Sa gitna ng krisis dulot ng pandemyang COVID-19, kapit pa rin sa patalim ang ating mga mamamayan kung salubungin ang panganib ng sakit, mairaos lang ang pamilya.
Bago pa man nagkaroon ng pandemya, ang mga mamamayan ng Pilipinas ay humaharap sa matinding kahirapan at kagutuman. Para sa karamihan, kailangan ang araw-araw na pagtatrabaho upang mayroong mapakain sa pamilya; di baleng lumagpak ang katawan, basta’t di mamatay sa gutom. Silang mga trabahador na sumesweldo ng minimum wage o mas maliit pa ay kumakayod araw-araw at patuloy na pinapayaman ang mga dambuhalang mga negosyante.
Sa bungad ng pandemya, ang lahat ay tumigil. Tigil ang pagtatrabaho at tigil din ang pagsweldo, ngunit di tumigil ang kagutuman. Ang mga mahihirap ay umaasa sa ayudang limitado’t walang kasiguraduhang darating.
Ang sambayanan din ay kumpol-kumpol; nasa mga panginoong maylupa na ang kalakhan ng mga lupain, kaya siksik ang mga mamamayan sa iilang espasyong natitira.
Ang mga manggagawang pangkalusugan ay buwis-buhay rin na nagtatrabaho habang kulang ang PPEs at bulok ang mga pampublikong mga pasilidad. Sinuko na rin ng ilang mga pribadong hospital na may pasilidad at mga instrumento ang pagtanggap sa mga kasong may kinalaman sa COVID-19. Bago pa man magkaroon ng krisis ay kulang na talaga ang suporta sa sektor ng kalusugan, patuloy ang pribatisasyon ng polisiya at walang pagpaprayoridad sa pampublikong mga serbisyo. Sa ngalan ng kita’t negosyo, napapag-iwanan ang pampublikong pangkalusugan.
Subalit gaano man kabigat ang kanilang tungkulin, tila balewala lang para sa mga negosyante ang mga mismong taong bumubuhay sa kanila. Ang ilan pa sa mga negosyong ito ay hindi naglalaan ng sapat na suportang pinansyal kahit napakalaki ng tubong nakukuha nila sa mga ito. Mabagal din ang pagtugon nila sa mga panganib na dulot ng sakit at imbes na bigyan ng tulong at proteksyon ang kanilang mga manggagawa, patuloy nilang kinukulong ang mga sarili sa kanilang mga pribiliheyo’t ganid.
Talamak ang mga kaso ng mga manggagawang walang paraan upang makabalik sa kani-kanilang tahanan, mga manggagawang patuloy pa ring pinagtatrabaho kahit may iniinda nang sakit, at mga manggagawang tila pinagkakaitan ng ayuda kapag natuklasang maysakit. Pinapatunayan lang nito na tanging pansariling interes lang ang iniisip ng mga kapitalistang ito. Patuloy pa rin na umiiral ang pananamantala ng mga kapitalista sa mga manggagawang Pilipino, may krisis man o wala. [P]
dibuho ni Jermaine Valerio
0 comments on “Salot ang kapitalismo”