Opinion

Sa gampanin ng mapagpalayang midya

 

Press Freedom
Guhit ni Jermaine Valerio

Ni Juan Sebastian Evangelista

Hindi matatawaran ang halaga ng pamamahayag sa ano mang panahon, kung kaya’t pinagpupugayan natin ang lahat ng mamamahayag na patuloy na naninilbihan sa sambayanan!

Sa panahon ng kagipitan at pang-aabuso ng kapangyarihan, mas lalong nagiging marangal ang kritikal at makatuwirang pamamahayag. Sa pamamagitan ng mapagmatyag at matalas na pagsusuri, nailalantad ang mga kamalian at abuso, at sa gayon ay naiaangat rin ang mga panawagan ng mga nasa laylayan.

Kilala bilang isa sa mga pinakamapanganib na bansa ang Piliipinas pagdating sa pamamahayag. Humarap ang bayan sa iba’t ibang atake sa hanay ng mga mamamahayag. Noong 2009, 58 na tao, kasama ang 32 na mga mamamahayag, ang pinaslang ng mga berdugo sa Maguindanao. Nakilala ang ‘Ampatuan Massacre’ bilang ang pinakamadugong atake sa mga mamamahayag sa buong mundo. Mahigit isang dekada rin ang inabot bago nakamtam ng mga biktima ang hustisya.

Sa ilalim ng rehimeng Duterte, sunod-sunod din ang pag-atake sa midya sa iba’t ibang porma ng karahasan. Ilang buwan na ang nakaraan noong iligal na inaresto si Frenchie Mae Cumpio ng Eastern Vista ng gawa-gawang kaso. Ilang buwan na ring nasa ulo ng balita ang usapin ng prangkisa ng ABS-CBN na hanggang ngayon ay inaatake ng rehimeng Duterte, at kanina lang ay naglabas ng pahayag si Solicitor General Jose Calida hinggil sa pagtigil ng operasyon ng ABS-CBN. Marami pang mga direktang pag-atake sa midya katulad ng pagsunog ng printing press ng Abante, at pati na rin ng mga dyaryo ng Pinoy Weekly.

Bukod sa tahasang pag-atake ni Duterte sa mga mamamahayag sa pamamagitan ng pagbaluktot ng mga naratibo, nandyan din ang mga trolls at mga baseng operasyon para sa propaganda ng estado. Ginagamit ng rehimen ang iba’t ibang plataporma upang linlangin ang mga mamamayan sa pamamagitan ng disimpormasyon. Nandiyan din ang madugong crackdown ng estado pagdating sa mga kritiko ng administrasyon.

Sa ilalim ng Executive Order 70, sunod-sunod na red-tagging sa mga kritikal sa administrasyon ang binibira ng AFP-PNP. Sa ganitong taktika, nalalantad lamang ang pasismo ng estado.

Ang gampanin ng mga mamamahayag ay hindi matitigil kahit sa panahon ng krisis. Sa katotohanan, mas nagiging tanyag pa ang mandato ng mga mamamahayag sa panahon kung saan ang lipunan ay kumakaharap ng isang matinding balakid.

Sa hangad na mas lalong pagsilbihan ang mga mamamayan sa iba’t ibang paraan, lumahok si Anton Narciso III ng College Editors Guild of the Philippines at si Jim Bagano ng Philippine Collegian sa isang relief operation para sa mga mamamayan ng Quezon City. Sa halip na pagpugayan at suportahan, pinili ng kapulisan ang iligal na pag-aresto sa mga boluntir para sa relief operation. Malinaw ang kompromiso na ginagawa ng estado sa karapatang pantao ng bawat mamamayan.

Sa ganitong panahon, nararapat lamang na pandayin ang bawat sulat at balita upang pagsilbihan ang malawak na hanay ng mamamayan. Sa pagsasanaratibo ng mga karanasan ng masa, at sa pagbigwas sa mitong binubuo ng diktadura, nagagampanan ng mga manunulat ang diwa ng mga mapagpalaya.

Magsulat, maglingkod, magpalaya! [P]

 

0 comments on “Sa gampanin ng mapagpalayang midya

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: