COVID-19 Watch Features Southern Tagalog

‘Sa bawas-tao, bawas ang kita’: Mga tsuper ng UP College, hirap dahil sa kawalan ng pasahero

Ni Mark Ernest Famatigan

Bunsod ng kawalan ng mga estudyante sa Unibersidad, ang mga tsuper na biyaheng Calamba pa-UP College ay napipilitang magtrabaho nang mas matagal na oras dahil sa liit ng nakukuha nilang kita.

Si Louie Celestra, 39, ay mula sa Brgy. San Antonio, Los Banos. Siya ay may pamilya, at kasama niya pa nga sa biyahe ang kaniyang batang anak na lalaki. Damang-dama ni Louie ang epekto ng suspensyon ng klase sa loob ng UPLB bilang pag-iingat sa banta sa kalusugang COVID-19. Dahil kumonti na ang mga mag-aaral na bumabiyahe, ang kaniyang tubo ay tuluyang nangalahati.

“Halos kalahati ang nabawas. Kung kumikita (sic) kaming 500 noon, 250 nalang ngayon,” aniya.

Dagdag trabaho

Upang mapunan ang mga pangangailangan ng kaniyang pamilya, si Louis ay dumodoble-kayod. Tuwing araw na may pasok, namamasada si Louis ng tatlong ikot ng ruta ng SM Calamba-UP College. Ngayon, tinatantsa niya na aabot siya ng limang ikot upang umabot sa normal na tubong 500 piso.

“Nung una nabawasan pasahero namin, nabawasan sa kita. Nakakarami kami ng ikot bago makauwi, kaya dagdag pagod. Dati tatlo [na ikot] lang ang kailangan eh, ngayon mga lima na siguro aabutin nito,” sabi ni Louis.

Reklamo ni Louis, dahil sa pagdami ng dalas ng ikot, nakakauwi na siya nang lagpas alas-9—ang oras na madalas siyang nakakauwi tuwing walang pasok sa UPLB. Pinakamabilis na para sa kaniya ang isang ikot ng UP College-Calamba na umaabot ng tatlong oras. Dahil limang beses na siyang namamasada, umaabot na ang kaniyang pagtratrabaho ng 15 oras sa isang araw.

“Fifteen hours. Kagaya ng sinabi namin, sa kita nga, kung umuwi na kami pag mahinang biyahe mga gabi na, pero pag may pasok ang UP alas-6 nakakauwi na kami kadalasan. Pag walang pasok, alas-9. Pag-uwi namin [ngayon], kain-tulog nalang. Punas-punas nalang ng katawan. Sa umaga nalang ligo,” nilahad niya.

Dagdag gastos

Labas sa netong tubo na nakukuha ni Louis, malaking porsyento ng kanyang kita ay napupunta sa gastos para sa gasolina. Gumagastos si Louis ngayon ng 1,000 piso kada-araw dahil sa kawalan ng tao sa Unibersidad.

“[Ang kita] ay depende sa sipag ng drayber. Kung makakalimang ikot ka isang libo ‘yon. 100 kasi isa [na pagdaan]. May panahon minsan tatlong balikan mo lang may kita ka na, pwede ka nang gumarahe,” ayon kay Louis.

Maliban pa rito, pinanggagastusan din ni Louis ang 500 pisong boundary upang makigamit ng jeep. Hindi niya pagmamay-ari ang ginagamit niyang jeep ngayon.

“Araw-araw [yung boundary] 500. Kung mabait yung amo mo, pag nasiraan ka, nakakaunawa, minsan kalahati nalang kinukuha niya. Minsan hindi na nga niya kinukunan,” banggit niya.

Jeepney phase-out

Tinakda na ng pamahalaan na patigilin ang operasyon ng mga kasulukuyang modelo ng jeepney bilang pagsunod sa programang jeepney modernization na pinangungunahan ng Department of Transportation (DOTr). Umaasa si Louis na hindi matutuloy ang programang ito.

“Binigyan kami ng due date, hanggang June. Kung ‘di matutuloy, e di mas maganda,” sabi niya.

Ipinahiwatig ni Louis kung paano nagiging mahirap na kausap ang gobyerno sa usapin ng phase-out na nakakaapekto sa maraming jeepney driver sa bansa.

“Yung gobyerno natin mahirap naman kausap ‘yan eh. Isipin mo pag na-phase-out ang jeep wala naman silang maipanghahaliling na trabaho. Sa dami naming jeepney driver, halos lahat dun namin nakukuhanan ng kita [sa pamamasada]. Parang inagaw nila kakainin ng pamilya namin,” aniya. [P]

 

3 comments on “‘Sa bawas-tao, bawas ang kita’: Mga tsuper ng UP College, hirap dahil sa kawalan ng pasahero

  1. Pingback: Cavite, Las Piñas jeepney drivers call for return to roads – UPLB Perspective

  2. Pingback: Jeepney driver sa Cainta, Rizal, idinaing ang hirap sa pasada ngayong pandemya; nawagang tutulan ang nakaambang jeepney phaseout – UPLB Perspective

  3. Pingback: Byaheng Kalbaryo: Gaano na kalayo ang narating ng ating mga tsuper? – UPLB Perspective

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: