“Ate, mahalaga ba ako sa’yo?” nag-aalalang tanong ni Thirdy sa kapatid na si Vicky, na seryosong sumasagot ng onlayn exam. Permanente nang nakapuwesto sa magkabilaang dulo ng hapag-kainan ang magkapatid, hindi na halos tinatanggal ang kanya-kanyang laptop, yellow pad, at bolpen na nakakalat sa lamesa.
“Ate. Mahalaga ba ako sa’yo?” ulit ni Thirdy. Matipid na “ewan ko sa’yo” na lang ang isinagot ng nakatatandang kapatid, at tinuloy ang pagsagot sa kanyang exam. Kinamot ni Thirdy ang ulo at padabog na pumunta sa nag-iisang kwarto ng kanilang apartment. Sa loob ng kwarto nakapwesto ang ina na si Leilani, na abalang-abala naman sa pagtuldok ng mga e-mail at text.
“Ma, mahal mo ba ako?”
Iniangat ng ina ang ulo mula sa cellphone, at tinignan ang bunsong anak na nakadungaw sa awang ng pintuan. Malaking bulas si Thirdy, matangkad para sa kanyang edad na kinse anyos. Kung apat na taon lang sana ang edad ni Thirdy, mabilis itong sasagutin ng ina ng, “oo naman, anak, mahal kita” pero alam ng ina na hindi na dapat kinukunsinti ang pangungulit ng anak.
“Tapos ka na ba mag-review?” Mga ilang buwan na ang nakalipas mula nang opisyal na nagsimula ang klase, at naghahanap pa rin ng bwelo ang ina kung paano gagabayan ang anak sa onlayn na pag-aaral. Mamayang hapon ay may webinar nanaman para sa mga magulang ng mga estudyanteng SPED, pero inisip ni Leilani na baka magbabasa nanaman lang ng PowerPoint ang instruktor, kaya ‘wag na lang. Para hindi na mangulit ang anak, inutusan na lang niya ito magsaing.
Dali-daling nilakad ni Thirdy ang maikling distansya mula sa kwarto patungo sa kusina. Binuksan niya ang bigasan, sinara, at binuksan ulit, bago itakal sa kaldero ang bigas. Gustong-gusto ni Thirdy na panoorin ang pag-alsa ng tubig kapag kumukulo, at sakto niyang iaangat ang takip ng kaldero bago pa man umapaw ang tubig. Naalala niya tuloy ang isusulat na report tungkol sa Ibong Adarna, at kung paano nagpupumilit si Don Pedro na siya na lang ang ibigin ni Prinsesa Leonora. Naisip ni Thirdy na kung sana ay sakto palagi ang pag-angat ni Don Pedro sa takip ng kaldero ay mamahalin rin siya ng Prinsesa.
Angat, sara, angat, sara, angat, sara. 1, 2, 3, 4, 5. 6. Sigurado si Thirdy na hangga’t sakto ang teknik, bilis at bilang, habang buhay siya mamahalin ng ina. Nasira lang ang pokus ni Thirdy nang bigla siyang tawagin ng kapatid, “Thirdy, pwede ba tumigil ka muna? Kita mong nag-eexam ako eh.”
—
Bata pa si Vicky ay mainitin na talaga ang ulo niya. Madalas si Vicky ang napapagalitan ng ina, at ilalalabas naman niya ang galit kay Thirdy, kahit na alam niyang kailangan ng matinding pagpapasensya ang kapatid. Hindi man niya aaminin sa sarili o sa ibang tao, pero siguradong walang tatanggap na trabaho kay Thirdy, kung meron man, ay hindi siya magtatagal. Paniwala si Vicky na siya lang ang maasahan ng ina. Kaya naman agad-agaran na nag-enroll si Vicky nung pasukan, bahala na iyang ‘no student left behind,’ na tingin ni Vicky ay isang kalokohan.
Hindi ba mapag-iiwanan lalo ang mga estudyante kung hindi sila pag-aaralin? Paano ang aming mga pangarap? Paano ang mga magulang at kapatid na umaasa sa kanilang mag-aaral? Sulat ni Vicky sa kanyang Facebook post na nagtamo ng 123 reacts at 21 shares, at ikinatuwa niyang may sumasang-ayon sa kaniya. Halos araw-araw niyang binabalikan ang post, hindi para tignan kung dumami ang bilang ng nag-react, pero sa pag-asa na may sasagot, kahit ano, sa mga tanong.
Ting, ting, ting, ting. Inuulit-ulit pa rin ni Thirdy ang pagsara-bukas ng kaldero. Pinapaspasan na ni Vicky ang pag-solve sa exam – isang numero na lang at matatapos na siya, at ilang minuto na lang bago ang oras ng deadline na 11:59 AM. Hindi muna niya papansinin ang kalampag ng kaldero at sira-ulong kapatid, ang mundo ay numero, at sa oras na iyun, ang pinaka-mahalagang numero ay ang sinasagutang exam ni Vicky.
Ting, ting, ting, ting! Natapos na sa pagsaing si Thirdy, at naipasa rin ni Vicky sa oras ang exam. Bumalik sa upuan si Thirdy sa harap ng ate na mangiyak-ngiyak sa ginhawa na nakaraos na siya sa unang exam ng semestre. Matuwid na nakaupo si Thirdy sa kayang upuan, tinitigan ang kapatid at tinanong, “ate, mahalaga ba ako sa’yo?”
0 comments on “Ang pinakamahalagang numero”