Editorial Opinion

Hindi isasatelebisyon ang rebolusyon

Sa ika-48 na taong pag-alala sa paglantad ng diktadurang Marcos, bakas pa rin ang sa mukha ng masang Pilipino ang kadilimang dala ng Batas Militar, panahon na kung saan ang mga mamamayan ay naging bihag ng mapagsamantalang estado. Ginawang panakot ang selda at itinuturing na malaking kasalanan ang pagpuna. Rinig ang hikbi mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan, manipestasyon ng pagsikil ng estado sa demokratikong espasyo. Nagkaroon ng monopolyo ng kapangyarihan dahil sa kaakibat na militaristang pamamalakad at naghirap ang mga Pilipino dahil sa rehimeng tadtad ng korupsyon, pasismo at abuso. 

Batid nating lahat ang marahas at hindi makatarungang pamamalakad noong panahon ng Batas Militar. Kaliwa’t kanan ang paglabag sa karapatang pantao, di-makatwirang pag-aresto, desaparecidos, at extrajudicial killings. Naging biktima nito ang napakaraming sektor ng lipunan tulad ng mga kababaihan, kabataan, magbubukid, manggagawa, katutubo kabilang na ang mga mamamahayag.  Namulat sila sa katiwalian at sinikap na baguhin ang sistemang bumabalakid sa adhikain ng nakararami dahil sa paglilingkod sa interes ng mga panginoong maylupa, kumprador-burgesya, oligarkiya, at dayuhang imperyalistang patuloy na hinuhuthot ang yaman ng bayan.

Hindi makakaila ang naging kontribusyon ng pamamahayag bilang isang pwersang nagmulat, nag-ulat at nagbunyag ng naaagnas na pamahalaan. 

Kailanman, sa politikal na klima ng ating bansa, mayroong pangamba bilang isang mamamahayag ng bayan. Kinikilala bilang ikaapat na estado, maraming pagsubok ang dinanas at dinaranas ng tumatahak ng ganitong pamumuhay. Kalakip ng responsibilidad nito ang pagharap sa iba’t ibang panganib tulad ng pananakot, arbitraryong pag-aresto, pag-censor, at tahasang represyon mula sa mga naghaharing-uri o di kaya’y mga taong gobyerno mismo.

Noong idineklara ang Martial Law taong 1972, ipinasara ni Marcos ang mga pahayagan, pati istasyon ng TV at radyo, ngunit walang takot na sumama ang mga mamamahayag sa mga pagkilos sa pagsusumikap na panatilihin ang demokrasya at malayang pamamahayag, at patuloy na nakibaka upang makamit ang kalayaan.

Ginugunita natin ang naging papel ng pangunahing media at mosquito press na walang alinlangang naglingkod kabilang na sina Ditto Sarmiento, Teray Kintanar, Joaquin Roces, Jacobo Amatong, Soc Rodrigo, Estelita Juco, Leticia Ladlad at Cristina Catalla, ilan sa mga mamamahayag na sumulat laban sa pasistang rehimeng Marcos. 

“Kung ‘di tayo kikibo, sino ang kikibo? Kung ‘di tayo kikilos, sino ang kikilos? Kung hindi ngayon, kailan pa?” — iyan ang mga katagang binitawan ni Sarmiento, editor ng Philippine Collegian noong kasagsagan ng Batas Militar, bago siya ipakulong sa salang “rumor mongering and printing and circulation of leaflets and propaganda materials.” 

Si Teray ay nagsilbing editor-in-chief ng Varsitarian, opisyal na pahayagan ng Mindanao State University. Napilitan siyang lumisan sa kanyang trabaho dahil sa kompromiso ng kanyang seguridad dulot ng Batas Militar. Nakasakay siya sa MV Cassandra noong lumubog ito taong 1983 pero hindi na kailanman nakita ang kanyang bangkay.

Mula sa Kolehiyo ng Agrikultura ng Unibersidad ng Pilipinas si Catalla, siya’y nagsilbing editor ng Aggie Green and Gold, hinalinhan ng UPLB Perspective. Nakilahok at nag-organisa siya ng mga kilos-protesta pati na rin ng mga talakayang pang-edukasyon sa Timog Katagalugan. Isa siya sa mga desaparecidos na tinaguriang Southern Tagalog 10 na nawala noong 1977 kasama sina Rizalina Ilagan at Jessica Sales.

Hindi lamang mga mamamahayag kundi pati ang mga minorya ay nalalagay sa panganib. Ayon sa Task Force Detainees of the Philippines (TFDP), halos kalahati ng mga kaso sa paglabag sa karapatang pantao noong Batas Militar ay mula sa kapuluan ng Mindanao; karamihan sa mga naging biktima’y galing sa hanay ng mga kabataan.

Bakas sa kasalukuyang administrasyon ang pagkakahawig ng pamamalakad nito sa diktadurang Marcos. Patuloy ang pagpapatahimik sa mga boses na kumekwestiyon sa kamalian ng gobyerno at sa masang nagsisilbing tagapagbantay sa lumalaganap na opresyon. Takot ang mga pinunong ito kaya sila’y nagpapatupad ng mga represibong polisiya na nanunupil ng mga progresibong indibidwal. 

Kasalukuyang lugmok ang kalagayan ng bansa dahil sa pandemya ngunit niratsada pa ang pagpapasara sa ABS-CBN, ang pinakamalaking midya outlet sa Pilipinas; nananatili ang Pilipinas bilang isa sa mga pinaka-mapanganib na bansa para sa midya sa Asya-Pasipiko. Noong 2019, pinangalanan ang Pilipinas bilang “fifth deadliest country for journalists” dahil na rin sa mga masalimuot na pangyayari tulad ng Maguindanao massacre, tahasang red-tagging, banta sa buhay, at atake sa kalayaan sa pamamahayag. Kamakailan lamang ay pinaslang si Jobert Bercasio, isang radio reporter mula sa Sorsogon. 

Wala tayong maaasahan sa isang pangulong pinili na pagpugayan ang isang diktador. Isang pangulong inabandona ang kaniyang tungkilin at inuna ang kanyang mga personal na interes gayundin ang sa mga dayuhan; isang indibidwal na takot sa kakayahan ng sambayanan kaya piniling magtago sa likod ng imaheng machismo; isang pinunong maitim ang dugo na gumagamit ng dahas militar upang harangan ang karapatang sibil.

Nag-aalimpuyo ang masa, repleksyon ng patuloy na represyon, kalupitan at pagmamaltrato sa sambayanan. Niyuyurak ang karapatang pantao ng mga mamamayan at tinatapakan ang sino man na humadlang sa kanilang minamandatong pasismo. Hindi hihilom ang sugat ng lipunan habang luha’y patuloy na dumadanak, minsa’y tubig, minsa’y dugo. Hindi titigil ang pagkatok sa konsensya ng mga mandarambong at mga naghaharing-uri habang puno ng alimuom ang paligid at patuloy na umaalingawngaw ang mga naratibo ng api.

Mismong estado na ang nagtutulak na burahin ang kasaysayan upang mapagtakpan ang mga naging kasalanan. Ngunit hindi natin dapat ibaon sa limot ang madilim na karanasan. Hangga’t sa makamtan natin ang hustisya at  mapanagot ang mga indibidwal na nagkasala sa taumbayan, atin silang singilin at ating ipahayag ang ating mga pasubali. 

Ang rebolusyon ay hindi isasatelebisyon. Panahon na para ang masa ay tumugon sa pagbuwag ng estadong puno ng kasinungalingan at panlilinlang. Hindi pa tapos ang rebolusyon habang nananatili ang pag-iral ng ganitong sistema na nagsilang ng ilang dekadang suliranin para sa bayan. Huwag nating itigil ang pagsulat para sa katotohanan at ang paglaban upang mapatalsik ang diktador na naluklok ngayon sa kanyang posisyon. Higit sa lahat, sikaping maipasa sa mga susunod na salinlahi ang alaala ng madilim na nakaraan upang makamtan ang minimithing tunay na demokrasya at kalayaan. [P]

Litrato mula CNN Philippines

0 comments on “Hindi isasatelebisyon ang rebolusyon

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: