Sa ibinabang hatol kina Maria Ressa at Reynaldo Santos, Jr. kahapon, ay maaaninag ang totoong kalagayan ng malayang pamamahayag sa Pilipinas, at kung paano napapahina ang lipunan sa kawalan nito. Ang guilty verdict kina Ressa at Santos ni Manila RTC Judge Rainelda Estacio Montesa sa salang cyberlibel ay mahalagang matalakay, dahil ito ang kauna-unahang kaso na nilitis sa ilalim ng Cybercrime Law. Sa pagiging kauna-unahan nito, ay marami rin itong kakabit na epekto sa hinaharap.
Maraming mga katanungan ukol sa legalidad ng nasabing hatol, at kung ito ba ay naaayon sa ating Saligang Batas. Una na rito ay kung dapat bang nilitis sina Ressa, Santos at ang Rappler dahil sa artikulong nailathala noong Mayo 2012, ukol sa di umano’y kaugnayan ng negosyanteng si Wilfredo Keng kay na-impeach na Chief Justice Renato Corona.
Matatandaang noong panahon na iyan ay wala pang Cybercrime Law, at napirmahan lamang itong batas noong Setyembre 2012. Hindi naman maaaring litisin sa ilalim ng isang kaso ang di umano’y krimen na nangyari bago maisabatas ito, ngunit ito ang nangyari kina Ressa at Santos.
Nahanapan ito ng argumento ng Department of Justice (DOJ). Isang typographical error ang binago ng Rappler sa nasabing artikulo noong 2014, kaya, ayon sa DOJ, ay ang nangyari ay isang “republication” — ibig sabihin, nailathala muli ang artikulo sa panahong batas na ang Cybercrime Law at maari nang litisin ang nasabing artikulo sa ilalim nito.
Isa pa, dahil tahimik ang Cybercrime Law kung hanggang kailan maaring magsampa ng reklamo sa ilalim nito, may mga katanungan rin kung legal bang maituturing ang naging reklamo ni Wilfredo Keng laban kina Ressa, Santos at sa Rappler noong 2017. Ayon kasi sa mga batas ukol sa libelo ay maaring magsampa ng reklamo hanggang isang taon mula sa pagkakalathala ng artikulo.
Sa kakulangang ito ng Cybercrime Law, kinatigan ng hukom ang naging pagtingin ng DOJ: ang Republic Act 3326 ang mangingibabaw. Ayon sa batas na ito, kung anim na taon o higit pa ang parusa sa isang krimen, maaring magsampa ng kaso hanggang labingdalawang taon mula sa panahon na pinangyarihan ng krimen.
Sa tingin ng marami, isang kabalintunaan kung maituturing ang naging hatol. Kahit mistulang ipinadaan ito sa legal na proseso, ay nakaangkla ito sa sala-salabit at kabula-bulalas na mga argumento. Matatandaan rin na ito ang nangyari sa ABS-CBN noong Mayo, kung kailan ginamit ang iba’t ibang mga batas upang mapatagal ang mga pagdinig sa prangkisa ng network, na nagresulta sa pagpapasara ng himpilan. Hindi lamang nalalagay sa peligro ang trabaho ang 11,000 mangagawang umaasa sa istasyon, kung kailan pinakakinakailangan nila ito, pati ay nawalan rin ng maaasahang tagapagpaabot ng balita at libangan sa milyon-milyong Pilipino.
Ang kasalukuyang kalunos-lunos na estado ng malayang pamamahayag sa Pilipinas ay isang resulta ng naging sistematikong hakbangin. Masasabi na inarmas ng hatol na ito sa Rappler, at ng mga legal na hakbang sa ABS-CBN at sa iba pang mga media outlets, ang mga batas upang magamit laban sa mga mamamahayag at upang mapatahimik ang mga kritikal na boses na nagmamanman sa mga kalabisan ng pamahalaan.
Nakakabit ang nangyaring hatol sa patuloy na mga hakbang ng pasistang pamahalaan na busalan ang mga karapatan ng mga mamamayan nito. Sa ganitong kalagayan, kahit na kahiwalay na sangay ang hudikatura, ay tila ba’y humihimig naman ito sa koro ng mga nasa ehekutibo at lehislatibo, na nais kitilin ang boses ng mga kritiko. Hindi na mapagkakatiwalaan na pansanggalang ang mga institusyong dapat ay pumoprotekta sa mga kalayaang ito.
Paulit-ulit nating ipagdidiinan na isang dagok sa ating karapatan sa malayang pamamahayag ang naging desisyon ng hukuman, ngunit dapat ring idiin na ang nasasalamin ng nasabing hatol ay ang kalikasan ng mga batas at institusyon: upang mapanatili ang mga pansariling interes ng mga nasa kapangyarihan, kung saan laging lugi at naaapi ang masa.
Ang pagpapatahimik ng mga himpilan ng midya ay isang hakbang sa nasabing pagpapanatili sa opresibong kalagayan ng lipunan, sa likod ng kunwa-kunwariang pagtalima sa mga batas na hindi pantay ang pagtingin sa hustisya. Susi para mapanatili ito ay ang siguruhing walang nagmamatiyag sa kanilang bawat kilos — ang papel na ginagampanan ng mga kritikal at mapagmatiyag na himpilan ng midya.
Delikado ito lalo na sa panahon ng pambansang krisis, gaya ng pandemya. Sa isa-isang pagpapatahimik ng mga himpilan ng balita, mas lalong nawawalan ng mga pagkukunan ng impormasyon ang mamamayan, na malaking tulong sa ating pakikipaglaban sa isang salot na hindi pa lubusang nakikilala.
Mas malaking gampanin ng midya sa ganitong krisis ay upang mabantayan ang bawat hakbang ng pamahalaan, kung sa interes ba ng mamamayan ang tinutunton ng mga hakbang nito sa pagsawata sa pandemya. At hindi masisigurong ito ang interes na kanilang minimithi. Sa militaristikong pagtugon ng gobyerno sa problemang dulot ng pandemya, hindi nito nasasawata ang problema lalo na kung ang mga hakbangin ay gaya ng kawalan ng mass testing, urong-sulong na quarantine, at hindi makataong pagpapatupad ng mga panununtunan sa quarantine.
Kasabay pa nito ang patuloy na pamamasista, sa pamamagitan ng patuloy na pag-atake sa mga progresibo at mga aktibista sa kanayunan at kalunsuran, at mga ganitong hakbangin laban sa mga alagad ng midya, at ang napipintong pagpasa ng Anti-Terrorism Bill, na paiigtingin lamang ang mga dagok na ito sa ating kalayaan. Sa huli’t huli, ang mga may kapangyarihan pa rin ang makikinabang.
Ang pinakanakakabahalang aspeto ng naging hatol ay kung kaya itong gawin ng pamahalaan sa mga malalaking kumpanya gaya ng ABS-CBN at ng Rappler, ay maaaring gamitin rin ito sa lumalawak na bilang ng mga mamamayang tumitindig laban sa mapang-aping rehimen. Matatandaan ang kaso ni Joshua Molo, ang patnugot ng UE Dawn, na pinagbantaan ring kasuhan ng cyberlibel dahil lamang sa pagbatikos nito sa social media ng naging pagtugon ng gobyerno sa pandemya.
Sa panahon ng kawalan ng kasiguraduhan, at sa mga panahon ng pambansang krisis, ay matatapatan lamang ito ng ating sama-samang pagkilos at pagpapanawagan para sa ating mga karapatan. Ang patuloy na pagtindig para sa malayang pamamahayag ay kinakailangan, ngunit hindi dapat mga kawani ng midya lamang ang nagpapanawagan nito. Mahalaga na kasama ang pagpapaigting ng lumalakas na boses ng malawak na hanay mamamayan upang maitaguyod ito.
Ang malaya at maaasahang mga himpilan ng midya ang sandigan ng isang lipunang gumagana mula sa masa, at gumagalaw kasama ang masa. Sa huli’t huli, kung maging matagumpay man ang pagpapatahimik sa mga boses ng midya, ang sambayanan ang tunay na magiging hukom na magtatanggol at lalaban para sa kanilang mga kalayaan at mga karapatan. [P]
Dibuho ni Aynrand Galicia
0 comments on “Sandatahang batas”