By Mark Ernest Famatigan
Photos by Kristine Paula Bautista
“Ligtas na paggagawa, regular na trabaho, ‘yun lang hinihingi namin.”
Bukod sa Champion, Calla, at Hana shampoo, pang-aabuso sa mga manggagawa ang isa sa mga kilalang produktong ginagawa sa loob ng pabrika ng PEPMACO. Tila mga alipin mga obrero dahil sa sagad-sagarang pananamantala sa kanila ng mala-paraong pamunuan ng PEPMACO. Ang pinagkaiba lang, batuta ang gamit sa mga manggagawa imbis na latigo.
Simple lang ang mga panawagan ng mga manggagawa ng PEPMACO Workers’ Union (PWU-NAFLU-KMU) — ligtas na mga kundisyon sa pagawaan, makatarungang pagtrato ng management, at ang pagiging regular ng mga manggagawang matagal nang kontraktwal.
Ngunit imbis na harapin ng management ang kanilang mga hinaing, sinalubong sila ng mahigit 500 armed goons sakay ng dalawang container van. Nakatakip ang mukha at may kanya-kanyang bitbit na mga batuta, pinagbubugbog ng mga ito ang mga manggagawa sa kampo sa lalim ng gabi noong July 26.
PEPMACO: ‘Champion’ sa pang-aabuso
Ang PEPMACO ay isa sa mga pangunahing producer ng malalaking brand ng sabon tulad ng mga detergent na Champion at Calla,at ng Hana shampoo.
Itinayo ito noong 2004 ni Simeon Tiu, isang bilyonaryong negosyante. Nakabase ang kanilang pabrika sa Calamba, Laguna, kung saan umaabot ang bilang ng mga manggagawa sa 500 katao sa kabila ng iligal na pagtanggal sa mahigit 200 manggagawa.
“Kami lahat ng natanggal, 200 kaming manggagawa, pero ang nasa loob ay 500. 100 ay regular at 400 ay kontraktwal,” kwento ni Angelica Avila, isa sa mahigit 700 tao sa production line na nakaranas sa ‘di makataong pamamahala ng PEPMACO.
Nagtrabaho si Angelica sa production line ng bar soap nang dalawang taon bago siya natanggal.
Dagdag ni Angelica, mayroong patakaran ang management ng kumpanya na tanggalin sa trabaho ang mga aabot ng dalawang taon sa produksyon. Aniya, iniiwasan ng management ng mga manggagawang masyado nang maraming alam sa mga pasikot-sikot at gawi sa loob ng pabrika.
“Yung may-ari daw, ayaw ba sa mga manggagawang marami nang alam kung ano ang galawan sa loob. Siyempre pag gamay mo na ang trabaho, petiks na sa’yo. Ayaw nila makikitang nagagamay mo ang trabaho. Kami, siyempre, matagal na, alam na namin proseso ng trabaho, ayaw niyang may kalinawan,” paliwanag ni Angelica.
Makatarungang oras sa paggawa
Sa pabrika ng PEPMACO, halos walang pahinga ang mga manggagawa. Pitong araw kada linggo silang pinapapasok kung saan umaabot ng hanggang 12 oras ang bawat shift dahil madalas silang pinag-o-overtime ng pamunuan ng pabrika. Nagkakaroon na lang ng ‘rest day’ ang mga manggagawa kung pipiliin nilang lumiban ng pagpasok, na may mga karampatang violation.
“Wala kaming rest day. Ang rest day namin, mapipilitan kaming mag-absent tapos may violation. Sa seven days, dose oras kami. ‘Pag walang papalit sa’min, ‘di papayagang umalis. Sinasabihan pa kami pag a-absent kami tapos may sakit — ‘Pag umuwi ka ba gagaling ka ba?’”
Bilang protesta laban sa kumpanya, nagkaisa ang mga manggagawa na i-boykot ang overtime, lalong-lalo na’t hindi na makatarungan ang pagtrato ng management.
“Nag-boycott OT kami… bilang tugon ng mangaggawa nag-boycott OT sila kasi minsan sa pagawaan kahit maraming tao, papahiya ka nalang nila. Ang dating trabaho ng lalaki, ipapagawa sa babae. Ngayon, babae na ang pinapatrabaho nila. Ang dating pinapatrabaho ng apat, pinapatrabaho isa o dalawa. Nung nag-desisyon sila na dose oras, nagsama sama na sila.”
Makataong management
Bunsod ang pilit na OT para sa mga manggagawa sa sistema ng pataasan ng incentive sa kumpanya na pinapatupad sa management. Kapag tumataas ang produksyon, tumataas din ang incentive na nakukuha ng mga supervisor.
Sa pilit na pag-abot ng mga bisor sa incentive, naapektuhan pati ang paggamit ng palikuran ng mga manggagawa.
“Kapag di kami naka-output, sa amin ‘yun sisisihin. Pagalingan ang incentive. ‘Pag mataas ang output namin, mataas ang incentive nila [mga supervisor]. Kahit na nagsi-CR ka lang, sasabihan ka na ‘wag paaalis-alis ng pwesto. Minsan nagkakaroon ng downtime [ang mga makina], pero nasisita pa rin kami. Minsan nagkakaroon ng machine trouble, pero sa tao pa rin sinisisi,” sabi ni Angelica.
Bago pa pumutok ang welga, pinagpasyahan ng unyon na iangat sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang kanilang mga reklamo. Ayon sa resolusyon na inihain ng DOLE, napatunayan na ang PEPMACO at mga agency sa ilalim nito ay nagsasagawa ng Labor-only contracting (LOC), isang porma ng contracting kung saan tao lang ang binibigay ng isang agency, nang dapat kasama rin ang mga supervisor at makina sa produksyon.
“Yung LOC, tao lang ang sinu-supply ng agency. [Pero] ang lahat ng machine namin, sa PEPMACO; lahat ng supervisor, sa PEPMACO; walang nanggagaling sa agency. Ang sinu-supply lang ng agency ay tao. 9 months na nilakad bago nilabas ng DOLE na ‘di na siya LOC at di na kami manggagawa ng PEPMACO.”
Naging resolusyon ng DOLE sa inspeksyon sa PEPMACO noong Setyembre 2018 na marapat lang gawing regular ang mga manggagawa dahil sa partisipasyon nila sa produksyon, ngunit hindi pa rin ito natutupad ng pamunuan.
Ligtas na pagawaan
Ang panawagan para sa ligtas na kundisyon sa paggawa ay karapatan ng mga manggagawa, at ang kawalan nito ang isa sa mga pangunahing dahilan ng pagtatayo ng unyon sa hanay ng mga obrero ng PEPMACO.
Sa unang araw ng pagpasok nila sa pabrika, walang gabay na binibigay ang pamunuan para sa proteksyon at kaligtasan ng mga manggagawa — basta’t magtrabaho na lang sila.
“Wala kaming orientation tungkol sa safety nila. ‘Di nila sinasabi at ‘di kami aware. Basta pagpasok namin, diyan ka lang, bahala ka na sa gagawin mo — walang mask, walang goggles, walang PPE,” kwento ni Angelica.
Si Angelica ay nagtrabaho sa barline (linya ng bar soap) bilang bar inspector. Sa loob ng pabrika, nakahiwalay sa iba’t ibang mga seksyon ang mga pagawaan depende sa produkto. Kung nasaan si Angelica, pilit na pinagbubuhat ng mabibigat na mga produkto ang mga manggagawa.
“Sa linya ko, sa isang building bar, sa isa powder, ako sa barline, ako bar inspector. Ang packer, 14 kilos na sabon sa 12 na oras bubuhatin namin sa isang conveyor papunta sa isa. Kung gaano kabilis ang conveyor mas mabilis ka dapat.”
Mayroon ding kawalan ng serbisyong pangkalusugan sa kumpanya, at napipilitan na lang ang mga manggagawa na uminom ng mga gamot na binibigay ng Human Resources division ng kumpanya.
“‘Pag may sakit, dun [sa HR] rin namin kinukuha kasi walang binibigay na ganun ang company. Sa HR lang kami pupunta pag may sakit. [Binibigay lang nila ay] mga biogesic, mefenamic [acid], tapos minsan mali-mali pa ang mga binibigay nila na gamot,” sabi ni Angelica.
Bilang pagawaan ng mga sabon, malimit ang paggamit ng pabrika sa sangkap na surfactant na Sodium laureth sulfate (SLS) at Cyleina Cocofatty sulfate (CFAS) — mga kilalang kemikal na madaling makasugat sa balat.
Dahil walang binibigay na PPE ang management, pilit na nagtratrabaho ang mga manggagawa, mahilo man sila at maging sugat-sugat ang balat.
“Noon may supervisor kami na sobrang bait. Nagpatupad siya na magkaroon ng mga mask, pero ‘di siya tinupad ng management kaya nag-resign siya,” kwento ni Angelica.
Unyon ng manggagawa
Hindi nabubuo ang unyon mula sa ere. Ang PWU-NAFLU-KMU, katulad ng mga ibang mga pagkakaisa ng mga manggagawa, ay binubuo upang tutulan ang isang karaniwang suliranin sa bawat pagawaan — ang pagsasamantala.
Malinaw sa mga kalagayang nararanasan ng mga manggagawa ng PEPMACO na hindi sapat ang indibidwal na aksyon upang kumbinsihin ang mga dambuhalang korporasyon na hawak ng mga ganid.
Para sa PEPMACO Workers’ Union, ang welga ay sandatang yayanig sa isang pamunuang nagbibingi-bingihan sa mga lehitimong panawagan para sa makatarungan pagtratrabaho. Kasabay nito, bukas pa rin para sa mga diyalogo ang Unyon upang makipag-usap sa management.
Sa mga salita ng unyonistang si Eugene V. Debs, “The strike is the weapon of the oppressed, of men capable of appreciating justice and having the courage to resist wrong and contend for principle.” [P]
0 comments on “Champion sa abuso at mapagsamantalang Calla-caran: Mga Hana-ing ng mga manggagawa ng PEPMACO”