Features Lathalain

Sa lupaing hawak ng mga vibora, walang makakaligtas na magsasaka

Ni Michael James Masangya

Sa isang bansang dugo’t pawis ng mga magsasaka ang dumadaloy sa lupa, tiyak ang pagbasak ng pundasyon ng sambayanan. Mula sa gulugod ng kaniyang ekonomiya ay nananahan ang ugat ng kaniyang pagbasak: kapitalismo.

            Sa kasalukuyan, umiiral pa rin ang mala-pyudal na sistema sa ating lipunan kung saan ang mga lupa ay pag-aari ng mga taong makapangyarihan, samantala ang buhay ng sumasaka nito ay hindi kailanman umaalwan. Laganap rin ang pagsasamsam ng lupa ng mga katutubo upang pagsamantalahan ang makukuhang likas-yaman na nagdulot lamang sa pwersahang paglisan at pagkawatak-watak ng kanilang pamilya. Sa ganitong sistema, nagkakaroon ng monopolyo sa kayamanan, lumalawak ang pagitan ng mayaman at mga dukha, at hindi nawawakasan ang inter-henerasyunal na kahirapan. Dito pinahihintulutan ng sistema ang serye ng paglabag sa karapatang pantao ng mga minorya at maralita.

Sa mga nagdaang administrasyon hanggang kay Duterte, naging malinaw at tila lumalakas ang systematikong pagpilay sa karapatang pantao, lalo na sa sektor ng magsasaka at katutubo.

Noong nakaraang taon lamang pinalitan ng Pilipinas ang Brazil bilang bansang pinakadelikado para sa mga tagapagtanggol ng lupa at kalikasan ayon sa ulat ng Global Witness-internasyonal NGO na sumusubaybay sa pananamantala sa kalikasan at karapatang pantao. Ayon sa tala ng Global Witness, 18% sa 164 na namatay na may kinalaman sa agrikultura’t kalikasan ay naiulat mula sa Pilipinas sa taong 2018.

Matatandaan rin na sa taong din yun inilunsad ang Memorandum Order 32 (M.O. 32) o mas kilala bilang Oplan Kapanatagan na siya rin nagbigay daan sa serye ng pagpatay ng magsasaka sa  isla ng Negros. Siyam ang pinaslang sa Hacienda Nene sa Sagay at 14 naman sa Negros Oriental nito lamang Marso. Dagdag pa rito sa kanilang ulat ang Mindanao, na kung saan kasalukuyang umiiral ang Martial Law, bilang hotspot ng pamamaslang. Binigyang diin nila ang kaso ng plantasyon ng saging ng DOLE sa Bukidnon, na ayon sa ulat ay di-umano naka tirik sa lupang ninuno ng mga katutubo.

 Naging matunog rin ang developmental aggression sa lupain ng mga katutubo na dulot ng mga proyekto sa ilalim ng BUILD, BUILD, BUILD. Partikular na dito ang pagpapatayo ng New Centennial Water Source-Kaliwa Dam sa lupain ng mga Dumagat sa lalawigan ng Quezon at sapilitang pagpapaalis ng mga Aeta sa kanilang Ancestral Domain sa Pampanga upang pagtayuan ng mga imprastraktura na gagamitin sa gaganaping SEA Games.

            Sa buwan na dapat sana ipinagdiriwang ang mga pesante, siya ring pinaka naramdaman ang epekto ng mga neoliberal na polisiyang pang-agrikultura ng administrasyong Duterte. Higit kalahating taon na ang nakalipas mula nang ipinanukala ang Rice Tarifffication Law o R.A. 11203, na inasahang magpapaamo sa inflation. Ang batas na ito ay siya ring naging dahilan sa pagbigat ng pasanin ng mga magsasaka sa buong bansa. Sa pag-alis ng quantitative restriction sa  bolyum ng imported na bigas, bumaha ang supply nito sa bansa na siyang naghudyat ng pagbaba ng presyo ng bigas sa merkado. Ngunit sa kabila nito, hindi nakayanan makipagkumpitensya ng lokal na bigas kung kaya’t napilitan ang mga magsasaka na ibaba ang farm-gate price ng palay mula Php 21 per kilo hanggang sa naitalang pinakamababa na Php 7 per kilo sa ibang lugar. Ang ipinangakong Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) na umabot sa halagang Php 2.462 bilyon, na dapat sana ay pupunan sa epekto ng Rice Trade Liberalization, ay hindi agarang ipinamigay sa magsasaka bagkus napilitan pa silang mangutang ng halagang aabot ng Php 15 000.

Ngunit hindi lang palay ang naapektuhan ng pagbagsak ng presyo ngunit pati na rin ang niyog. Sa lalawigan ng Quezon at ilan pang karatig lugar sa Timog Katagalugan kung saan pangunahing produkto ang niyog, bumaba ang presyo ng kopra mula Php 38 per kilo noong 2016 hanggang Php 12 per kilo sa kasalukuyan habang ang buong niyog naman ay naibebenta na lamang ng Php 3 kada kilo. Ang tanging hiling lang ng mga magsasaka sa Quezon ay magdeklara ng State of Calamity sa probinsya upang sa gayon ay maipamahagi ang nakalaaang Calamity Fund sa kanilang lalawigan. Ito na lamang ang tangi nilang nakikitang paraan upang makaalpas sa kahirapan, subalit ang naging tugon lamang ng gobyerno ay militarisasyon na nagbunsod sa kanilang paglikas sa kanilang mga tahanan.

Sa ganitong pagkakataon, nakakawalang gana para sa magsasaka ang pagtanim ng mga produktong agrikulltural kung alam naman nilang ikalulugi nila ito. Dagdag pa rito ang kabi-kabilang land conversion ng mga naglalakihang real-estate developers dahil ang lupang dapat sana pagtamnan ay ibinenta nalang dahil wala nang panggagamitan. Mas pinalala rin nito ang Food insecurity ng bansa na posibleng pang magdulot ng krisis ekonomikal. Ayon kay Ka Eddie ng Kampuhang Magsasaka Laban sa Kahirapan, Kagutuman, at Pasismo Timog Katagalugan (KASAMA-TK) tinatayang aabot sa Php 100-150 per kilo ang presyo ng bigas sa malapit na hinaharap kung magpapatuloy ang ganitong kondisyon sa kasalukuyan at kung hindi makamit sa lalong madaling panahon ang tunay na repormang agraryo.

Naitala ng Kaparatan, isang organisasyon para sa karapatang pantao, na 216 na ang magsasaka na napaslang sa termino ni Duterte. 145 naman ang bilang ng mga  pinatay na human rights activists. Noong 2018, naitala na mahigit 30 aktibistang pangkalikasan ang pinatay. Dahil dito, tinagurian ang Pilipinas bilang ang pinakadelikadong bansa para sa mga aktibistang pangkalikasan. Sa kagustuhang magapi ng Rehimeng Duterte ang malawakang pagprotesta at kritisismo laban sa kanya, nais ibalik ng nasa poder ang Anti-Subversion Law. Habang hindi pa nila ito naisasakatuparan, kaliwa’t kanan ang red-tagging sa mga aktibista at progresibong organisasyon, at pagkakasa ng armadong opensiba kontra sa hanay ng mga tumutuligsa tulad na lamang ng Oplan Sauron at Oplan Kalasag na kumitil na ng mga buhay ng mga magsasaka. Ani ni dating Bayan Muna congressman Neri Colmenares, “sa ilalim ng administrasyong Duterte ang konteksto ng Red October ay nangangahulugang sabwatan sa pagpapatalsik sa kanya sa puwesto, subalit ang ganitong sentimyento ay isang paraan lamang upang bigyang katwiran ang pagpapatahimik ng mga nasa oposisyon.” Pinalawig niya na ang tunay na Red October ay ang patuloy na pagdilig sa lupain ng Pilipinas ng dugo ng kaniyang mamamayan sa kamay ni Duterte.

Dito mas nagiging malinaw at lumilitaw ang mga hangarin at katangian ni Duterte bilang isang diktador at lunatikong mamamatay tao. Sa bawat araw ng kanyang pagsisinungaling, pagtataksil at pagsasawalang-kibo, mas namumulat ang taumbayan sa tunay na kalagayan ng lipunan.

 Hamon sa atin ng ating kasaysayan ang pagpapasya sa pagkilos upang kitilin ang kapangyarihan ng mga naghaharing-uri at pagsupil sa nakaambang peligro ng pasismo. Sa tahasang pagkawala ng mga lupang sakahan at mga magsasaka, ang desisyon sa pagbalikwas sa umiiral na sistema ay pakikinig sa kalam ng sikmurang nagugutom.  [P]

0 comments on “Sa lupaing hawak ng mga vibora, walang makakaligtas na magsasaka

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: