Culture

Kung paano nagiging Serbisyo sa Bayan ang pagpatay at karahasan

By Sophia Pugay

Matagal nang tumigil ang paghinga nina George Floyd at Kian de los Santos, ngunit ang pangalan at huling kataga nila ay nabubuhay pa rin sa mga placards at banners, sa mga panawagang humihingi ng hustisya. Bukod pa sa kanilang dalawa ay sina Brionna Taylor, Tony Macdade, Carl Arnaiz, mga pangalang hinalilihan na lamang ng mga numero’t statistika, at marami pang ibang hindi man lang naitala. Datapwat magkakaibang lugar at kultura ang pinagmulan, mayroon silang nagtutugmang katangian: lahat sila ay biktima ng mga kapulisan.

Kamakailan lamang ay naging matunog muli sa social media ang kampanyang #BlackLivesMatter, isang panawagan tungo sa pantay na karapatan para sa mga African-American. Hindi na lingid sa ating kaalaman na mayroong tinatawag na white supremacy, isang pagtingin na ang mga white o light-skinned races ay nakatataas sa ibang mga lahi na mula pa noon ay nakahabi na sa mapang-opresang sistema at pamamalakad ng Amerika. Kung kaya’t hanggang sa ngayon ay makikitang mababa parin ang tingin ng mga ito sa mga black at napakadali na lamang para sa kapulisan ng U.S. na bansagan silang kriminal dahil lamang sa kanilang lahi at kulay ng balat. Ito ay hindi nalalayo sa sarili nating bansa, kung saan habang naka-ilang lusot na sa kaso ang mga mayayaman at pulitiko ay napakabilis na lamang bansagang adik at nanlaban ang mga marginalized o mahihirap. Sa ilalim ng War on Drugs, ang mga salitang “iskwater” at “tambay” ay napapadalas nang itinutumbas sa salitang “kriminal”, na syang sinasamantala ng mga kapulisan upang gumawa ng karahasan at pumatay nang basta-basta. Sa pagkakapasa ng Anti-Terrorism Law ay maski ang mga “kritiko,” “progresibo,” at “aktibista” ay mababansagan nang mga “terorista” sa kanilang tumbasan ng salita.

Ang Kontrabida

Mapapansin sa mga nabanggit na tila ba ang gobyerno mismo ang nagkakabit ng pagiging kriminal sa pagiging black o/at mahirap. Kung susuriin ang kasaysayan, ang white supremacy ay naging resulta ng panunupil at pananamantala ng mga white upang matamasa nila ang kapangyarihan at pribilehiyo. Binansagan nilang mapanganib at bayolente ang mga African-American upang mabigyang rason ang patuloy na pag-oopresa nila sa mga ito. Umiral ito nang maraming taon at hanggang ngayon ay hindi ito maiwaksi sa kanilang sistema at sa gobyerno. Sa Pilipinas naman ay direktang nanggaling sa presidente ang utos na patayin ang mga adik sa kanto at ikulong ang mga tambay, na may pahiwatig na ang pinagmumulan ng krimen at gulo ay ang mga mahihirap.

Sa ganitong paraan ay gumagawa at napapanatili ng gobyerno ang mga masasamang nosyon ukol sa mga black o/at mahihirap na pinapaniwalaan naman ng mga mamamayan nito. Sa pag-bansag sa kanila bilang mga ”kontrabida” sa bayan ay napapanatili ang pribilehiyo ng mga white o/at mayayaman at nabibigyan pa ng karagdagang laya dahil nagiging katanggap-tanggap na mas pinag-iinitan at pinag-tutuunang pansin ng pulisya ang mga nasabing kontrabida. Ito ay sinasalamin ng kasalukuyang sistemang panghustisya kung saan kapag ang mga white o ang mga mayayaman sa Pilipinas ang pinaghihinalaan ay napakatagal ng proseso ngunit pagdating sa mga black o mga mahihirap na Pilipino ay walang paglilitis, marahas, at kadalasang napapatay kahit pa wala namang armas o basehan.

Trigger Happy

Bagamat pantay lamang ang crime rates sa pagitan ng mga black at white ay mas madalas na pinagdududahan ang mga black.  Si Tamir Rice, 12 anyos, ay pinagbabaril ng kapulisan ng US noong 2014 dahil lamang sa kanyang laruang baril. Si Breonna Taylor naman ay binarily ng walong beses habang natutulog sa sarili nyang pamamahay nang nagsagawa ang kapulisan ng no-knock raid. Si Michael Brown naman ay nakataas na ang kamay at sumusuko ngunit binarily parin ng anim na beses. Bukod pa rito ay maski mga white civilians ay iniisip na mayroon silang karapatan na magpataw ng batas sa mga black. Naglalakad lamang si Trayvon Martin, 15 anyos, pauwi matapos bumili ng skittles at iced tea nang sya ay barilin ng sibilyan sa kadahilanang mukha siyang kasuspe-suspetya.

Ganito rin ang sitwasyon sa Pilipinas, kung saan ang war on drugs ni Duterte ay tinatarget lamang ang mga mahihirap na “durugista” at nang lumaon ay kung sino man ang “manlalaban” sa mga pulisya.  Nagmamakaawa si Kean de los Santos bago sya kaladkarin ng pulis sa eskinita at binaril dahil di umano ay sangkot ang 17 anyos sa droga. Bumibili naman ng meryenda si Carl Arnaiz bago sya pagbabarilin at taniman ng marijuana at shabu.  Si Winston Ragos, ex-military at person with mental illness, ay binaril ng kapulisan dahil may huhugutin daw ito gngunit ang laman lang naman ng bag ni Ragos ay isang bote ng mineral water.

Sa pagkakaroon ng pagkiling at pagaantagonize sa mga black at marginalized ay nabibigyan ng laya ang mga kapulisan na gawin nalang kung anong “law enforcement” na kanilang nais, at magiging makatwiran ito dahil ang pinapatay naman nila ay ang mga masasama. Si Duterte pa nga mismo ang nag-uusig sa mga pulisya na barilin na lamang ang mga ito. Sa ganitong paraan, ang pagkitil ng buhay ay nagiging isang serbisyo sa bayan, pagprotekta sa mga may pribilehiyo habang ang mga black at mahihirap ang nakikita bilang common enemy.

The Purge

Lumalabas na ang ganitong klaseng law enforcement ay pagpapanatili ng kapayapaan at isang hakbang upang kontrolin ang pagdami ng krimen sa bayan ngunit ang katotohanan ay isa itong paraan upang kontrolin ang parte ng populasyon na hindi gusto ng gobyerno. Sa pamamagitan ng pagpatay at paghuli sa mga mahihirap at sa mga black American ay masasabi ng mga gobyernong ito na kumikilos sila laban sa krimen kahit na hindi naman mga kriminal ang kanilang sinusugpo. Ang sinusugpo nila ay ang parte ng lipunan na para sa kanila ay hindi kanais-nais.

Ang sobrang kapangyarihan na binigay sa kapulisan ang naging mitsa ng buhay ng mga taong walang hustisya ang pagkakamatay. Mga taong pinatay dahil sa kanilang kinabibilangang uri o lahi, at ang mga ignorante at panatiko ay pinapalakpakan pa ang mga karahasang ito. [P]

0 comments on “Kung paano nagiging Serbisyo sa Bayan ang pagpatay at karahasan

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: