
Saksi ang kasaysayan kung paano pinamalas ng laksa-laksang mga manggagawa ang kanilang lakas-paggawa upang hubugin at paunlarin ang lipunan. Ngunit sa kabila ng kanilang sakripisyo at importansya, pinaparusahan pa rin sila ng isang nabubulok na sistemang pinapaboran ang interes ng mga dayuhang negosyanteng pinagsasamantalahan ang kanilang kakayahan.
Natunghayan natin ang ilang administrasyong tumuntong sa pangakong pagwakas sa ilan sa mga polisiyang gumagambala sa uring manggagawa na siyang humahantong ang sa mga napakong pangako. Noong halalan 2016, nangako ang noo’y kandidatong Duterte na kaniyang wawakasan ang kontrakwalisasyon, ngunit makalipas ang mahigit tatlong taong panunungkulan niya ay lalo pang tumindi ang noon pa’y lugmok sa hirap na kondisyon ng mga pamilyang Pilipino. Sa ilalim ng anti-mahirap at anti-mamamayang TRAIN Law, ang mga manggagawang barat na nga ang sahod ay lalong naghihirap dahil ng dagdag-presyo ng mga bilihin at ng iba’t ibang serbisyo’t kalakal. Itong polisiya at ang dalawang magkasunod na bersyon nito ay testamento na tengang kawali ang estado sa tunay na kalagayan ng mga manggagawa
Sa pagtindi ng kahirapan at pakikibaka ay makikita natin kung paano tumitindig ang mga unyonista upang ipagpanawagan ang kanilang mga karapatan. Sa kasulukuyang panahon, hindi natin maitatanggi ang importansya ng mga unyon pagdating sa pagdedetermina ng mga kondisyon upang makausad ang mga lugar paggawaan sa ilalim ng ‘new normal.’ Dala ng kakaibang sitwasyon, ang mga unyon ang isa sa mga pangunahing pwersa na nagtitiyak sa kaligtasan at karapatan ng mga manggagawa sa ilalim ng peligrong dulot ng pandemya. Sa ilalim din ng tigil-paggawa at mga iba’t ibang skema tulad ng ‘no work, no pay,’ tumitingkad ang pangangailangan ng sama-samang pagkilos upang igiit ang kanilang mga batayang karapatan.
Sa ilalim ng lockdown, napapakita rin ang hindi kanais-nais na kalagayan ng mga manggagawang pangkalusugan. Ayon sa DOH, 1,694 na ang bilang ng mga manggagawang pagkalusugan ang positibo sa COVID-19 at 33 na ang naitalang patay sa nasabing mga manggagawa. Kitang-kita rin ang kapabayaan ng administrasyong Duterte pagdating sa pagpapahalaga sa mga manggagawang pangkalusugan. Dahil sa mababang sahod at labor export policy ng pamahalaan, pinipili ng mga manggagawa na magtrabaho sa ibang bansa para magkaroon ng mas mataas na sahod, na nagreresulta sa “brain drain” o ang pagkawala ng mga propesyunal sa bansa. Sa panahon ng krisis pangkalusugan, ang lakas-paggawa at ang pagprotekta sa kanila ay hindi matutumbasan. Tinatayang 150,000 ang mga Pilipinong nars na pangkasulukuyang nagtatrabaho sa Estados Unidos. Humarap din ang mga manggagawang pangkalusugan sa mababang hazard pay, matapos ang mabagal na aksyon ng administrasyon pagdating sa distribusyon ng PPEs. Ayon din sa FIlino Nurses United, iniiwasan ng DOH ang responsibilidad sa mga boluntir kung sakaling maging positibo ito sa COVID.
Ngayong araw, na-alarma ang mga pormasyon at mga grupo sa iligal na pag-aresto sa mga aktibista’t boluntir sa iba’t ibang panig ng bansa na nagsasagawa ng relief operation. Imbis na makiisa at tumulong ang AFP-PNP sa mga ganitong inisyatiba, higit pa nilang pinatindi at pinairal ang kultura ng pasismo sa pamamagitan ng paggamit ng dahas. Kanina lang, tatlong estudyante ng UP Diliman ang iligal na inaresto sa Quezon City kasama ang isa pang estudyante at 15 na sibilyan. Sa gitna ng pandemya, tahasang niyuyurakan ng mga puwersa ng estado ang mga hakbangin sa pagkakaisa at bayanihan. Mas lalong nakakabahala na ang mga aresto ay ginawa ngayong Araw ng mga Manggagawa, kung saan dahil sa kagipitan at kawalang-bahala ng administrasyon, pilit na sumisikap ang iba’t ibang ordinaryong mamamayan upang maitawid sa gutom ang mga nangangailangan katulad ng mga manggagawang nasa ilalim ng skemang ‘no work, no pay’.
Sa harap ng mga pagkilos ng mga manggagawa ay ang katumbas na karahasan ng mapanupil na estado. Sa tuwina’y magkakasa ng welga ang mga manggagawa, agad na hinaharap ang mga trabahador ng malupit na pagbubuwag mula sa pulisya. Imbis na bigyang unawa ang panawagan ng mga manggagawa, pinipili ng estado na maging bulag at pabulaanan ang mga paglabag ng dambuhalang korporasyon. (BASAHIN: https://bit.ly/Vol46Ish3, pahina 6-7)
Sa samu’t saring balakid at polisiyang pinapatupad ng naghaharing uri ay kasabay ang puspusang pakikibaka ng mga manggagawa. Pinapatunayan ng mga manggagawa na ang kanilang tadhana ay nasa kamay ng kanilang uri. Ang kakayahan upang mamuno sa sarili ay bukal sa mga manggagawa at hindi nagmumula sa bulsa ng mga dambuhalang korporasyon na kanilang pinayayaman.
Sa pamamagitan ng historikal at walang tigil na paglaban para sa karapatan, humantong ang kasaysayan sa kasulukuyan, kung saan natatamasa natin ang marami sa bunga ng kanilang pakikibaka, at kung saan ay marami pa ang hinaharap at haharapin ng kanilang pagkilos. Sa ganitong sangang-daan, ang landas ng pakikibaka upang buwagin ang nabubulok na kondisyon na nagpapahirap sa mga mamamayan ang siyang tiyak na daan upang matuligsa ang kahirapan, at sa daang ito, tinatawagan ang bawa’t mamamayan para sa mas malawak na pagkakaisa. [P]
Mga litrato ni Pola Bautista
0 comments on “Pagkayod at pakikibaka”