Lathalain

Alimpuyo ng Pluma

SALITA | Michelle Andrea Laurio at Francis Joseph Rafael 

Hirap nang maipikit ang mga matang mulat sa karumaldumal na kaganapan. Pilitin mang itikom ang mga bibig, hindi pa rin masusugpo ang katotohanan. Takpan man ang mga tenga, marinig pa rin ang alingawngaw sa bawat hinagpis, lalo na sa panahon ng Batas Militar kung saan sinisiil pa rin ang kasalukuyan na hindi matahimik sa huling hantungan.

Ang katotohanan ay dapat maipabatid sa lahat sa kabila ng panganib na naranasan lalo na noong panahong iyon. Diwa’t layuning makabayan, prinsipyo, katapangan at pananalig sa katwiran ang siyang naging sandigan ng mga manunulat na isinugal ang kanilang buhay sa ngalan ng pamamahayag.

Bilang pag-uugnay, ang pagkakaroon ng karapatang magbahagi at makatanggap ng mga ideya at impormasyon na walang anumang hadlang na nakasaad sa Bill of Rights ng Saligang Batas 1987 at ang walang-harang na paglilimbag nito ay parehong ipinagkait ng Martial Law. Ang karapatang ito, na natatamasa ng kasalukuyang henerasyon ay sadyang napakahirap matikman noon.

 

Mga Gunita noong Batas Militar

Sariwa pa sa mga alaala ni Psyche Roxas-Mendoza, kasulukuyang tagapamahalang patnugot ng Philippines Graphic at manunulat ng Business Mirror, ang ilan sa napakaraming kaganapan noong panahon ng Batas Militar kung saan naglingkod siya bilang pangunahing patnugot ng UPLB Perspective.

Bilang mag-aaral ng Development Communication taong 1975, kanyang inilarawan kung gaano kasigabo ang buhay estudyante noon: aktibo silang nakilalahok sa mga kaganapan sa lipunang kanilang ginagalawan. Ito ay lalong umigting noong 1979, ang taong laganap ang kaalamang pulitikal saan man sa unibersidad.

“Halos lahat ng estudyante noon ay may diwang palaban. Noong katangian ng student life noon ay dahil din sa mabagsik na estado. Kung sa Diliman, ang mga estudyante ay ikinukulong. Sa Los Banos, ang mga estudyante naman ay pinapatay o kaya winawala,” saad ni Mendoza.

Maraming mga isyung bumabalot sa loob ng unibersidad. Naisalaysay niya ang ilang agarang pagkilos ng maraming mag-aaral: hinggil sa usapin ng pagtataas ng singil sa mga dormitoryo; sa pagdating ang siyam na bus ng UPLB sa UP Diliman patungkol sa usaping Grants in Aid (ngayo’y STFAP/STS); sa kung gaano nakialam ang UPLB sa insidente ng pamamaril sa Hacienda Cayco, at ang pamumulitika sa mga manggagawa ng IRRI.

At ang pinakahindi niya malimutan ay ang sandaling naganap ang malawakang boycott na nilahukan ng halos lahat ng mag-aaral noong “watershed year” ng 1979. Doon daw niya natunghayan ang pagkakaroon ng iisang diwa ng mga Iskolar ng Bayan.

Ang dahilan ng kanilang pagbo-boycott ay dahil ipinagkait sa kanila ng dating Vice Chancellor Lantican ang karapatang magkatipon-tipon sa hindi bababa ng tatlong tao sa pamamagitan ng memorandum circular. Isang alituntunin labis na nakasasakal.

“Nilahukan ito ng halos lahat ng mga estudyante. Gabi noon nang nagkatipon-tipon kami sa Student Union Building. Biglang dumating si Parker, head ng OSA, pinapaalis kami. Kung hindi raw kami aalis, ire-reyd daw nila yun. Huhulihin daw kami lahat,” ani Psyche.

Imbis na umalis, nagsagawa ang mga estudyante ng malawakang educational discussion sa loob ng SU building kung saan napuno ang basement, 1st floor, at 2nd floor. Ito ay sa pangunguna ni Filemon Nolasco, dating taga-pangulo ng Katawang Tagapag-ugnay ng Mag-aaral (KTM) o mas kilalang University Student Council ngayon.

Sa katunayan, mayroon ding mga ahenteng nagmamatyag sa tuwing nagkakaroon ng pagsasama-sama na kanilang binansagan bilang “hapon” o “pongee”.

“Kahit ordinaryong meeting lang, mainit na ang mga mata. Maski nagdadasal lang kayo, masama pa ang tingin.” saad niya.

Labis din daw ang pag-iingat na kanilang isinasagawa sapagkat oras na mahuli sila, kargo lamang nila ang kanilang sarili. Noong mga panahon ding iyon, sa oras na nakilalahok ang isang estudyante at lumalaban kay Marcos, sa sandaling mahuli siya ay gagawaran siya ng kaparusahang hindi makatwiran.

Ang bawat araw ay tila isang hamon na kanilang kinahaharap. Walang katiyakan ang kaligtasan ngunit patuloy pa ring nabubuhay bilang isang mag-aaral na kinakailangang tuparin ang mga gawaing pang-akademiko gayundin ang pakikibaka laban sa mapaniil na pamahalaan.

Panunupil sa pamamahayag

Isang araw pagkatapos magdeklara ng Martial Law, naglabas ang administrasyong Marcos ng Letter of Instruction No. 1 na naglalayong kontrolin ang midya. Naglabas din ang Department of Public Information (DPI) ng Order No.1 kung saan ang lahat ng mga pahayagan ay kailangang kumuha ng clearance bago maglabas ng kahit ano.

“Pag ayaw mo kay Marcos noon at lumaban ka, delikado ka na. It doesn’t matter whether you are really anti-government. Basta if you are critical of the Marcos administration, you find yourself in hot water,” wika ni Psyche.

Nagkaroon ng epekto ang ganitong mga porma ng panunupil hindi lang sa mga tanyag at kilalang pahayagan sa buong bansa kundi pati sa mga pahayagan sa loob ng mga unibersidad at kolehiyo.

“Pag sumobra ka, wawalain ka. Kami lang yung nagpapatakbo ng dyaryo noon. Ang banat ng estado sa iyo, “Doon ka sa Eldridge, magpaliwanag. Or worse, mawawala ka na lang. Talagang lakas ng loob mo lang yung gabay mo,” dagdag ni Psyche.

Upang makatakas sa panunupil sa pahayagan, nagkaroon ng mga malikhaing pamamaraan ang dyaryo, katulad na lamang ng paggamit ng satire sa porma ng lampoon issue. Naglaan ng seksyon sa dyaryo na tinatawag na Atsara, na, bukod pa sa artikulong satire, ay mga kanta ni Imelda Papin o Eva Eugenio na pinapalitan ang mga liriko hinggil sa mga problema ng lipunan noon.

“Meron kaming nilabas dati na kanta ni Eva Eugenio (…kay rami ng winasak na tahanan) pero ang pinapatungkulan naming ay National Housing Authority o NHA dahil marami silang mga pinapalayas na urban poor noon,” kwento ni Psyche.

Taong 1975 ng pumutok ang balitang nawawala ang dating manunulat na si Leticia Ladlad kasama ng iba pang mga estudyante sa unibersidad. Dinukot sila sa Maynila ng mga hinihinalang pwersa ng estado ni Marcos.

“Isa si Tish (Leticia Ladlad) kasama pa ng iba pa niyang mga kasama sa mga kinakanta pag may nawawala. Pero nangyari yun, wala pa ako sa Perspective. Imagine na freshman ka pa lang, yung nangyari sa kanila ay sinasabi agad sa mga student orientations, freshman bloc assembly, at iba pa. Paulit-ulit silang pinapaalala sa mga bata, sa mga estudyante,” aniya.

Tinuturing na desaparecidos bunga ng sapilitang pagkawala, hanggang ngayon ay wala pa ring nakaaalam sa kanilang sinapit; kung buhay pa ba sila o patay.

Ang Hamon ng Pagpapatuloy

Sa kabila ng mga iba’t ibang mga porma ng panunupil noong panahon ng Martial Law, nagpatuloy pa rin si Psyche kasama pa ng ibang mga estudyante sa pagmumulat sa mga isyung kinakaharap ng bayan. Patuloy pa rin silang nagsasagawa ng mga integration at community exposure sa mga komunidad, sakahan at protesta upang mas lumalim pa ang pang-unawa nila sa nangyayari sa lipunan.

“Totoo yung kasabihan na mula sa masa tungo sa masa. Kung gusto mong alamin sila, lapitan mo at tanungin mo. ‘Wag kang mag-assume sa gusto nila. Doon mo malalaman kung paano mo mapapaunlad. The more you think you know everything, the more you distance yourself from your mass base,” wika niya.

Nang tanungin kung ano nga ba ang nag-udyok kay Psyche na magpatuloy sa kabila ng represyon noong Batas Militar, wika niya, “Ang gusto ko lang noon [ay] magsulat. Gusto ko lang magsabi ng totoo kung anong nangyayari.”

Sa nilabas na datos ng Task Force Detainees Philippines, tinatayang umabot sa 3,257 ang pinatay, 35,000 ang tinortyur, at mangilan na 70,000 ang inaresto. Malagim ang sinapit ng mga kabataan at estudyante noong Batas Militar. Hamon ni Psyche sa mga katulad niyang mga manunulat ang ipagpatuloy ang nasimulan noon: ang paglingkuran ang malawak na hanay ng masa.

“Hindi ka lang manunulat, manunulat ka ng sambayanan,” panapos niya. [P]

0 comments on “Alimpuyo ng Pluma

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: