Ni Sophia Pugay
Kaunting-kaunti nalang ay magkaka-kalyo na ang hinlalaki ko bunsod ng maya’t mayang pag-antabay at pagbulatlat sa lahat ng aking social media accounts. Mahigit tatlong linggo na ang lumipas mula nung maipanukalang pandemya ang COVID-19, na siyang nagdulot ng pangmalawakang lockdown. Mahigit dalawang linggo na rin akong nakaimbak sa bahay at naubusan na ako ng mga bagay na maaari ko pang gawin. Nakasasabik mang lumabas at makipag-kita sa aking mga kaibigan, ika nga ay “just shut up, stay at home, cooperate with the government, and wash your hands” muna ang nararapat gawin.
Siguro nga’y panahon na ito para mas lalo kong mapaglaanan ng panahon ang aking sarili. Makapag-pinta, makapag-basa, at magsulat. Ngunit sa kabila ng kabagutan, imbis na makuntento sa pansariling pagpapaunlad, maghugas ng kamay, manatili sa bahay, at manahimik, hindi ko mapigilang mag-munimuni sa kung ano ba ang tunay na naidudulot ng lockdown na ito sa mga mamamayan. Pilit mang itikom ang bibig ay hindi ako mapalagay sa kung ano nga ba ang sinasapit ng masa.
Dito sa bahay ay wala na akong ibang ginawa kundi ang tumitig sa aking telepono, humilata sa malambot kong kama, manood ng aking mga paboritong palabas, at kumain. Sa kabilang banda, ilang Pilipino kaya ang napinsala sa kawalan ng trabaho at naghahagilap ng mapagkukunan ng pangsustento? Sa kabilang banda, ilang Pilipino kaya ang walang mauwian at walang maayos na matutulugan gabi-gabi? Ilang Pilipino kaya ang kumakalam na ang sikmura?
Stay at home
Kamakailan lamang ay lumaganap sa Twitter ang mga nagagalit sa mga lumalabag sa protocol ng gobyerno na huwag na munang lumabas. Kesyo mga pasaway raw sila at hindi marunong makipagkoopera sa mga panukala ng pamahalaan. Totoo naman na maaaring ang pakay ng lockdown ay mabawasan ang pakikipagsalamuha ng mga tao sa isa’t isa upang mapigilan ang pagkakakahawahan ng naturang pandemya. Totoo rin naman na ikabubuti ng lahat ang pananatili sa bahay at ang pagpapairal ng social distancing. Ngunit paano tatalima rito ang masa kung ang kanilang sikmura ay kumakalam na?
Hindi naman lalabag ang mga tao sa panukalang para sa kanilang ikabubuti kung wala silang rason para gawin ito. Wala namang gugustuhing mapahamak sa isang pandemya. Lalo pa’t maski pulitiko’t mayayaman ay hindi pa nakahahanap ng lunas. Paano pa kaya silang walang kapasidad upang magpa-test at magpaconfine sa ospital? Napipilitang lumabas ang masa dahil hindi nga sila kasalukuyang pinapatay ng sakit ay mauuna naman silang makitil ng gutom. Nariyan ang pangangailangang kumayod at magtrabaho upang magkaroon ng pambili ng makakain. Nariyan din ang kawalan ng kapasidad na mamili nang maramihan dahil ang kaya lamang ng kanilang pera ay para sa isang araw. Paano rin naman mananatili sa tahanan ang isang tao kung sa umpisa pa lamang ay wala sila nito? Saan uuwi ang mga taong walang mauuwian at natutulog lamang sa kalsada?
Sa mga pagkakataong masa ang lumalabag dahil sa kalam ng kanilang tiyan ay dahas ang nagiging sagot ng estado. Ngunit sa pagkakataong isang pulitikong positibo sa COVID-19 ang lumabag sa quarantine protocols ay kung anu-ano pang dahilan ang inilalatag ng gobyerno upang mabigyan ng karampatang dahilan ang paglabas at paggala ng naturan. Sa kanilang ginawang paglabag, ilang buhay kaya ang nasa peligro? Paano mananatili ang masa sa kanilang tahanan kung mas kinikilingan pa ng gobyerno protektahan ang mga wala sa katwiran?
Wash your hands
Isang mahalaga at epektibong panlaban sa lumalaganap na pandemya ang paghuhugas ng kamay, kaya naman sumikat ang 20-second handwashing videos sa TikTok. Ipinapakita nito ang mga personalidad na kumakanta habang sinasabon nang maigi ang kanilang mga kamay. Sa kabila nito, paano kaya maghuhugas ng kamay ang mga Pilipinong hanggang ngayon ay wala pa ring maayos na mapagkukunan ng supply ng malinis na tubig? Laganap pa rin ang kakulangan ng suplay ng tubig hindi lamang sa Metro Manila, kundi sa buong Pilipinas. Bukod pa rito ay napakaraming gahaman na nagho-hoard ng basic sanitizing needs, tulad ng alcohol para sa pansariling gamit at mas malala pa ay upang mapagkakitaan at ibenta sa mas mataas na halaga.
Mas madalas pa yatang mag-hugas ng kamay ang gobyerno kaysa sa mga mamamayan nito. Kamakailan lang, sa isang statement ng Pangulo ay sinabi niya na isang karangalan para sa mga frontliners ang mamatay para sa kanilang bayan. Sa ganitong paraan ay isinasawalang bahala ang kakulangan ng gobyerno sa pamamagitan ng pagroromantisa sa kanilang pagkamatay bilang kabayanihan. Sa katotohanan, hindi sila “namatay” kundi “pinatay” ng gobyerno dahil sa kakulangan sa pagtugon sa pangangailangan ng healthworkers tulad na lamang ng mga PPEs. Nariyan din ang mga mapagkunwaring iskema ng pagtugon at pagtulong. Ilang health worker ba ang mapoprotektahan laban sa pandemya sa bawat isang taong magsusuot ng pulang armband? Sa palagay ko ay wala.
Cooperate with the government
Madaling tumalima sa panukala ng gobyernong manatili sa bahay at pairalin ang social distancing kung wala ka namang ibang iintindihin kung hindi isipin kung anong susunod na pelikula ang iyong papanoorin. Sa pagkakataong umaalma ang mga mamamayan sa kawalan ng makakain at matutulugan, ang naging tugon ng estado ay karahasan, pag-aresto, at pag-piit. Mayroon akong kaibigan na noong nakaraan lamang ay nadatnan kong umiiyak dahil “no work, no pay” ang kaniyang mga magulang at dahil suspendido ang trabaho ay walang maipambili ng pagkain ang kaniyang pamilya at alam niya na wala siyang maaasahan na tulong mula sa gobyerno. Hindi lamang ang pamilya niya, kundi libo-libo pang mga pamilya ang nakararanas nito.
Kailan lamang ay may mga nagwelga dahil sa kakulangan ng gobyerno na mahatiran sila ng tulong. Labag sa panukalang social distancing ay humanay ang mga mamamayan upang manawagan dahil sa sukdulang gutom. Ngunit imbis na tulong at pagkain ang ipahatid ng gobyerno, ang naging tugon nila ay karahasan at pag-aresto sa mga naturan. Paano nga ba makipag-koopera sa gobyernong tumataliwas sa kanilang mandato na paglingkuran ang mamamayan? Kailanman ay hindi mapapatahimik ng pamamasista ang kumakalam na sikmura. Bukod pa dito, ano pa nga ba ang maaasahan mula sa mga pulitikong inuna pang ipa-test ang sarili gayong wala namang sintomas ng COVID-19? Samantalang andyan ang masang bulnerable sa pandemya at hindi man lang makapagpa-test.
Just shut up
Ang pribilehiyo ay ilusyon na pinapalaganap at naranasan ng naghaharing-uri. Marahil dahil sa pribilehiyo ay napakadaling manatili sa bahay, maghugas ng kamay, at makipag-koopera sa gobyerno. Madaling sabihin na “manahimik ka na lang at sumunod” kung hindi sumasagi sa iyong isipan ang pangambang baka bukas ay may sakit ka na at wala ka man lang paraan para malunasan ito. Madaling tumalima sa mga panukala ng gobyerno kung araw-araw naman ay hindi mo kinakailangang problemahin kung saan ka huhugot ng maipangkakain at kung may matutulugan ka pa ba. Ngunit nagbabago ang istorya sa lente ng masang kinakailangan pang lumabas sa kabila ng pangambang maapektuhan ng umiiral na pandemya. Hindi mananahimik ang masa kung ang tugon lamang sa kanilang kumakalam na sikmura ay pagbabanta. Hindi mananahimik ang masa kung patuloy silang pinapatay ng kung hindi man sakit, ay gutom at karahasan.
Bagamat may pribilehiyo ay hindi nararapat na magpaka-kumportable na lamang, pumirmi, at manahimik sa bahay. Dahil sa pribilehiyo ay nagawa kong isulat ito. Dahil sa pribilehiyo ay marami pang mga mulat na estudyante at mamamayan ang nakapagbibigay puna at kritisismo sa gobyerno na siyang kumakalampag dito upang tugunan ang kanilang mandato na pagsilbihan ang pangangailangan ng masang sambayanan. Lampas sa pribilehiyo ay ang masang patuloy na naaapi at ang gobyernong nararapat na panagutin. Marapat lang na gamitin natin ang kung anong meron tayo para isulong ang mga interes ng mas nakalalawak na sambayanang Pilipino. [P]
Guhit ni Aynrand Galicia
0 comments on “Ilusyon ng pribilehiyo”