Pitong taong nang nakalipas nang kinitil ng bulok na sistema ng edukasyon ang pangarap at buhay ng ni Kristel Tejada. Binunyag ng pangyayaring ito ang tunay na mukha ng edukasyon sa Pilipinas- komersyalisado at di maka-masa. Sa pagkakayanig sa mga institusyon ng edukasyon kasama at patuloy at sama-samang pagkilos ng mga kabataang estudyante, napagtagumpayan ang ilan sa mga kagyat na mga panukalang tumutugon sa pangangailangan ng mga kabataang estudyante, kabilang na dito ang RA 10931.
Ngunit makalipas ng ilang reporma’t mga panukala, ginagambala pa rin ng masahol na sistema ng edukasyon. Nananatili pa rin ang mga kondisyon na nagsisilbi bilang balakid sa malayang edukasyon. Sa pagpapatupad ng K-12, mistulang ginawang kalakal na espesyalisado para sa murang paggawa ang mga estudyante. Sa ilalim ng minadaling K-12, ang mga estudyante ay minamata bilang bukal ng lakas-paggawa ng mga dayuhan, kung saan ang mga kurikulum ay naka-angkla sa pangangailangan ng mga dayuhan.
Nanatili pa ring hindi abot-kaya ang edukasyon para sa marami. Dahil hindi hiwalay ang sosyo-ekonomikong pangangailangan ng mga estudyante sa pangangailanhan sa edukasyon, ang pagpapasa ng mga kontra-mahirap na mga batas katulad ng TRAIN law ay patuloy na pumapatay at nagpapahirap sa mga pamilya. Kasabay ng pagtaas ng ibang mga bayarin katulad ng dorm fees, lab fee, at ibang mga bayarin, ang ilang mga estudyante ay napipilitang tumigil sa pag-aaral o magtrabaho habang nag-agaaral.
Makikita rin sa pagputok ng COVID-19 ang kagyat na hindi pantay na estado nga mag-aaral. Sa pag-iimplementa ng online classes, mapapagmasdan ang mga estudyanteng walang kagamitan para makalahok o koneksyon sa internet.
Sa ilalim ng administrasyon ng UPLB, patuloy na nahahadlangan ang mga mag-aaral sa kanilang karapatan sa edukasyon. Sa pag-didisapprove sa mga apila sa MRR-readmission, makikitang bingi’t bulag pa rin ang administrasyon sa mga kondisyon na kumikitil sa buhay ng mga estudyante. (Kaugnay: bit.ly/UPLBDisapproved)
Sa ganitong uri ng lipunan, nanatili ang hamon sa bawat kabataang estudyante na ipaglaban ang tunay na libre at dekalidad na edukasyon na malaya sa komersalisasyon. Ngayon, sa ilalim ng rehimen ni Duterte, sinusugpo ng AFP-PNP ang mga lehitimong panawagan ng mga organisasyon at indibidwal hinggil sa mas makatarungang edukasyon. Sa ilalim ng EO70, binabansagang terorista ang mga aktibistang nagpapanawagan ng pagbabao sa lipunan. Dagdag pa dito, desperadong pinapapasa ng rehimeng Duterte ang Anti-Terrorism Bill at CTSC bill sa kamara na nagtitiyak sa karagdagang pagtapak sa karapatan ng mga estudyante.
Kung ating tatandaan, ang mga reporma’t batas na matapos ang madilim na araw ng pagkamatay ni Kristel Tejada ay naabot dahil sa puspusang pagpapanawagan ng mga kabataang aktibista para sa hustisya.
Sa harap ng lumalalang krisis ng lipunan, ang kabataang estudyante ay patuloy na tinatawag ng bayan upang magsilbi at kumilos para sa kaniyang kapwa estudyanteng naghihikahos at patuloy na naghihirap sa ilalim ng bulok na sistema ng edukasyon at ng mapanupil na estado. Sa pagkakaisa ng mga estudyante’t mamamayan, makakamtam ang edukasyon na nagsisilbi sa masa- malaya at mapagpalaya; sa ganitong pundasyon ay matatanim ang sistema ng pag-aaral na nagbubunga ng mga anak ng bayan na taos-pusong naglilingkod para sa masa. [P]
0 comments on “Paggunita sa ika-pitong anibersaryo ng pagkamatay ni Kristel Tejada”