COVID-19 Watch Editorial

Ang diktadura sa pandemya

Sa tumitinding krisis sa kagutuman at sa sukdulang paglabag sa karapatang pantao ng mga mamamayan, ang kawalan ng pagtugon ay maaring magdulot ng mga pag-aalsa lalo na sa mga komunidad na kumakalam ang tiyan.

Noong nakaraang linggo ay ipinasa sa kongreso ang kontrobersyal na Bayanihan Heal as One act o RA 11469. Layon nitong bigyan si Duterte ng ‘Special Powers’ upang tugunan ang mga suliranin na hinarap ng bansa na dulot ng pandemyang COVID-19. Bagama’t maraming mga amyenda ang aprubado sa senado at natanggal ang ilan sa mga mapanganib na mga probisyon ng batas, nanatili ang kapangyarihan ng pangulo na maglunsad ng realignment ng budget ng ehekutibo. Kung susuriin, mainam ang realignment upang matugunan ang pangangailangan ng milyong Pilipinong umaasa sa amyenda para malagpasan ang kagutumang dulo’t ng enhanced community quarantine. Ngunit sa isang linggong lumipas simula nung napasa ang batas, inaantay pa rin ng sambayanan ang kongkretong aksyon at malinaw na distribusyon ng P275B na badyet na nilaan para sa batas na ito. Dagdag pa rito, naantala ang mga aktwal na pagtugon sa COVID-19 bilang medikal na suliranin dahil ng burukrasya’t politika, kulang pa rin ang testing na nilulunsad ng estado sa harap ng lumalalang krisis pangkalusugan.

Gayunpaman, ang sambayanang Pilipino ay sama-samang kumikilos upang tugunan ang krisis. Ngunit sa kabila ng lahat na matinding pangangailangan sa medikal na suporta, sa halip na ipronta ang medikal na kadalubhasaan ng mga eksperto, ibinida at ipinarada ni Duterte ang sandatahang lakas ng estado bilang primaryang pwersa ng pagtugon sa krisis.

Sa sunod-sunod na anunsyo’t pagsasalita ni Duterte sa harap ng midya, nababandila ang sandatahang lakas bilang primaryang tagapagpaganap ng mga polisiya ng mga patakaran laban sa COVID-19. Sa halip na malinaw na malatag ng mga kinakailangan mga impormasyon at mga hakbangin, lalong pinatitindi ni Duterte ang takot at kawalang bahala sa sambayanan. Sa ganitong paraan din ay napapahinog ni Dutere ang kondisyon sa lipunan sa pormang normatibo ang pamumuno ng militar.

Matapos maipasa ang RA 11469, inanunsyo ang National Action Plan (NAP) bilang ang pangkabuuang stratehiya ng pambansang pamunuan hinggil sa pagtugon sa krisis na dulot ng COVID-19 at mga problemang dulot nito. Sa ilalim ng NAP, iniatas sa Kalihim ng Tanggulang Pambansa (DND) na si Delfin Lorenzana ang pagiging tagapangulo, samantalang si Edurado Año, ang kalihim ng Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal (DILG), ang ginawang ikalawang tagapangulo. Ginawa ring chief implementor ang dating Chief of Staff ng AFP na si Carlito Galvez ng NAP.

Ayon sa tagapagsalita ng pangulo, puro mga militar at ex-militar ang nilagay sa NAP dahil daw sa kanilang kasanayan sa organisadong pagkilos. “They are not embroiled in bureaucratic rigmaroles. They abhor useless debates. They are silent workers, not voracious talkers. They act without fanfare. They get things done,” dagdag ni Panelo. Ngunit sa kabila ng lahat ng balasik at pag-iindorso ng palasyo sa NAP, kitang-kita kung paano nalugmok ang operasyon ng pagtugon sa kawalan ng pagkilos, at kung paano sumasandig sa pagsindak ng mga mamamayan ang pagtugon.

Di malayo para sa pambansang pamunuan na ituring ang laban sa COVID-19 bilang isang literal na digmaan. Sa isang pahayag, sinabi ni Duterte na nararapat lang na magpasalamat ang mga manggagawang pangkalusugan na namatay sila sa laban sa pandemya; pinabubulaanan ni Duterte ang trahedyang dulot ng kaniyang kapalpakan, at tinatagurian ang mga pagkamatay ng mga manggagawang pangkalusugan na maaring iwasan sa pamamagitan ng wastong patakaran na mga bayani- isang pananaw na dulot ng militarisasyon ng pamahalaan.

Sa ilalim din ng enhanced community quarantine, kabi-kabila ang paglabag sa karapatang pantao ang pinangungunahan ng estado. Ginagamit ang ilang probisyon ng Bayanihan Heal as One Act bilang sandata ng estado para sa pagsensura ng malayang pagsasalita. Sa pagpoposturang ito lamang ay para labanan ang misimpormasyon, ginagamit din ito sa pagmamatyag at pananakot sa mga lehitimong kritisismo. Sa Cebu, pinilit ni Governor Gwendolyn Garcia mangako ang ilang mga mamamahayag na pigilan ang kritisismo. Manipestasyon ang samu’t saring pananakot at pagbabanta ng malawakang atake laban sa mga mamamayahag. Kasabay nito, pinangunahan rin ang mga alipores ng rehimen ang kontra-mamamayang sentimyento bilang panlaban sa galit na umuusbong dahil sa kapalpakan ni Duterte.

Nagkakaroon na rin ng mga maliitang mga pag-aalsa dulot ng gutom. Sa simula ng Abril, ang mga mamamayan ng Sitio San Roque ay nagpahayag ng kanilang saloobin sa lansangan sa kadahilanang sila ay di nabibigyan ng pagkain. Sa halip na tugunan ang kaniilang mga isyung kinahaharap, ang mga pulisya’y kumilos upang iditena sila; sa ganitong paraan ay naiwan ang mga kapamilya ng mga naaresto na umaasa sa kinakailangan nilang pagkain. Sa ganitong paraan din nakikita ang bulag na pagtugon ng estado sa mga pangangailangan ng masa. Malupit ang estado pag dating sa mga maralita — agad na inaaresto’t pinarurusahan ang mga mahihirap na lumabag sa mga patakaran, ngunit ang mga pulitiko’t mga mayayaman ay malaya sa kapanagutan. Sa ganitong paraan, nakikita kung paano sumasanding ang kapangyarihan ng estado sa mga naghaharing-uri. Sa tumitinding krisis sa kagutuman at sa sukdulang paglabag sa karapatang pantao ng mga mamamayan, ang kawalan ng pagtugon ay maaring magdulot ng mga pag-aalsa lalo na sa mga komunidad na kumakalam ang tiyan. Kung kaya’t sa ganitong paraan ay madali lamang para sa pambansang pamunuan na bigyang katwiran ang pagdedeklera ng batas militar.

Sa ganitong panahon, masinop na alahanin na hindi kinikilala ng COVID-19 ang burukrasya’t politika, kung kaya’t mainam na unahin ang makatao, makamasa, at siyentipikong pagtugon dito. Mahalaga ring tandaan na nagsimula ang krisis pangkalusugan sa Pilipinas dahil simula’t sapul, sa umpisa ng pandemya, ang mga armas na dala ng giyera ni Duterte ay nakatutok sa mga mamamayan. [P]

Dibuho ni Aynrand Galicia

0 comments on “Ang diktadura sa pandemya

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: