Sa lipunang may monopolyo sa diskusyon ang mga may-edad na makapangyarihan, patuloy pa rin nilang pinagdududahan ang kakayahan nating mga kabataan. Patuloy ang ating pagtindig sa pagkakamit ng representasyon, sa pagpaparinig ng ating tinig, at paggigiit sa ating karapatan na upuan ang mga ika nga nila ay ‘usapang matanda’ na humuhubog sa ating lipunan.
Ngunit hindi tayo nagpalupig. Hindi tayo nanahimik. Likas na katangian ng kabataan ang kaniyang idealismo at militansya.
Kaya naman laksa-laksang tagumpay ang ating nakamit sa nakalipas na mga taon. Isa na nga dito ang pagkamit natin ng libreng edukasyon sa kolehiyo na bunga ng walang sawang panawagan at pakikibaka — sa lansangan man o sa parlyamentaryo — na ang edukasyon ay isang batayang karapatan. Hindi lamang mga taga-Unibersidad ng Pilipinas ang nakatamasa nito dahil ipinaglaban natin na ang sangkaestudyantehan sa lahat ng state universities at colleges sa bansa ay karapat-dapat lamang na mahandugan ng libre at dekalidad na edukasyon.
Unti-unti na ring naririnig ang panawagan ng sangkaestudyantehan pagdating sa polisiya ng mga pang-akademikong institusyon. Sa loob nga mismo ng Unibersidad ng Pilipinas Los Baños, kung saan patuloy pa rin ang mga anti-estudyanteng polisiya ng administrasyon ni Chancellor Fernando Sanchez, Jr., ang malawak na hanay ng mga lider-kabataan ang nagsisilbing check and balance sa inkompetensiya niya.
Sa usapin nga ng ginagawang panghahadlang ni Sanchez sa mga kaso ng Maximum Residency Rule (MRR) at readmission sa unibersidad, katuwang natin ang mga kabataang lider sa pakikipagdayalogo sa administrasyon. Sila rin ang matapang na bumarikada sa pintuan ng REDREC auditorium noong Pebrero 20, matapos subukan ni UP President Danilo Concepcion na lisanin ang dayalogo ng walang maayos at malinaw na kahihinatnan.
Sinasalamin nito ang kahalagahan ng mga lider-kabataan sa ating mga institusyon.
Nasaksihan din natin kamakailan kung paanong kolektibong tuminding ang mga student councils ng Unibersidad ng Pilipinas sa ginanap na emergency General Assembly of Student Councils (eGASC) na ipaglaban at depensahan ang batayang karapatan ng mga Pilipino sa kalusugan, kabuhayan, at edukasyon sa gitna ng pagbabanta ng coronavirus at umiigting na tiraniya ng pasistang administrasyon ni Pangulong Duterte.
Nakikita rin tayo sa mga istorya ng matatapang na campus journalists na patuloy ang pag-uulat at pangangalap ng balita — bilang alternatibong pahayagang pangmasa — sa gitna ng isang pandemya at pagsasara ng ABS-CBN, na nagsisilbi sanang pinakamalawak na tagapaghatid ng balita.
Nakikita rin tayo sa mukha ng malawak na hanay ng mga kabataang aktibistang patuloy ang paglulunsad ng mga kilos-protesta upang maipadala sa lansangan ang kanilang panawagan, kahit pa man binabantaan tayo ng Anti-Terrorism Law at walang habas na red-tagging gawa ng basbas ni Duterte sa mga puwersa ng estado.
Katulong din tayo sa pag-oorganisa ng mga pesante at marhinalisadong sektor tulad na lamang ng mga jeepney drivers na pinagkaitan ng kabuhayan dala na lamang ng pandemya at anti-mahirap na jeepney modernization program na inilatag ng administrasyon.
Salungat sa suhestiyon ng mga pasistang militar — na kinamumuhian ang mga kabataang aktibista — na mag-pokus na lamang daw tayo sa ating pag-aaral, dahil tayo ay “bata pa” at “wala pang alam,” hindi natitinag sa ganitong pangmamaliit at intimidasyon ang kabataang makabayan.
Bagkus, lalo lamang aalab ang ating mga damdamin upang maglunsad ng kolektibong tugon at mag-organisa — kahit man tayo ay mula sa iba’t ibang landas ng buhay.
Dahil iisa nga lang talaga ang kapalaran nating mga kabataan saan mang sulok ng mundo. Kaisa ng mga militanteng kabataan ng Hong Kong, Amerika, Beirut, at Thailand na ipinaglalaban din na makapagtamo ng demokrasya, mapanagot ang mga nakatataas, at wakasan ang pasismo ng kani-kanilang gobyerno, sinasagot din nating mga kabataang Pilipino ang hamon ng ating panahon.
Maniningil din tayo ng pananagutan sa mga korap at inkompetenteng opisyal ng gobyerno na piniling pagsilbihan ang pansariling interes at interes ng naghaharing uri. Babalikan natin ang mga kongresistang gumiba sa ating demokrasya at malayang pamamahayag.
Sa panahong ito, mapagtatanto ng maniniil — at ng kaniyang bayan — na may lugar tayong mga kabataan sa lipunan; na hindi batayan ang murang edad upang limitahan nila kung ano lamang ang kaya natin gawin.
Hindi tayo matatakot. Hindi tayo matitinag. Wala tayong sasantuhin. Dahil ito ang kapalaran natin. [P]
Retrato mula kay JL Javier
0 comments on “Nasa palad ng kabataan ang rebolusyon”