR camera at Iphone para recorder ang hawak ko. Hawak ng kanang kamay ko ang dulo ng isang mahabang telang may nakapinturang “OUST Aquino!” at ang kaliwa naman ay nakakapit-bisig sa isang babaeng sigaw ng sigaw “Iskolar ng Bayan ngayon ay Lumalaban!”
Para san pa ba? Simula pa nang unang kilometro ng aming paglalakad, paulit-ulit kong tinatanong ang aking sarili. Para san pa ba? Isang taon na lamang ang termino ni Aquino. Para san pa ba’t gusto nating siyang paalisin sa pwesto? Para san pa ba ang pagpapakapagod na ito? Malamang sa malamang yun din ang tingin ng karamihan sa mga taong nakakasalubog namin.
“Ano ba yan pampabigat lang ng traffic!”
Nang ang isang bulaklak sa kamay ng madre ay iniabot sa sundalong nakaupo sa tangkeng pandigma, naisalarawan ko ang EDSA Revolution I. Nauunawaan ko pa ang mga pagpupimiglas noong reheming Marcos, humigit sa 20 taong naging matindi ang pang-aabuso sa karapatang pantao. Sa mahigit 75,000 kataong naiulat na nakaranas ng pang-aabuso, torture, rape, namatay, at nadesap (nawala). Sa pagmamanipula ng midya, mapaTV, dyaryo, at radyo. Sa pagtatali sa leeg na parang aso sa ating Sandatahang Lakas.
Ngunit ngayon? Hindi na ganoon katindi ang mga paghihirap na dinaranas ng mga Pilipino. Nasa isip ko na lang, sadyang hindi lang kaya makontento ang mga tao. Hanap ng hanap ng butas, gusto ganto, gusto ganyan, pero kahit ano namang gawin ng isang nanunungkulan mali pa din sa marami. Nakakapagod, nakakatuliling, di matapos tapos na pag-iingay sa paulit-ulit na sigaw. Wala na bang bago?
Tumigil muna ang paglalakad, nagkabuhol buhol ata ang trapiko. Binigay ko muna ang dulo ng tela kay ateng “Iskolar ng Bayang, ngayon ay lumalaban!”, nakakauhaw, bibili lang ako ng tubig. Lumapit ako isang matandang mamang nagpupunas ng pawis sa may sidewalk, na may bitbit ng styrofoam na nababalutan ng packaging tape.
“Pabili nga po ng tubig. Magkano po?”
Tinitigan ako ni manong. Mapusyaw na titig, kitang kita mo sa mga mata ang pagod niya. Sabay bigla siyang ngumiti, kasabay din ng pagngiti ng mga wrinkles niya sa noo.
“Sampu. Kasama ka ba nila?”, tanong ng mama.
Tumango ako, at ngumiti pabalik.
“Mukhang tiba tiba po tayo ngayon, ano kuya?” pabirong tanong ko sa kanya.
“Ay oo, neng pinagpapawisan na nga ere.”
Iniabot ko sa kanya ang sampung Rizal at umupo sa may tabi niya.
“Alam mo neng, sa sobrang dalas ng mga pagrarally dito at sa sobrang tanda ko na, kilalang kilala ko na mga suki ng pagrarally. Pang-ilang sabak mo na to sa rally?” panimula ng usapan ni manong.
“First time po, nagcocover po ako para sa school pub po namin.”
“Manunulat ka? Ay ito nga oh, may nag-abot sakin ng dyaryo kanina. Tapos ko ng basahin yung front page,” sabay iniabot sa akin ang dyaryo.
UPLB Perspective. Natawa ako kasi bukod sa header, graphics lang ang nasa front page.
“Kuya naman, dyan ako nagsusulat eh. Ito po pangalan ko, kaso wala po akong sinulat sa issue na yan. Hahaha”
Nagbiruan kami ni manong, hanggang sa ikwento niya sakin ang buhay niya, mula nung sa Batangas pa sila nakatira, hanggang sa paglipat nila isang yerong bahay sa Tondo. Ang dami niyang kwinento, pati nga ang nakakainis na asong madalas tumae sa tarangkahan ng bahay nila, na ang pangalan daw ay “Bimby”.
Naikwento nya din sakin, ang naging karanasan niya noong Martial Law. Pebrero 1971, Diliman Commune.
“Nagtatrabaho ako nun sa isang bakery na nagmamahagi ng pandesal tuwing umaga sa mga nakabarikadang estudyante ng UP Diliman noon. Habang namamahagi kami noong ng pandesal, kitang kita ko ang mga sundalong nakapaligid sa unibersidad, may mga helicopter pa! Tapos yung mga estudyante aba, may mga metal yung sa LPG ba yun, pinapantapon nila sa mga napasok na militar. Pero ang pinakamalala talaga ineng, ng magpapaputok ang mga sundalo at magpa-ulan ng bala doon, madaming natamaan, at may isang binata ineng! Grabe kitang kita ko ang pagdaloy ng dugo, neng pati yung pagkatumba niya. Grabe talaga ng panahong iyon, at alam ko magpasahanggang ngayon may mga nakararanas pa din ng mga panlulupig, kaya nga’t taun-taon kayo nandito di ba? Ay sila pala.”
Muntik na ako masamid habang umiinom ng tubig. Narinig ko na nga ang Diliman Commune, ngunit unang beses pa lamang ako nakakilala ng taong nandun mismo ng mga panahong iyon. Kitang kita ang gimbal sa mukha ni manong habang ikwenekwento niya ang mga pangyayari, at ang bawat salitang kanyang binabanggit ay tila kahapon lamang nangyari ang lahat.
Ika 1-9 ng Pebrero, 1971 – Diliman Commune, Unibersidad ng Pilipinas Diliman (Larawan ni Steve Santos, Philippine Collegian Photographer 1970-1971)
Dun niya daw mas naunawaan ang kahalagahan ng pag-aalsa. Kaya’t ng manawagan ng EDSA Revolution, walang ng patumpi-tumpik pumunta siya sa kalsada na ang tanging armas ay rosaryo. At di ko malilimutan ng ibahagi niya sakin ang pagtingin niya sa pagrarally, sa taun-taong mobilisasyon sa tuwing anibersaryo ng EDSA Revolution.
“Alam mo ayaw ko sa mga rallyistang panay sabing, kami ang boses ng maliliit! Para bang wala kaming sariling boses. Meron pero mahina, kaya nga may mga ganto eh. Ito’y parang lang isang palakang kabkab, kapag gabi. Alam no naman yun di ba? Bullfrog? Di ba yung isang pakokak-kokak o pakabkabkabkab ng isang palakang kabkab ay mahina, pero kapag ayan na, nagsama-sama na sila iritang irita ka na, ayaw ka ng patulugin. Kokak kokak, kabkab kabkab. Nakow lalo na kapag tag-ulan, di ba ang iingay? Nakakaasiwa pero rinig na rinig mo at ngayon ramdam na ramdam mo na ang presensya ng palakang kabkab kumakalabukab, kaka-kalabukab pa lamang, kumakalabukab na naman sa iyong malawak na bukirin.”
“Ang galing niyo po magtongue twister manong,” pabirong pagpuri ko sa kanya.
Napatingin ako kay ateng “Iskolar ng Bayan ngayon ay lumalaban!”, kasabay ng paglagok ko sa pangalawang bote ng tubig na binili ko kay manong. Biglang nasagi din ang tingin ni ateng “Iskolar ng Bayan ngayon ay lumalaban!” sa akin. Nagkatitigan kami ng mga 3 segundo.
Sparks
Nakaramdam ako ng nginig sa aking buong katawan, hindi sa panromansang dahilan, kundi dahil sa kahihiyan. Bumili muli ako ng isa pang bote ng tubig. Grabe din tong tubig ni manong di lang pamawi ng uhaw na lalamunan, kundi pati ng tuyong isipan.
“Manong mauna na po ako. Salamat po.”
“Sige, Ineng parang uusad na ata ang mga palakang kabkab kumakalabukab…”
“…Na nagkakabalakubak na dahil sa init araw. Ano nga po pala pangalan niyo?” dagdag at tanong ko sa kanya.
“Ruben, in short Pogi.”
At ngayon, isang taon na ng makilala ko si Mang Pogi. [P]
0 comments on “Kalabukab: Tinig ng EDSA Revolution”