Kamakailan lamang ay ating nabalitaan ang pagbawi ng Securities and Exchange Commission (SEC) ng lisensya ng Rappler dahil sa di umanong pagmamayari ng dayuhan sa naturing online news media na lumalabag sa mga nakapaloob sa konsitusyon. Dagdag pa rito ay ang nabalitaang pag rekumenda ng National Telecommunications Commision (NTC) na ipasara ang 30 stasyon ng radyo sa Davao region dahil sa di umanong paglabag sa mga probisyon ng communications and broadcasting laws.
Kinikilala ang Pilipinas bilang isa sa mga ‘world’s freest media’, ngunit sa pag atake ng administrasyon sa mga mamamahayag ay umuusbong na ang mga nakakadudang elemento na nagpapahiwatig na ang naturing titulo ay di akma para sa mga pahayagan ng Pilipinas dahil sa mga kasalukuyang pangyayari sa bansa. Hindi lamang ito atake sa pahayagang Pilipino kundi atake ito sa pambasang demokrasya. Ito lamang ay isa sa mga paniniil ng mala-diktaduryang gobyerno sa patuloy nitong pagpwersa sa naisin na patahimikin ang mga malayang mamamahayag ng katotohanan para sa mga mamamayan.
Hindi lamang Rappler ang natatanging news media na nakatangap ng atake sa karapatan ng malayang pamamahayag, kundi pati na rin ang iba pang mga alternatibong pahayagang tina-tag ng Pangulo bilang mga komunista o miyembro ng New People’s Army. Dagdag pa rito ay ang pang haharass ng mga trolls sa mga progresibong indibidwal na nagpapahayag sa social media.
Ang atake sa mga media institutions ay isa lamang sa mga pamamaraan ng administrasyon upang mabaluktot ang katotohanan. Sa hangarin nitong maisulong ang diktadurya, napakaraming buhay na ang nakitil at dumanak na dugo, dagdag pa rito ay ang patuloy na unti-unting pagpatay sa mga Pilipino sa pamamagitan ng gutom at pangigipit – hindi na lamang naroon sa kanayunan ang pagatake sa karapatang pantao, makikita na rin ito sa kalunsuran sa porma ng extrajudicial killings at human rights violations na pinaigting ng War on Drugs ng Administrasyong Duterte.
Sa patuloy na pag-supil sa mga pahayagan na kiritikal na naghahatid ng balita at may mga pahayag na sumasalungat sa administrasyon ay unti-unting nailalantad ang pagnanais ni Duterte na mamonopolya ang katotohanan. Patuloy ang pag-gapos, pagpiring, at pagputol ng dila sa ating kalayaang magsalita at maghatid ng balita. Tila mahapong ginagamit ang lahat ng paraan para mapatahimik ang media, mainstream man o alternatibo, na sumasalungat sa propaganda ng estado.
Hindi maipagkakaila na ito ay sumasalamin sa nangyari noong panahon ni Marcos. Sa pagsulong ng ‘national security’ ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ay ang pagtulak ng censorship at pagsasara ng maraming media institutions, kolektibo, at pati na rin mga student councils. Sa malinaw na hangarin ng Pangulo na palawakin sa buong bansa ang Batas Militar ay dapat na mabahala ngayon pa lamang at manindigan ang mga Pilipino laban dito.
Sa panahong harap-harapan nang binubusalan ng administrasyon ang mga mamamahayag at mamamayang Pilipino, pinapakita lamang na hindi ito panahon ng pananahimik ngunit ito na ay panahon para sa mas paigtingin ang mga panawagan at ang mas kritkal na pagsusuri sa mga polisiya ng ating administrasyon. Sa panahong harap-harapan nang tinatangalan ng karapatan sa malayang pamamahayag at inaatake ang ating mga demokratikong karapatan, ang mga media institutions ay mas paiigtingin at papalakasin ang boses ng mamayan at mga estudyanteng kanilang nirerepresenta.
Ang UPLB Perspective, bilang isang pahayagang umusbong sa karimlan ng Batas Militar ay patuloy na magsusulat, maglilingkod, at magpapalaya, dahil may kalayaan sa katotohanan. Kasama ang masa at iba pang institusyon ng pamamahayag – sa larangan man ng imprenta, brodkast, o online – patuloy ang UPLB Perspective sa militante at progresibong pagtuligsa at paglaban sa tiranya, pasismo, at namumuong diktadura ng rehimeng Duterte.
0 comments on “OPINYON: Magsulat, Maglingkod, Magpalaya”