Editorial Opinion

Ang Ikaapat na Estado

Hatid ng malayang pamamahayag ang pagpapanday ng sandata ng mamamayan kontra sa disimpormasyon at propagandang naninilbihan sa interes ng iilan. Ang kritikal na midya, sa pangkasulukuyang kontekso ng lipunan, ay nagsisilbi bilang isa sa mga bulwagan kung saan ang pagtatasa ay lalong napapatalas; sa pamamagitan ng diskursong nakaangkla sa pagpapaunlad ng lipunan, pinapahayag ng manunulat ang kinabukasang malaya sa diktadurya at pasismo.

Sa ganitong konteksto nakatayo ang ating lipunan. Sa paggamit ng kapangyarihan ng estado upang kontrolin ang naratibo sa lipunan, ang rehimeng Duterte ay nagtataguyod ng pamunuan na uhaw sa kapangyarihan. Pinipilit ng administrasyon na magpakasapat ang mga mamamayan, ngunit ang katotohanan ay laging namamayagpag—ang mamamayang Pilipino ay di magpapasiil sa diktadurya.

Ang mga ihiniaing kaso laban sa ABS-CBN ay nagpapatunay na sinasangkapan ng rehimeng Duterte ang kapangyarihan ng ehekutibo upang makontrol ang midya. Ang quo warranto petition ni Solicitor General Jose Calida ay isang patunay na ginagawa ng rehimen ang lahat upang supilin ang mga hindi katugma nito sa interes. Sa pagpapasawalang-bisa ng mga akusasyon sa testamento ng Bureau of Internal Revenue at Securities and Exchange Commission, napakitang ginagamit lamang ng rehimen ang batas upang patahimikin ang mga bulwagan ng midya at mga pahayagan.

Hindi ito ang unang kaso ng pagpapatahimik sa mga mamamahayag. Sa mga nakaraang taon, sunod-sunod ang atake ni Duterte at ng kaniyang mga alipores kay Maria Ressa, chief executive officer ng Rappler. Sa paghahain ng kaso kay Ressa, ay dinumog rin ng mga trolls ang mga pahina ng mga pahayagang nagsusulat ng kritisimo laban sa administrasyon. Kasabay nito ay ang panyuyurak ng kasalukuyang rehimen sa ideya ng malayang pamamahayag. Sa mga naging talumpati ni Duterte ay walang sawa niyang pinutakte ng batikos ang mga ulat sa kaniya ng Rappler, Philippine Daily Inquirer at ABSCBN, kasabay ng nabanggit na pag-uungkat ng iba’t ibang mga kasong tila’y pinapaikot lamang ang batas.

Hindi lang ang mainstream press ang inaatake ng rehimeng Duterte. Noong nakaraang taon, sabay-sabay na tinuligsa ang websites ng Bulatlat, Kodao Productions at Altermidya, mga pahayagang kilala bilang alternative press. Sinunog rin ng mga armadong indibidwal ang Prage Management Services, ang lugar ng pag-iimprenta ng tabloid na Abante, na nakilala rin sa pagbulgar ng “pangagatas” ni noo’y Foreign Secretary Alan Peter Cayetano ng pondo sa pagpapagawa ng mga pasaporte. Sa halos kasabay na panahon, pinagsusunog rin ang mga kopya ng diyaryo ng Pinoy Weekly sa Pandi, Bulacan.

Inaabuso din ng diktadurya ang batas upang supilin ang mga mamamahayag. Batid ng pagpapatupad ng Executive Order 70 ang sunod-sunod na pag-atake sa mga makabayang mamamahayag. Sa pagpapakulong kay Frenchiemae Cumpio ng Eastern Vista at Anne Krueger ng Paghimutad, napatunayan ng estado na sinasangkapan nito ang batas upang tanggalin ang karapatan ng mga mamamayan sa kanilang pagpapahayag. Sa pamamagitan ng iligal na pag-aresto at red-tagging ng mga mamamahayag sa komunidad, batid ng militar at ng pulisya na pagtakpan ang tunay na kalagayan ng lipunan. Nariyan ang hindi matapos-tapos na pagpatay upang busalan ang mga mamamahayag, lalo na sa mga probinsya. Labing-apat na ang napatay sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon, ayon sa Center for Media Freedom & Responsibility. Kasabay ito ng sabay-sabay na pagbulagta ng mga progresibong indibidwal na walang sawang nakikibaka para sa karapatan ng nakararaming mamamayan.

Masasabi na ang kultura ng impunidad at pagsasawalang-bahala sa mga batayang karapatan ay napalala sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon. Ngunit hindi dapat ipagkibit-balikat na kahit noon pa man ay marahas na rin ang kinahaharap ng mga mamamahayag upang isagawa ang kanilang trabaho. Ang katotohanan ay ipinapahintulot ng sistemang mapanupil ang pagpapatahimik sa mga kritiko nito.

Ang pagpapakasapat sa ganitong panahon ay maaring magbuntod sa isang lipunan kung saan ang impormasyon ay kompromisado. Katulad ng batas militar ng yumaong diktador na si Marcos, ang pagkokonsolida ng estado sa naratibo ay nagdadala ng mas malalang krisis sa lipunan.

Tanyag na bansag sa midya ang pagiging ikaapat na estado nito. Mahalaga ang papel ng malayang pamamahayag upang magkaroon ng magtitiyak ng balanse ng kapangyarihang umiiral sa isang lipunan. Saksi ang kasaysayan sa mga pang-aabusong mistulang napatigil ng pangangalampag ng mga peryodiko at iba pang midya. Isang kabalintunaan man, ngunit saksi rin ang kasaysayan sa mga nangyayaring kalabisan sa likod ng sunud-sunurang mga propagandista.

Sa kawalan ng tagatiyak ng balanse ng kapangyarihan, ang diktadurya ay malayang makakapang-abuso sa karapatan ng mga mamamayan. Sa ganitong lipunan na sunod-sunod ang pag-atake sa midya, lalong tumitindi ang panawagan upang ipagtanggol ang karapatan sa pamamahayag. Inuudyok ng paglalapastangang ito ang lahat ng sektor upang makiisa sa laban para sa mas malayang lipunan, dahil sa likod ng mga pag-atake sa hanay mga mamamayan ay ang pagnanais ng pasistang rehimen na supilin ang mga haliging nakikiisa para sa sambayanan.

Gayunpaman, ang mga alternatibong pahayagan ay patuloy na titindig para sa masang Pilipino. Kahit anong pag-sindak o pag-atake, patuloy na mamamahayag ang mga publikasyon, sa pamantasan man o sa komunidad, upang maisiwalat sa mas malawak na hanay ng mga mamamayan ang tunay na kalagayan ng lipunan.

Sa lipunang patuloy ang sistematikong opresyon, titindig ang publikasyong ito at patuloy na magsisilbi sa mga estudyante at ginigitgit na mamamayan. Ipaglalaban ng publikasyon ang karapatan ng mamamayan para sa kalayaan at katotohanan. Ang UPLB Perspective, bilang isang pahayagan na kolektibong binuo ng mga estudyante kahit nasa
ilalim ng batas militar, ay patuloy pa rin na titindig upang ibalita ang lumalalang panunupil ng pasistang administrasyong Duterte. [P]

Ang editoryal na ito ay orihinal na nakalimbag sa UPLB Perspective Volume 46 Issue 3

0 comments on “Ang Ikaapat na Estado

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: