Editorial Editorial Cartoons

Ang landas ng EDSA at ang lansangan ng isang rebolusyon

Tatlumpu’t apat na taon na ang nakalilipas mula noong makasaysayang napatalsik sa puwesto ang pasistang diktador na si Ferdinand Marcos. Bunsod ito ng kilos-protesta ng mga mamamayang nagtipon sa EDSA na tinaguriang EDSA People Power. Nagsama-sama ang iba’t ibang sektor ng lipunan sa  lansangan upang kalampagin ang administrasyong nagdulot ng madilim na kabanata sa ating kasaysayan; nakapanlulumong krisis pang-ekonomiya at sosyo-politika ang sinapit ng bansa dahil sa kapabayaan at impunidad sa ilalim ng pasismo ng gobyerno sa kamay niya.

Sa kabila ng lahat ng ito, mas pinapatampok ng popular na kasaysayan ang kadakilaan ng mga politiko at institusyong pumalit sa administrasyon. Marami sa mga literaturang popular na nasulat ukol sa EDSA People Power ay sumesentro sa mga iilang indibidwal lamang at hindi sa mga adbokasiyang naitawid ng masang nagdusa at nagsakripsyo sa ilalim ng dalawang dekada ng brutal na pamumuno. Mas binibigyang puri ang naging parte ng mga liberal at iilang indibidwal na bahagi ng oligarkiya sa naturang rebolusyon, bilang mukha ng oposisyon at alternatibong pulitika.

Pinatunayan ng kasaysayan mas malaki ang naging ambag ng sektor ng mga estudyante, maralita, manggagawa, magsasaka, mangingisda, at mga katutubo sa paglaban sa mapaniil estado. Sa pagiging organisado at sa pamamagitan ng kolektibong aksyon, mas namayagpag at patuloy na dumadaloy ang kanilang boses sa mahabang kasaysayan ng pagkontra sa pasismo. Nariyan ang aktibismo mula sa First Quarter Storm, na magpasahanggang ngayon ay malawak ang impluwensiya sa kamalayan ng mga Pilipino. Mahalaga rin ang mga naging hiwa-hiwalay na pagkilos sa iba’t ibang bayan at kanayunan sa Pilipinas upang pigilan ang mga proyekto at programa ng gobyerno na mapang-api. Isa na dito ay si Macli-ing Dulag, na walang takot na tinutulan ang pagpapatayo ng Chico Dam. Marapat lang din na alalahanin natin ang mga naging martir ng sambayan na tumangan ng armas upang supilin ang banta ng pasismo at upang palayain ang lipunan sa bulok na sistema ng kapitalismo.

Hindi lamang uminog ang araw ng Pebrero 25, 1986 sa mga pagdiriwang sa kalsada at pagkubkob ng mga taumbayan sa Malacañang. Laman din ng araw na iyon ang walang-pakundangang pagpanig ng Imperyalistang Estados Unidos kay Marcos sa pamamagitan ng pagtulong nito sa paglikas niya at ng kaniyang mga crony  papuntang Hawaii. Tunay na mapagbalat-kayo ang Estados Unidos dahil hindi nito napangangatawan ang kanilang prinsipyo pag dating sa demokrasya, sa halip ay mas pinapanigan nito ang kanilang mga kinakasangkapan sa kanilang mga adhikaing oportunista at imperyalista.

Maraming mapupulot na mga mahahalagang aral at mga pagkakamaling hindi na dapat maulit pang muli sa pagbabalik-tanaw sa EDSA People Power. Una, napatunayan nito na mahalaga ang patuloy at walang sawang panghahamig sa taumbayan upang imulat sa kanila ang tunay na estado ng lipunan. Nararapat lamang lumubog ang lahat sa kondisyon ng mga naaapi upang sa gayon maging daan ito sa pagtaob ng umiiral na sistema.

Ikalawa, epektibo ang sama-samang pagkilos bilang isang moral na puwersa sa pagsindak sa diktadura. Matatanaw natin sa mga pangyayari pagkatapos ng 1986 Snap Elections ang unti-unting paghina ng kapangyarihan ni Marcos dahil sa pagkamulat ng taumbayan sa pagiging hungkag at oportunista ng rehimeng Marcos. Ito ay bunsod ng kaliwa’t kanang demonstrasyon at pag-aaral ng lipunan sa mga bayan at kalunsuran. 

Sa kabila ng mga atar na ito, dapat rin tayong matuto sa mga pagkukulang ng EDSA People Power. Sa apat na araw na itinagal ng EDSA People Power, mistulang naitatak sa isipan ng karamihan na sa mapayapang pag-aaklas lamang natin makakamit ang tunay na demokrasya. Tila sa ganitong pagkakataon nakakalimutan natin ang mga naunang indibidwal na nagsakripisyo ng kanilang oras at dugo makamtan lamang ang hinaharap na kanilang pinangarap. Ang proseso ng rebolusyon ay hindi madalian, bagkus dumadaan ito sa mga yugto ng hindi pagkakaunawaan, pagkamulat, at pagkakasunduan. Lalo’t higit na tandaan na ang rebolusyon ay marahas.

Sa ilalim ng administrasyong Duterte, sadyang binabago at kinakalimutan ang naratibo ng EDSA People Power. Mapapansin natin na hindi dumadalo ang pangulo sa mga nakaraang kumemorasyon. Isa itong implikasyon na ang gobyerno mismo ang nangunguna sa paglimot upang bigyang daan ang pagtatag muli ng isang pasistang estado. 

Ang pagtanaw lampas sa lipunang post-EDSA People Power ay kinakailangan sapagkat maliban sa pagpapabagsak sa diktador na si Marcos ay wala namang ibang pagbabago ang naipagtagumpay sa “rebolusyong” EDSA People Power. Patuloy pa rin ang pag-iral ng iba’t ibang salot sa lipunan. Maimpluwensiya pa rin ang pamilyang Marcos at patuloy na umiibabaw ang interes ng mga kapitalista. Lumalala rin ang pag-atake ni Duterte sa mga indibidwal na nangangahas pumuna sa kaniya. 

Isa lamang itong manipestasyon na ang EDSA People Power ay hindi tunay na rebolusyon. Ang rebolusyon ay hindi pa buo at tapos; Ang tunay na rebolusyon ay ang landas na kailangang tahakin upang makamtan ang tunay na demokrasya. Hindi tunay na demokrasya ang umiiral sa  ang lipunan habang patuloy ang tunggalian ng mga uri. Hindi tayo makakaalpas sa nakaraan kung mananatili tayong bulag, pipi’t bingi sa mga inhustisya at kagarapalan ng mga naghaharing-uri. Sa paggapi ng imperyalistang impluwensiya, masasangkapan ng bayan ang kaunalarang nakabatay sa interes ng mamamayan at hustisyang panlipunan. Sa pagbuwag sa sistemang pyudalismo, mapapaunlad ng Pilipinas ang mga magsasaka na istorikal na binubusabos ng mga panginoong maylupa. At sa pagbagsak sa korupsyon at sa sistematikong kontrol ng oligarkiya at burgesya, maitataguyod ng masang Pilipino ang tunay na rebolusyon, sapagkat ang tunay na rebolusyon ay nasa kamay at pinangungunahan ng batayang masa.

Ang kasaysayan ay humahamon sa atin upang gumawa ng interbensyon. Tunay na malabong magkaroon ng hinaharap kung mananatili tayo sa kasalukuyang kondisyon. [P]

Dibuho ni Jermaine Valerio

#EDSA34

0 comments on “Ang landas ng EDSA at ang lansangan ng isang rebolusyon

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: