Mabilis na kumalat at malupit na humagupit ang balita. Maingay. Walang patawad na nagsalit-salitan mula sa mga matatalas at matatabil na mga dila. Doon sa Unibersidad ng Pilipina Los Banos nagsimula ang usok.
Ika-11 ng Marso nang dumating sa Unibersidad ang kapita-pitagang Alkalde ng siyudad ng Davao. Hindi maitatangging mainit ang naging pagsalubong ng komunidad. Taga-suporta man o hindi, tiniis ang init at ang haba ng pila upang makapasok sa loob ng bulwagang pagdadausan ng aktibidad. Hindi napantayan ng mga ipinagkaloob na incentives ng mga propesor ang namayaning kagustuhan ng mga mag-aaral na dumalo at makilahok sa isang natatanging diksurso.
Subalit isang pangyayari ang nagdulot ng dagundong sa social media. Isang estudyante ang ‘di umano ay nangbastos sa Alkalde. Dulot nito ang kabi-kabilang mararahas na mga kumento na muling naglagay sa pangalan ng Unibersidad sa madilim na ilaw.
Maiiuugat ito sa kalapastanganan ng mainstream media. Nasaan na ang sinumpaang etikong pamamahayag na naglalayong isulong ang katotohanan? Ano pa’t naging tagapagbalita kung ang bunga ay pagkabaluktot at kasiraan? Mariin ang pagpupunang ipinapaabot ng UPLB Perspective sa mga dambahulang midyang ito. Para saan ang pamamahayag kung hindi ito tunay na magsisilbi sa taumbayan?
Malaki ang responsibilidad na tangan ng mga pahayagan. Tungkulin nitong magmulat patungkol sa mga mabibigat na isyu ng lipunan. Tungkulin nitong pagkaisahin ang mga mambabasa tungo sa iisang layunin sa pamamagitan ng paghuhubog ng kanilang mga opinyon at ideolohiya. Subalit anong ideolohiya nga ba ang isinusulong ng ganitong klaseng midya? Higit pa, nagawa ba ng mga ito ang tungkuling magmulat at magdulot ng pagkakaisa? Sa halip, inilayo ang mga mambabasa sa tunay na mga isyung kinakaharap ng mga kabataan ang ng lipunang Pilipino sa pamamagitan ng mababaw na pagtanaw at mababang uri ng pamamahayag.
Dagdag pa, hindi ba’t isa sa mga tungkulin ng unibersidad ang maghubog ng mga mag-aaral na mag-aabante ng kritikal na pag-iisip? Kabastusan bang maituturing ang kritikal na pag-iisip at pagnanais ng kasagutan sa gitna ng dagat ng mga problemang kinakaharap ng lipunan? Bawat isang mamamayan ay may karapatang magsalita, may karapatang magtanong, at may karapatang tumindig at isulong ang kaniyang paninindigan.
Bilang kandidato sa pinakamataas na posisyon sa bansa, nararapat na bukas ang sino mang nangangako ng hustisya sa ano mang kumento, batikos o katanungan. Tila ba nakakalimutan na nasa taumbayan ang kapangyarihan, at wala sa mga nasa posisyon. Tila nabubulag sa pagsuporta sa kani-kaniyang kandidato, sa kani-kanilang tinitingalang messiah. Mga kaibigan, wala sa sino mang Presidente ang kasagutan.
Tunay na malalim ang sugat ng mga katagang ibinigkas laban sa ating mga mag-aaral ng UPLB.
Sa mahigit isang daang taon, hindi na mabilang ang mga naging tapat na tagapaglingkod sa sambayanan ang inianak ng Unibersidad ng Pilipinas. Napakaraming mga mag-aaral mula sa Unibersidad ng Pilipinas ang nangahas na makipaglaban at patuloy sa pakikipaglaban para sa tunay na panlipunang hustisya. Napakaraming buhay ang walang pag-aalinlangang inialay.
Napakaraming mag-aaral ang namayagpag sa kani-kanilang mga piniling tahakin. Nasa loob man o labas ng bansa, bitbit ang prinsipyo, giting at tapang at dala-dala sa puso’t isipan ang pagiging isang Iskolar ng Bayan.
Ngunit sa likod ng maliit na pangyayaring pinalaki ng midya, babalik tayo sa katanungang “Ano nga ba ang tunay na isyu?” Sa halip na silipin ang pamamaraan ng katanungan, hindi ba at mas nararapat suriin ano nga ba ang konteksto, ano nga ba ang pinanggagalingan?
Huminto na tayo sa mga subhektibong talakayan hinggil sa pangyayari. Itigil na natin ang pagtatanong na “Ikaw, sa tingin mo, bastos ba ang pagkakatanong?” Itigil na rin natin ang pagsagot ng “Oo” o “Hindi”. Ito ang nais na mamayaning pag-iisip ng mga naghaharing interes, ang lumabnaw ang ating pagtanaw sa isyu at magdulot ng pagkakahati-hati.
Sa paglipas ng mga dekada ay nananatiling malaking isyu ng edukasyon. Sa ilalim ng kasalukuyang administrasyong Aquino, patuloy ang pag-abandona sa tungkulin sa edukasyon. Patuloy ang budget cuts, patuloy ang pag-taas ng tuition and other fees, hindi lamang sa U.P. kundi higit pa sa iba pang state universities and colleges.
Dahil sa kakulangan ng pondo na ibinibigay sa edukasyon, napipilitan ang mga pamantasan na magtaas ng matrikula at kumapit sa mga pribadong katauhan o kumpanya upang masiguro ang pagpapatuloy ng operasyon. Ngunit kapalit ng kaliwa’t kanang pagtaas ng tuition fees ay ang ang pagyurak sa batayang karapatan ng bawat isang kabataang Pilipino na makatuntong sa eskwelahan at makatapos. Isabay pa dito ang mga hindi maka-estudyanteng programa at polisiya kagaya na lamang ng isyu ng tambayan phase out, organization recognition, campus press repression, red-tagging, pagsagasa sa karapatang magmobilisa, at pagkakaso sa mga lider-estudyante, dito na lamang sa UPLB.
Ilang pangarap na nga ba ang naabo at tinangay na ng hangin? Ilang pangarap na nga ba ang hindi natupad dahil sa kabulukan ng sistema?
Naririyan sina Kristel Tejada ng UP Manila, Rosanna Sanfuego ng Cagayan State University, Jhoemary Azaula ng Eulogio Amang Rodriguez Institute of Science and Technology, Nina Habibun ng Zamboanga Sibugay at Jessiven Lagatic ng Central Bicol State University of Agriculture na ipinapalabas na mga nagpakamatay, subalit ang katotohanan ay pinatay. Pinatay ng bulok na sistema ng edukasyon. Pinatay ng hindi makataong administrasyon.
Taliwas sa kaisipang iba na ang henerasyon ng kabataan, na ‘di umano’y wala ng magandang asal at tila walang pinag-aralan. Nais nating buhayin at ipakita ang matingkad na karakter ng kabataang Pilipino— kritikal, matalino, matapang, mapangahas, may paninindigan, at higit sa lahat, may kagustuhan na paglingkuran ang sambayanan.
Sa kabila ng mga nagdaang dagok at patuloy pang magdadaan, Iskolar ng Bayan, itaas ang ating mga kamao. Nasa ilalim tayo ng iisang bandila ng Unibersidad ng Pilipinas. Higit pa, malaki ang naging kontribsuyon at nananatiling malaki ang nararapat naging gampanan bilang kabataang Pilipino.
Bahagi tayo ng dumadagundong na kolektibong pwersang magpapalaya sa lipunan.
Mawalang galang na po. What’s the point?