COVID-19 Watch Features Spotlight

Buhay ng mamamayan, nakasalalay sa kapakanan ng agrikultura

Ni Aesha Sarrol

Sa kasalukuyang kinakaharap na krisis, kaliwa’t kanan ang panganib sa kalusugan at kaligtasan ng bawat Pilipino. Ang maliit na badyet ng Department of Health (DOH) sa taong 2020 kumpara sa ibang kagawaran ng gobyerno, ay isang malaking balakid para sa mga pampublikong ospital, na kung saan karaniwang tanawin ang siksikan, kulang sa kagamitan, at mahabang pila, upang sugpuin ang krisis pangkalusugan.

Isa din sa nakikitang hamon ang pagsustento ng pagkaing pangangailangan ng mga mamamayan dala ng mga regulasyon ng enhanced community quarantine (ECQ) sa buong Luzon,  kung kaya’t napipilitan ang mga tao na mag-imbak ng sapat na suplay ng pagkain sa kani-kanilang bahay upang masigurado na sila’y mayroong panustos sa isang buwang kuwarentina. 

Malaki ang ginagampanang tungkulin ng ating mga agrikultural na manggagawa lalu’t lalo na sa kritikal na panahon dahil sila ang gumagaod upang may makain tayo sa araw-araw. 

Ayon sa Kagawaran ng Agrikultura (DA), hindi dapat mabahala ang publiko dahil mayroong sapat na suplay ng bigas na tatagal ng 35 na linggo, habang ang suplay naman ng gulay ay manggagaling mula sa Hilaga at Gitnang Luzon. Iginigiit ng pamahalaan na hindi maaantala ang transportasyon ng mga agrikultural na produkto patungong Metro Manila dahil inaprubahan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang food resiliency protocol na inihain ng DA upang mapabilis ang pagpasok ng agri-fishery komoditi; kasama sa protocol ang pagkakaroon ng sariling pila ng mga sasakyang lulan ang mga produkto ngunit mayroon dapat silang hawak na patotoo mula sa kagawaran. 

Subalit, taliwas ang tunay na nangyayari sa sektor ng agrikultura. Ayon sa  MASIPAG, isang non-governmental organization (NGO) na nagbibigay ng kaalaman ukol sa agrikultura, malaki ang naiaambag ng mga maliliit na magsasaka sa seguridad ng pagkain sa bansa ngunit sila ay nahahadlangan ng mga kontra-magsasakang polisiya tulad ng Republic Act no. 11203 o Rice Trade Liberalization Law na kung saan ang Pilipinas ay nag-aangkat ng suplay ng bigas mula sa ibang bansa. Pansamantalang itinigil ng Vietnam, isa sa mga pinaka-malaking exporter ng bigas sa bansa, ang transportasyon ng kalakal dahil sa kalakip na panganib ng COVID-19. Isa itong malaking problema dahil umaasa ang Pilipinas sa ibang bansa na kahit kailan ay maaaring itigil ang kasunduan. 

Hirap din ang mga mambubukid sa pagbyahe ng kanilang mga produkto dulot ng arbitraryong patakaran na ipinapatupad ng pulisya at militar sa mga checkpoint, dahil hinaharangan pa rin sila sa kabila ng mandatong gawing prayoridad sa mga inspeksyon. Ayon sa ulat ng Unyon ng Manggagawa sa Agrikultura (UMA) at Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA), ang mga nagtitinda ng isda at bigas sa mga pampublikong pamilihan sa Gitnang Luzon, Batangas at Cavite ay hinahadlangan na magbenta ng kanilang mga produkto. Ang ilang magsasaka naman sa Rizal ay ibinibenta na ang kanilang mga inaning pinya sa social media upang sila’y mayroong kita. Ang patuloy na pagharang sa produktong agrikultura ay magdudulot lamang ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa merkado.

Pinipigilan din ang ilang magsasaka na pumunta sa kanilang mga bukirin, na kung saan dito lamang sila umaasa upang matustusan ang kanilang mga pangangailangan sa panahon ng kagipitan. Labag ito sa DA Memorandum circular numbers 7 and 9 series of 2020 na nagsasabing ang produksyon ng pagkain ay magpapatuloy sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa pagsasaka at pangingisdang mga aktibidad. 

Ipinihayag ng Economic Development Cluster (EDC) na  Php 2.8 bilyon mula sa planong Php 27.1 bilyon na fiscal stimulus laban sa COVID-19 ang mapupunta sa Survival and Recovery (SURE) Aid Program na inilatag ng Department of Agriculture- Agricultural Credit Policy Council (DA- ACPC). Magbibigay ito ng Php 25,000 na walang interes na pautang sa mga maliliit na magsasaka at mangingisda na maaapektuhan ng kalamidad. 

Patuloy na Panunupil

Ang hanay ng mga mambubukid ay kabilang sa mga patuloy na nakakaranas ng matinding opresyon mula sa gobyerno; ang kakulangan sa badyet dahil sa kaunting suporta mula sa administrasyon ay mas pinapaigting ng mga anti-magsasakang polisiya. Tahasang nilalabag ang karapatan ng mga magsasaka hindi lamang sa aspeto ng kawalan ng sariling lupa kundi pati na rin sa kanilang seguridad. Sa panahon ng krisis, lumilitaw ang pagka-bulnerable nila dahil wala silang kakayahan upang maisagawa ang ibang alituntunin ng kwarentina at dagdag pa rito ang patuloy na pag-reredtag at panliligalig ng mapang-abusong militar.

Sa gitna ng krisis ay pinaslang si Nora Apique, isang senior citizen na kaanib sa  Kilusang Magbubukid ng Pilipinas-CARAGA (KMP-CARAGA) noong Marso 31, 2020 sa San Miguel, Surigao del Sur. Siya ay biktima ng patuloy na paniniil ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at siya rin ang ika- 249th na magsasakang yumao sa ilalim ng rehimeng Duterte. Sa halip na tugunan ang pandemya ay malinaw na nilalabag ng administrasyon ang karapatang pantao hindi lamang ng mga magsasaka pati na rin ang mga aktibistang nagmumungkahi ng agarang solusyon. 

Ipinagdiwang ang “Day of the Landless” noong Marso 29, 2020. Kasabay nito ang mungkahi ng Asian Peasant Coalition (APC) na five-point demand kung saan binibigyang-diin ang karapatan ng mga agrikultural na manggagawa sa kabuhayan, agarang social relief mula sa gobyerno at access  sa mass testing. Panawagan din nila na bigyan ng karampatang pananagutan ang mga politikong hindi tumutugon sa pangangailangan ng mga mamamayan at ang mga lumalabag sa karapatang pantao. 

Ang mga magsasaka ay nagsisilbing frontliners din sa panahon na ito dahil sakanila nakasalalay ang pagkain ng bawat Pilipino. Kung sila ay patuloy na babalewalain at aabusuhin, malalagay din sa panganib ang kapakanan ng lahat ng mamamayan. [P]

2 comments on “Buhay ng mamamayan, nakasalalay sa kapakanan ng agrikultura

  1. Pingback: UPLB events, initiatives to look forward to this week – UPLB Perspective

  2. Pingback: Pag-ani ng katarungan – UPLB Perspective

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: