COVID-19 Watch Editorial

Higit na pasasalamat

Batid sa sa iba’t ibang plataporma ang ulan ng papuri at pasasalamat para sa mga frontliners. Nararapat lamang na pagpugayan ang mga manggagawang nakikipaglaban sa pandemya,  lalung-lalo na’t sila ay nakikipagsapalaran para sa bayan habang nasa harap ng peligro. Gayunpaman, hindi nagiging sapat ang pasasalamat kung natitigil lamang ito sa pagpupugay. Habang ang kondisyon ng paggawa ay nakatayo sa isang sistemang hindi makatarungan para sa manggagawa, ang pagsasapedestal ng pasasalamat nang hindi tumatanaw sa likod ng tanghalan ng serbisyo ay umaambag sa mito na sapat na ang pangkasulukuyang kalagayan.

Sa bisa ng Proclamation No. 976 ni Duterte, naproklama ang taong 2020 bilang taon ng mga Pilipinong manggagawang pangkalusugan. Ngunit sa likod ng nosyon ng pagpataas ng diwa, katulad ng diwa ng proklamasyon, ay matatagpuan ang nabuburang masukal na aspeto ng lipunang di nabibigyan karamtamang pansin- ang halaga ng karapatan at kondisyon ng mga manggagawa. Dito natin matatagpuan ang saligang mga pangangailangan na karaniwang di natatamasa ng iba’t ibang mga manggagawa. Ang tunay na pasasalamat para sa ating mga frontliners ay maihahatid sa porma ng pagpapanawagan para sa mas makataong kondisyon ng paggawa at pagbibigay ng garantiya sa nakakabuhay na sahod.

Sa sektor ng pangkalusugan, makikita kung paano naituturing ng mga nagdaan at pangkasulukuyang administrasyon ang mga manggagawa bilang kalakal. Bukod sa mababang sahod ng mga nars at iba pang mga manggagawang pangkalusugan, malinaw ang kawalan ng priyoridad sa pangkabuuang sistema ng serbisyong pangkalusugan ay naguudyok ng di kanais-nais na kondisyon ng paggawa. Ayon sa Kagawaran ng Paggawa at Empleyo (DOLE),  ang entry level na sahod ng isang rehistradong  nars sa Pilipinas ay tumataya sa halagang P8,000-P13,500 kada buwan. Ayon sa Ibon foundation, kailangan ng mga pamilyang may limang miyembro na nakatira sa National Capital Region (NCR) ng P23,660 kada buwan upang maabot ang minimum na pamantayan ng pamumuhay.

Nakakabahala ang ganitong datos, lalo na’t may pagmamaliit ang ilan sa administrasyon sa naturang propesyon. Isang repleksyon ng kulang na pagpahahalaga ng ehekutibo at ng mga mambabatas ang lumalalang kondisyon ng paggawa sa larangang pangkalusugan. Noong 2019, naitala na 1 pampublikong hospital kada 229,306 Pilipino ang mayroon ang bansa. Naitala rin noong 2017 na 90,308 lamang ang bilang ng nars sa bansa. Sa harap ng pandemya, at iba’t ibang mga sakit, bukod sa isyung pangkalusugan ng masa, ang mababang bilang ng serbisyong kayang matamasa ng mga Pilipino ay nangangahulugang labis-labis ang trabahong ginagaod ng mga manggagawang pangkalusugan dahil sa overload.

Marami ang pumipiling magtrabaho sa ibang bansa dahil sa kawalan ng oportunidad o nakakabuhay na kita sa Pilipinas. Maaring isa ring uma-ambag na dahil sa pag-alis ay ang di maayos na sistema ng serbisyong pangkalusugan sa Pilipinas. Sa ilalim ng pandemya, higit sa 290,000 ang kakulangan ng Pilipinas sa health care professionals ayon sa POEA. Umaambag din dito ang taunang pag-alis ng 13,000 na manggagawa. Makikita natin na, bago pa man magkaroon ng pandemya, dekada nang nakikipaglaban ang mga nars at iba’t ibang mga frontliners para sa mas mataas na sahod. Noong 2002, idineklera ng Korte Suprema, sa pamamagitan ng Nursing Act of 2002, na ang entry-level na sahod ng mga nars sa gobyerno ay dapat nagsisimula sa P32,053. Matatandaan din na hinarangan ng Solicitor General na si Jose Calida and petisyon para pataasin ang sahod ng mga nars sa Korte Suprema. Sa ilalim ng administrasyon, ang mga manggagawang pangkalusugan ay under paid, overworked, at under appreciated.

Bukod sa samu’t saring kontrobersiya ng korupsyon sa pamunuan ng Kagawaran ng Kalusugan (DOH, lantad din ang inutil na pamumuno sa kagawaran. Sa isyung pandemya, pinili ng kalihim ng DOH na si Dr. Francisco Duque III na unahin ang relasyon sa mga imperyalistang bansa sa pamamagitan ng di pagpapataw ng maagang travel ban. Ito ay malinaw na paglabag sa konstitusyon at pagtatraydor sa kapakanan ng Pilipino. Pinili rin ng administrasyong Duterte na kumuha ng suplay sa ibang bansa na may mas malaking halaga, bagama’t marami dito ay may depekto. Sa pamumuno ng DOH, kitang-kita ang mabagal na pag-usad ng akreditasyon at paglulunsad ng lokal na teknolohiya laban sa COVID-19. Noong mayo pa lamang ay lampas dalawang libo na ang positibo sa COVID-19 sa hanay ng mga manggagawang pangkalusugan. Marami ring mga beterano ang yumao sa simulain ng pandemya. Kalakhan ng mga ito ay dahil sa kapabayaan ng administrasyon.

Imbis na bigyang halaga ng administrasyon ang mga serbisyong nakakatugon sa mga batayang pangangailangan ng mga Pilipino, inuna nito ang band-aid solutions at militarisasyon. Ang mga health sector ang pangunahing mahihirapan sa palalang krisis ng pandemya, kung kaya’t ang di wastong pagtugon dito ang pangunahing umaambag sa pagpapahirap sakanila. Sa kawalan ng mass testing at sapat na economic relief, habang inaangat ang quarantine, lalong tumataas ang kaso ng COVID-19 sa bansa. Di nakakapagtaka ang ganitong kinahantungan ng sistemang pangkalusugan; bago pa man ng pandemya, neoliberal na ang patakaran sa kalusugan. Sa ilalim ng Universal Health Care Law, ang mga pribadong hospital ang mas nakikinabang sa tax at iba’t ibang pinanggagalingan ng pondo. Imbis na mas lalong bigyang pansin ang mga pampublikong hospital, naiipon ang pondo para sa ikayayaman ng iilan. Imbis na mas mataas na subsidy para sa mga manggagawa, matunding korupsyon sa hanay ng pamunuan ang kinahaharap ng sektor. Ngayon, sa panahon ng lumalalang krisis, imbis na pagtibayin ang sektor pangkalusugan, mas lalong pinalakas ng administrasyong Duterte ang hanay ng AFP-PNP sa pamamagitan ng Anti-Terror Law; sila rin ang binigyan ng otoridad bilang pangunahing pwersa ng administrasyon laban sa COVID-19 na isyung pangkalusugan.


Kinakailangan pagtataas ng sahod, upang maiwasan ang mga Pilipinong napipilitang pumunta sa ibang bansa para sa oportunidad. Kinakailangan din ang mas makamasang pundasyon ng pangangalaga sa kalusugan sa pagbibigay prayoridad sa pag-unlad ng mga serbisyong pangkalusugan. Sa PGH, kumakahog ang mga manggagawang pangkalusugan sa kawalan ng mga sapat na materyales. Makikita ang katulad na eksena sa iba’t ibang mga hospital na kulang sa badyet. Nanganganib din ang buhay ng marami sa mga manggagawang pangkalusugan dahil sa kawalan ng agarang aksyon mula sa pambansang pamunuan sa umpisa ng pandemya.

Di lang ang mga manggagawang pangkalusugan ang frontliners. Sa panahong walang pandemya, ang mga manggagawa’t mga tao sa likod ng pang-araw araw na mga serbisyo ang pangunahing gumagaod at nagtataguyod para sa lipunan. Sa simulain ng quarantine, sumailalim ang maraming manggagawa sa iskemang no work, no pay, at dahil dito, naging malawak ang pangangailangan sa ayuda at iba pang mga serbisyo mula sa pamahalaan. Ngunit makalipas ng mahigit isandaang araw ng quarantine, marami pa rin ang hindi nakakatanggap ng ayuda. Ang mga panukalang kumikitil sa kanilang kabuhayan ay siya ring nagsisilbi bilang kabaliktaran ng taos-pusong pasasalamat. Katulad ng pag-abandona ng administrasyon sa iba’t ibang mga manggagawa sa panahon ng pandemya, pilit din nitong pinapatay ang mga jeepney drivers sa pamamagitan ng jeepney modernization plan. Pinasara rin ng administrasyon ang ABS-CBN na nagsisilbi rin bilang mga frontliners sa pamamagitan ng paghahatid ng balita. Nandiyan din ang mga manggagawa na naghahatid ng mga pangaraw-araw na mga pangangailangan natin, ngunit union-busting at red-tagging ang natatanggap.

Bago pa man magkaroon ng pandemya, ginigipit na ng administrasyon ang mga manggagawa- talamak ang kontraktwalisasyon, at marami ang kumakayod sa ilalim ng di nakakabuhay na kita. Ang tunay na pasasalamat ay hindi nadadaan sa salita. Ang tunay na pasasalamat sa ating mga frontliners ay makikita sa pagbibigay ng hustisya sa paggawa- nakakabuhay na kita, maayos na sistema ng paggawa, at maka-masang pamamahala. [P]

UPLB Perspective is the official student publication of the University of the Philippines Los Baños, established in 1973. It is the first campus publication established under Martial Law in the Philippines.

1 comment on “Higit na pasasalamat

  1. Pingback: Higit na pasasalamat — UPLB Perspective | Mon site officiel / My official website

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: