COVID-19 Watch Editorial Opinion

Hantungan ng semestre

Ngayon ay mas kinakailangan ang isang madamayin at makataong tugon, na lubos ang epekto sa mamamayang sabay-sabay na naghihikahos dulot ng pandemyang ito.

Kasabay ng naging pagkapatid ng pang-araw-araw na pamumuhay dulot ng pandemyang COVID-19 ay ang malawakang pagsuspinde ng klase sa lahat ng antas. Kahit papaano ay mas kontrolado ang kalagayan ng mga paaralan sa primarya at sekundaryang antas dahil patapos na rin naman ang taong pampaaralan noong idineklara ni Pangulong Duterte ang enhanced community quarantine noong kalagitnaan ng Marso. Pero para sa mga pamantasan at unibersidad, kung saan marami ay sa Mayo nagtatapos ang kanilang taong pampaaralan, malaking hamon kung paano maipagpapatuloy ang klase habang may kinakaharap na krisis ang sambayanan.

Kabilang sa mga naging tugon sa suliraning ito ay ang naging tugon ng Ateneo de Manila University. Kamakailan lang ay tinapos na lamang ng ADMU ang kanilang ikalawang semestre. Kasabay nito ay ipinasa na ng pamantasan ang lahat ng mga mag-aaral. Sa halip na numero, letrang gradong “P” ang makukuha ng lahat, at awtomatiko nang aangat sa susunod na lebel ang mga estudyante. Ang mga graduating students naman ay makakapagtapos na rin kung masunod nila ang mga panuntunang itinakda ng ADMU.

Dahil sa naging hakbang na ito ng Ateneo, lumitaw ang isang mahalagang tanong: Ano ang magiging plano ng Unibersidad ng Pilipinas sa usapin ng pagpapatuloy ng ikalawang semestre? Matatandaang sinuspinde na ang pisikal o online na anyo ng klase hanggang sa katapusan ng buwan, alinsunod sa ECQ. Inanunsyo ni Student Regent Isaac Punzalan na magkakaroon ng pulong ang mga Chancellor ng iba’t ibang mga constituent units ng UP sa Lunes upang pag-usapan ang magiging susunod na plano, at matapos nito ay pagdedesisyunan ito ng Board of Regents ng pamantasan.

Mahalaga na ang gagawing desisyon ay nakatindig sa konkretong kalagayan ng mga mag-aaral, at ang pagtingin na ang lahat ng mga ito ay apektado ng lumalalang krisis na dulot ng COVID-19. Makikita ang ganitong pagtingin noong nagpanawagan ang mga mag-aaral na ihinto ang online classes, dahil hindi naman lahat ay mayroong kakayanang sumabay sa nasabing plataporma.

Sa panibagong suliraning ito, mas kinakailangang pag-usapan ang mga ganitong salik na maaaring hindi nakikita ng administrasyon. Dapat na kilalanin na ang malawakang epekto ng kasalukuyang krisis ay hindi mawawala kasabay ng pagtatapos ng ECQ. Marami sa mga iminumungkahing hakbangin ay nakasandal sa pagtingin na kagyat ang pagbabalik sa normal ng buhay matapos ang Abril 30. Ayon pa nga sa ilang mga dalubhasa, dapat lamang na maging handa ang mamamayan sa posibleng pagtagal ng mga kasalukuyang paghihigpit sa ilalim ng quarantine. Datos na rin ang nagpapakita na hindi pa sasapat ang mga kasalukuyang hakbang ng pamahalaan upang mapabagal ang pagkalat ng COVID-19.

Habang hindi pa nababanaag ang lunas na makakatapos sa krisis na ito, hindi rin mainam ang mga desisyong nakaangkla sa anyo ng pamumuhay bago ang ECQ. Alanganin ang maaaring pagpapahaba ng semestre dahil walang kasiguraduhan, lalo na sa ilalim ng inaksyon ng administrasyong Duterte, na magiging maayos na ang lahat kapag inangat na ang ECQ. Hindi naman basta-basta babalik sa normal ang galaw ng lipunan matapos ng isang krisis pangkalusugan. Kinakailangan magkaroon ng maayos na transisyon at sapat na kompensasyon ang mga estudyante, guro, at kawani upang makapaghanda muli ang pamantasan sa pagpapatuloy ng mga aktibidad nito.

Ang pagsusulong naman ng pagpapatuloy ng online classes ay hindi maka-estudyante, lalo na sa isang pamantasan kung saan nagmumula ang mga mag-aaral sa iba’t ibang uri at kakayahan. Hindi lahat ay may kakayahan na asikasuhin ang mga pang-akademikong gawain sa ganitong tipo ng klase. Maliban sa hindi lahat ay may disenteng internet access, marami sa mga kursong kailangan tapusin ng mga estudyante ay hindi binuo upang ituro online. Nakokompromiso ang mga dimensyon ng praktika, emosyon, at puspusang pagpapaintindi para sa mag-aaral at guro sa ilalim ng sistemang ng online classes. Mas lalong hindi makatarungan ang pagbibigay ng numerikong grado sa mga kurso, dahil maipagkakait nito sa mga estudyante ang pagkakataon na patunayan ang kanilang mga sarili sa klase.

Tumigil man pansamantala ang taong pampaaralan ay hindi naman tumitigil ang kalam ng sikmura, ang mga gastusin, at ang mga problemang kinakaharap sa ilalim ng panibagong anyo ng pamumuhay. Sa ganitong panahon, kung kailan mas tumitindi ang malalang kalagayan ng mga mamamayan, ang pagpapatuloy ng semestre ay sekondarya na lamang sa dapat mabigyang importansya ngayon: ang paggaod ng mga tao sa pang-araw-araw nilang mga buhay.

Dito makikita ang katuwiran sa likod ng panawagang ipasa ang lahat ng mga mag-aaral, at tapusin na ang semestreng ito. Ito ay isang malaking hakbang upang masiguro na ang lahat ay nakatuon sa kaligtasan ng kanilang mga sarili, at mga pamilya, mula sa sakit na dulot ng pandemya.

Marami ang mailap sa ganitong ideya. Dahil sa konotasyong dala ng Pass All, ang tingin ng marami ay “hilaw” silang aangat sa susunod na antas, dahil nakakuha sila ng “P” kahit hindi naman nila lubusang natutuhan ang mga kinakailangang kasanayan at kakayahan. Marami ring tanong na nakaangkla sa hakbang na ito. Sa kaso ng UPLB, dala nito ang mainit na usapin sa may mga apelang MRR-readmission. Dala rin ng Pass All ang mga katanungan ukol sa mga tuition fees at residency requirements. Paano na rin ang mga graduating students–silang mga inaasahan ng kanilang mga pamilya na makatulong sa pantustos sa mga pangangailangan, lalo na sa mga ganitong panahon?

Dapat lamang na iwan ang pagbubutbot ng ganitong mga detalye sa mga eksperto ng kurikulum at ng edukasyon na may kaakibat na konsultasyon ng mga mag-aaral. Dapat na ikonsidera ang pangangailangang ituro muli ang mga nalampasan ng mga mag-aaral dahil sa ECQ, sa mga susunod na semestre. Sa UPLB, kinakailangan naman na i-apruba lahat ng mga apelang MRR-readmission, dahil na rin sa mga komplikasyon sa paglalakad ng mga papeles at iba pang hakbang na lalong pinahirap ng mga kasulukuyang suliranin.

Samakatuwid, dapat masiguro ang isang desisyon na papabor sa mga mag-aaral at iba pang sektor ng pamantasan. Ngayon ay mas kinakailangan ang isang madamayin at makataong tugon, na lubos ang epekto sa mamamayang sabay-sabay na naghihikahos dulot ng pandemyang ito.

Kung ano man ang magiging desisyon ng pamantasan, hindi ito maayos na maisasakatuparan kung wala sa deliberasyon ang mismong kinatawan ng mga estudyante, na silang masasapul ng gagawing hakbang. Sa katunayan, inamin mismo ng Rehente ng mga Mag-aaral na hindi siya makakasama sa pulong ng mga rehente sa Lunes. Kung ganito ang sitwasyon, mas kinakailangang ipagpanawagan ang pakikilahok ng mga mag-aaral upang hubugin ang desisyong sila rin ang pangunahing maaapektuhan.

Ang libre at dekalidad na edukasyon, kahit sa ganitong panahon, ay nananatiling isang karapatan na dapat natatamasa ng bawat mag-aaral. Ngunit, kailangang idiin ang primaryang pagpapahalaga sa buhay ng mga tao, at ang pag-ahon ng bayan mula sa krisis pangkalusugan. Ang pagpasa sa lahat ng mga mag-aaral at ang kagyat na pagtatapos ng kasalukuyang semestre ay ang pinakaangkop na solusyon para rito. Marapat lamang na ilaan ng lahat ang kanilang mga kakayahan sa pagpapanatili ng kanilang mga buhay habang binaybay pa ang epekto ng pandemyang ito. [P]

Dibuho ni Jermaine Valerio

0 comments on “Hantungan ng semestre

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: