Sa lipunang nasasaloob sa krisis sa lupa, kabuhayan, at karapatan, ang pagiging babae ay pagiging biktima ng umiiral na sistema. Doble ang opresyon na nararanasan ng kababaihang Pilipino- una ay ang opresyon na nararanasan ng masang Pilipino, at ang pangalawa ay ang karahasan ay opresyon na kaniyang nararanasan dahil sa kaniyang pagiging babae.
Sa bingit ng lipunang Pilipino ay ang kulturang umiiral bago dumating ang paghaharing kolonyal ng mga dayuhan. Sa dating lipunan, ang katayuan ng kababaihan sa lipunan ay hindi sumasailalim sa lalaki. Ang mga may piniling kasarian ay malaya sa diskriminasyon. Ngunit sa pagbugso ng dayuhang ideolohiya at sa kontemporaryong konsumerismo at pagpoposisyon sa babae bilang pinagkakakitaan, nilulugar ng mga negosyante’t naghaharing uri ang kultural na pananaw sa ganitong aspeto.
Ang mga babae, ayon sa ganitong sistema, ay mga nahahadlangan ng patriyarkal na pananaw ng mga mamamayan. Kung mabigyan man ng pagkakataon ang mga babae ay makikita naman nila ang hindi pantay na oportunidad at pagtrato sa kanila. Sa kabuuang pagtingin ay pinapasangkapang lubos ang mga kababaihan, gamit ang kanilang mga di umano’y kapabilidad, para sa interes ng mga nasa naghaharing-uri.
Isang salik na malubhang nakaaapekto sa estado ng kababaihan ay ang klimang pampulitikal ng lipunang kanilang ginagalawan. Sa ilalim ng rehimeng Duterte ay di maikakaila na mas lalo pang lumubha ang sitwasyon ng kababaihan. Kaliwa’t kanan ay may nagaganap na pag-atake sa mga naturan at higit pa doon ay mismong ang presidente ang nagpapalaganap at nagpapahintulot ng mga ito. Noong 2016 ay binastos niya ang yumaong katawan ng Australian missionary na si Jacqueline Hamill. Iginiit niya na nagagalit siya dahil ito ay na-rape ngunit mas galit siya dahil dapat siya ang nauna sa pag-molestya dito. Sa kalunos-lunos na sinapit ng naturan ay nakuha niya parin itong gawing biro at higit pa roon ay ninais niya na gahasain ito. Bukod pa dito ay inihayag pa niya sa publiko na sa murang edad ng 13 ay kaniyang hinipuan at inabuso ang kaniyang kasambahay na tulog at walang kamuwang-muwang.
Bukod sa sekswal na pambabastos ay siya pa mismo ang nagpapasimula ng karahasan sa mga kababaihan. Sa isang pagtitipon kasama ang mga di umano’y dating miyembro ng New People’s Army, pabiro niyang sinabi na dapat barilin sa kanilang ari ang mga babaeng gerilya sapagkat kapag nawalan raw ng ari ang isang babae ay wala na rin siyang kwenta. Makikita dito ang pago-obhektipika sa mga kababaihan at ang pagkulong ng kanilang mga kakayahan at kwenta sa kanilang sekswal na kapabilidad. Sinisimentado ng mga ganitong kilos ang maling pananaw sa katayuan ng kababaihan sa lipunan.
Bukod pa sa mga nauna ay sinasakal rin ng administrasyong ito ang kababaihan sa pagkait sa kanila ng maayos na pangkabuhayan. Tinatakpan ng mga kunwa-kunwariang mga pagpapatampok ng nakamit na gender equality sa Pilipinas ngunit malayo ang tunay na estado ng mga kababaihan sa aspetong ito. Makikita sa mga datos ang kabuuang sitwasyon: mas mataas pa rin ang bilang ng mga babaeng walang trabaho. Bakas rito ang mga maling pagtingin sa kababaihan dahil pinaniniwalaan na hindi nila kayang panindigan ang kanilang mga hanapbuhay. Kasabay ng krisis sa ekonomiya kung saan marami ang hindi nagkakaroon ng oportunidad sa trabaho at patuloy na nabibiktima ng pagtaas ng mga bilihin, ang pang-aabuso sa kababaihan ay lalong lumalala. Dahil sa ganitong sistema, napipilitan ang mga kababaihan na maghanap ng ibang pagkakabuhayan. Dahil rin dito, napipilitan o sapilitang pumasok sa industriya ng sex work, kung saan ang mga bulnerable’t maralita ay naabuso nang sagad-sagaran, at ang pag-oobhektiba sa katawan ng babae ay lalong napapalala.
Matutunghayan din natin ang kawalan ng aksyon ng administrasyon pag dating sa pagpapatampok ng karapatan ng mga kababaihan. Regresibo pa rin ang pagtingin ng mga mambabatas na kalakhan ay sumasaloob sa kaisipang macho-pyudal. Matatandaan na ang pagtingin ng kasulukuyang presidente ng senado na si Vicente Sotto na ang mga ina na tinataguyod mag-isa ang kaniyang mga anak na “na-ano” lang. Hindi rin bumabatay sa aktwal na realidad ang pagdedesisyon ng administrasyon, bagkus ay pumapabor ito sa regresibong ideolohiyang patriyarkal.
Karamihan din sa mga overseas Filipino workers ay mga babae. Sila ang nagiging biktima ng iba’t ibang porma ng pambubusabos sa ilalim ng kanilang mga dayuhang amo. Hindi na lingid sa ating mga kaalaman ang mga migranteng pinapasuweldo nang mababa, pinapakain ng mumo, at higit sa lahat, ikinamamatay ang pisikal at sekswal na abuso.
Sa pagsusuma, hindi nalalayo ang mga ugat ng kinakaharap ng kababaihan sa kinakaharap ng ibang mamamayan. Ang manipestasyon ng nabubulok na sistema ay maaring nag-iiba ang mukha, ngunit ugat ng mga ito, makikita ang mga saligang puwersang nagpapanatili nito. Sa ganitong konteksto, kinakailangan ang pakikiisa ng iba’t ibang sektor ng lipunan upang labanan ang kalaban ng sektor ng kababaihan; sa ganitong pagkakaisa, kailangan din ng kababaihan ng buong lakas at diwa na ipaglaban ang kaniyang karapatan. Sa pagiging naaaping sektor mula sa kapanganakan, naisasapunto na ang lugar ng kababaihan ay sa pakikibaka- sapagkat sa pagbalikwas mula sa umiiral na sistema lamang maipagtatagumpay ang kalayaan ng kababaihan. Ang babae ng kinabukasan, una sa lahat, ay rebolusyonaryo, sapagkat ang kalayaan ng kababaihan ay makakamtan sa kalayaan ng lipunan. Kung susumahin ay nakakabit sa pakikibaka ang susi upang mawaksi ang opresibong sistema, at kasabay nito, ang mga problemang kinahaharap ng mga kababaihan sa pang araw-araw na buhay. [P]
Ngayong araw ay ating ginugunita ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan. Sa kasaysayan, nakamtam ang mga karapatan ng kababaihan sa pamamagitan ng pakikibaka. [P]
Dibuho ni Jermaine Valerio
0 comments on “Ang lugar ng babae sa mapanupil na estado”