Ni Alvin James Magno
Sa kadahilanang walang maipantustos ang mga manggagawa at mga pesante sa kanilang pamilya sa panahon ng lockdown, pinuna ng mga organisasyong nangunguna sa kanilang karapatan ang di umano’y represibong mga aksyon ng administrasyon matapos ideklara ang Enhance Community Quarantine (ECQ) sa Luzon.
Ayon sa Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan-Kilusang Mayo Uno (PAMANTIK-KMU), nakita nila na ‘malabo at masaklaw’ ang mga umiiral na patakaran na ibinaba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga manggagawa kaya napipilitan ang mga manggagawa na pumasok pa rin sa kanilang mga trabaho.
“Lubos pa rin kaming nababahala sa mga naging implementasyon ng enhanced community quarantine… Hinarangan ang mga manggagawang pauwi sa kanilang mga komunidad. Nabalewala ang mga patakaran sa social distancing na naglantad sa mga stranded sa matinding panganib ng pagkahawa. Inutil ang paghaharang ng mga pulis at militar sa itinakdang layunin nito.” sabi ng unyon.
Dagdag pa nila, milyong milyong obrero ang mawawalan ng ikinabubuhay ang maapektuhan, at mahaharap sa walang kaseguruhan ang kanilang pagtataguyod ng pang-araw-araw na pamumuhay.
Hindi rin nila sinang-ayunan ang Labor Advisory No. 1 na inilabas ng Department of Labor and Employment (DOLE), kung saan sinuspende ang pagpasok ng mga manggagawa sa mga pribadong kumpanya. Aniya, di nito tinutugunan ang pasahod ng mga manggagawa sa mga araw na hindi sila pumasok, sa kabila ng mahigpit na lockdown sa iba’t ibang panig ng Luzob.
“Eto ba ang sinasabing guidelines o tulong sa manggagawa? Sa panahon ng krisis ganito ang ilalabas na advisory ni Sec. Bello. Kahit gustong manatili ng manggagawa sa kanilang tahanan kung ganito naman ang ipapamukha ng mga bwitreng kapitalista, sadyang mapipilitan magtrabaho dahil walang binibigay na ayuda sa bawat empleyado.” sambit nila.
Daing ng mga pesante
Sa kabilang banda, sinabi naman ng Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (KASAMA-TK) na pinagbawalan na ng mga pulis at militar ang mga magsasaka at mangingisda na makapunta sa kanilang mga sakahan at ikinabubuhay sa kabilang bayan.
Dagdag pa nila na dapat labanan ng publiko ang nasabing lockdown ng pamahalaan, at ipinanawagan na dapat ipanguna ang solusyong medikal at hindi militar.
“Ilantad din natin at labanan ang total lockdown na pinatutupad ni Duterte dahil ito ang papatay sa atin sa gutom at paglabag sa ating karapatan.” sinabi ng organisasyon. Paghandaan ang mga protesta na sabay-sabay nating ilulunsad upang yanigin at papanagutin ang rehimeng Duterte sa kainutilan nito sa pagharap sa COVID-19 na dapat aksyong pangkslusugannat di aksyong militar.” ani ng organisasyon.
Panawagan ng mga grupo
Sa hanay ng mga manggagawa, hinimok nila ang gobyerno ang DOLE na bigyan ng malinaw na patakaran sa kompensasyon at kaseguruhan ang mga manggagawa sa trabaho.
Isa sa mga ipinanukala nila ay ang emergency disbursement package na katumbas ng sahod ng manggagawa sa tagal ng ECQ; hazard pay at personal protective equipment sa mga frontliners; kasiguruhan na walang pataw na parusa ang di pagpasok ng manggagawa; hindi pagbawas ng leave na gagamitin ng manggagawa; at paggawa ng paraan ng mga kumpanya sa libreng transportasyon ng manggagawa.
Isinaklaw rin nila ang pagbibigay ng libreng pangontra sa sakit katulad na lamang ng sabon at alcohol, at upang masiguro ang kalusugan ng manggagawa at kanilang pamilya kapag posibleng nakakuha ng sakit, ay libreng testing at pag-aalaga sa mga nasabing indibidwal.
Ipinanawagan rin nila ang pagpataw ng price freeze sa mga panguhanahing bilihin at pagbibigay ng ayuda ng mga mala-manggagawa katulad na lamang ng mga jeepney, tricycle, at pedicab drivers, vendors, at iba pa, dahil sila ang pinakaapektado ng ECQ.
Samantala, humihingi naman ng tulong sa publiko ang mga magsasaka, mangingisda at mga katutubo na bigyan ng pagkain, gamot, at mga gamit pangkalinisan dahil hindi na sila makakuha ng panggastos sa kanilang mga kinakailangan dahil sa lockdown.
Upang makatulong naman sa pagpapakain sa taong bayan, nanawagan rin sila na bigyan sila ng mga binhing pwede nilang maitanim upang agaran itong maipamahagi sa pamilihan. [P]
Pingback: In the midst of the pandemic, affected laborers appeal for support from employers – UPLB Perspective