News Southern Tagalog

1000 pamilya sa Baseco, nangangambang mawalan ng tirahan

“Naglalako ako sa barangay namin. Minsan sumasama din ako sa tito ko kapag namimingwit siya sa dulo. Marami. Marami kasi talaga ditong opportunity. Alam naman natin na mahirap maghanap ng trabaho sa labas. Pero kung dito lang sa community, madaling makahanap ng pera kung talagang masipag ka nga lang.” 

Isa lamang ang pamilya ni Berla Orit ng Baseco Seaside Neighborhood Association (BASA) sa isang libong pamilya na nakatira sa tabing-dagat ng Baseco sa Tondo, Maynila na nangangamba na sila’y paaalisin na sa kanilang tirahan sa kasagsagan ng pagpapatupad ng mga proyekto para sa rehabilitasyon ng Manila Bay.

Ito ay dahil umano sa binabalak ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na 20 metrong easement o hingahan ng tubig. Kapag naipatupad ito, mapipilitang umalis ang mga residenteng nasasakupan ng 20 metrong layo mula sa dagat. 

Kapag naipatupad ito, hindi lamang tirahan ang mawawala sa kanila, kundi pati na rin ang kanilang mga hanapbuhay. 

Matagal na naging pangunahing pinagkukunan ng hanapbuhay ng mga residente ang pangingisda. Maliban dito, marami ring iba pang klase ng trabaho ang sinubukan ng mga residente. 

Komunidad ng Baseco

Dahil ang Baseco ay isang sakay lamang mula sa Divisoria at malapit lang din sa sakayan ng iba’t ibang mga ruta ng jeep, marami na rin sa kanila ang namamasukan sa Divisoria o ‘di kaya’y bumibili nang bultuhan para sa kanilang online shop. Ang iba naman sa kanila ay nagtatrabaho sa construction, bilang tricycle o pedicab driver, o bilang kargador ng mga gulay. 

Ayon sa pangulo ng BASA at pinuno ng Urban Poor Associates (UPA) na si Regine Nequia, karaniwan ay 150 hanggang 300 piso ang kanilang kinikita sa isang araw. Bagamat mahirap kumita ng pera sa lungsod, malaking tulong ang dagat ng Baseco upang mairaos ang kanilang gutom. 

“Kung naririto po kayo, ‘di kayo magugutom kasi marami pong puwede maging diskarte tulad po [ng] ‘pag walang ulam, mangawil ka lang o manisid ng tahong ay may ulam ka na, ” sabi ni Nequia. 

Noon pa man ay nakakatanggap na ng banta ang mga residente na sila ay paaalisin sa kanilang mga tirahan. Ngunit, ayon kay Orit, bago nabuo ang organisasyon ng mga residente na BASA noong 2019, hindi sila gaanong mulat sa kanilang mga karapatan bilang mga residente.

Nabuo ang BASA bilang tugon sa biglaang pagsusukat ng DENR sa kanilang komunidad sa Baseco para sa 20 metrong easement. Simula noon ay mas naging organisado na ang mga aktibidad ng mga residente. 

“Kasi dati naman, ‘pag sinasabing paaalisin, [ang naiisip namin ay] ‘wala naman kaming magagawa.’ So parang ganoon na nga kasi yung mindset ng mga maliliit na tao. [Iniisip namin] ‘kasi sa gobyerno nga naman ito,’” paliwanag ni Orit.

Dagdag din ni Orit na sa tulong ng UPA at sa kanilang pag-oorganisa, nabuhayan ng loob ang mga residente upang makapagsalita at marinig silang “mga maliliit.”

“Siguro naman sa tinagal-tagal ng paninirahan namin dito at lahat naman po kami ay rehistrado, siguro naman may karapatan naman din po kami na isali nila sa proyekto or sa pagsasaayos nila na hindi kami pinapalabas ng Baseco,” giit ni Orit.

Mga marka na nagpapakita kung saan maaring gawin ang easement.
Mga litrato mula kay Regine Nequia

Pagbibigay daan

Ayon sa BASA, mahigit isang taon nang pinaplano ng DENR ang naturang pagpapatupad ng 20 metrong easement

Ayon sa mga residente, kaduda-duda raw ang ipinapanukala ng DENR na 20 metrong hingahan ng tubig, lalo na dahil nakasaad sa Artikulo 51 ng Presidential Decree No. 1067, s. 1976 o ang Water Code of the Philippines na tatlong metrong easement lamang ang kinakailangang ipatupad para sa mga urban na komunidad.

The banks of rivers and streams and the shores of the seas and lakes throughout their entire length and within a zone of three (3) meters in urban areas, twenty (20) meters in agricultural areas and forty (40) meters in forest areas, along their margins, are subject to easement of public use in the interest of recreation, navigation, floatage, fishing and salvage,” nakasaad sa Water Code.

Noong humingi ng paliwanag ang BASA sa DENR ukol sa easement, inilahad ng DENR na balak umanong gawing daanan ng mga truck ang nasabing 20 metro, bagamat wala pang opisyal na anunsyo ang gobyerno tungkol sa nasabing proyekto.

Ayon kaya Nequia, kahina-hinala na ipinipilit ng DENR ang pagpapanukala ng 20-metrong easement samantalang maraming mga tao ang maapektuhan nito.

“Bakit kailangan ng 20-meter easement, na hingahan ng tubig, samantalang may mga residenteng nakatira sa 20 meters na iyon? At isa sa mga tinuturo sa amin ay ang easement sa batas ay nasa 3 meters lang kapag sa urban areas. Malaking tanong din po sa amin iyon,” sabi ni Nequia.

Walang malinaw na komunikasyon 

Ayon kay Nequia, kalimitan ay hindi ipinapaalam nang maayos sa mga residente ang mga plano ng pamahalaan para sa paglilinis ng Manila Bay, kung kaya’t natatakot sila na isang araw ay bigla na lamang silang paaalisin.

“‘Yung white sand nga po na wala naman po sa pinakaplano talaga nila, o wala naman doon sa phases ng rehabilitation is pinatupad nila o pinipilit nila. Paano na kaya ‘yung sinasabi nilang relokasyon na hanggang ngayon ay hindi pa nga sila nakikipag-usap sa amin?,” batid ni Nequia.

Nangangamba rin ang mga residente na maaaring hindi kumpletong impormasyon ang inilalahad sa kanila ng DENR. 

“Sa ganoong kalapad, 20 meters talaga para daanan ng truck, anong klaseng truck po ba yun? Hindi po ba sa likod noon may ibang proyekto na hindi po ino-open sa amin na kaming maliliit na tao?” Sabi ni Orit. 

Hanggang ngayon, wala pa ring pahayag ang DENR ukol sa magiging relokasyon ng mga residente. Ni hindi raw nila alam kung kailan o saan sila palilipatin.

“Ang alam lang po namin ay ire-relocate po kami. Pero hindi po namin alam kung kailan kami papalipatin, at kung saan kami pupunta,” sabi ni Nequia.

Ayon kay Nequia, nalaman lamang umano ng mga residente na may balak pala ang DENR na palipatin sila mula sa talumpati ng kalihim ng DENR na si Roy Cimatu sa anibersaryo ng rehabilitasyon ng Manila Bay, na tinatawag ding “Battle for Manila Bay,” noong Enero 26, 2020. Bago iyon, hindi umano sila nagkaroon ng maayos na diyalogo kasama ang DENR.

Bukod dito, noong Enero 2019 ay may bigla na lamang umanong dumating na empleyado ng DENR sa Baseco, at bigla na lamang sinusukat at minamarkahan ang lupang kinatitirikan ng mga tirahan ng mga residente. Hindi raw malinaw na ipinaliwang sa kanila ang dahilan ng pagsusukat.

“Noong nangyari po iyon, kinabahan kami kasi, bakit sila nagsusukat? Noong tinanong namin ang staff na nagsusukat, ang sinagot sa amin ay ‘itanong niyo doon sa barangay.’ Parang wala po silang maayos na sagot sa amin. Ganoon po ang [komunikasyon] namin sa DENR,” sabi ni Nequia.

Kung hindi pa umano nilapitan ng BASA mismo ang opisina ng DENR at humingi ng paliwanag tungkol sa nangyaring pagsusukat, hindi nila malalaman na magkakaroon pala ng 20 metrong easement sa kanilang lugar.

Pinaliwanag ni Orit ang malaking kawalan na mararanasan nila kapag sila’y pinaalis.

“May sinasabi silang relocation sa Cavite. Ano po bang maging hanapbuhay namin doon? Andami pong malapit sa’min dito. Lahat ng kailangan namin, lalakarin nalang namin. Eh ‘pag doon po, mag-aadjust pa po kami tapos, panigurado, hindi naman agad-agad may trabaho,” pahayag ni Orit.

Mga residente ng Baseco sa isang pagpupulong.
Litrato mula kay Regine Nequia

Plano ng mga residente para sa komunidad

Bagaman tinututulan ng BASA ang pagpapatupad ng 20-metrong hingahan ng tubig, nilinaw nila na hindi nila tinututulan ang pagkakaroon ng tatlong-metrong easement sa tabing-dagat ng Baseco, dahil ito naman ang nakasaad sa batas.

“Ang balak po namin is ibibigay po namin yung 3 meters at idedevelop nalang po sana yung natitirang 17. Gawin nalang po sana iyong pabahay para sa amin para hindi na po kami lalayo,” paliwanag ni Nequia.

Ipinapangako rin ng mga residente at miyembro ng BASA na makikipagtulungan sila sa gobyerno upang panatilihin ang kalinisan ng dagat.

“Yung 3 meters, aalagaan po namin iyong lugar kasi andiyan lang po kami. Pwede naming masita yung mga nagtatapon ng basura sa dagat. ‘Yung pwesto namin ay pwedeng taniman. Magiging mas maayos po yung lugar kasi mayroon pong mangangalaga, kaysa naman po ilipat kami sa malayo,” ani Nequia.

Ipinanawagan ng BASA na hayaan sila ng gobyerno na tuluyang tumira sa Baseco, sapagkat narito ang kanilang buhay.

“Kung sakaling magkakaroon po ng relokasyon, huwag po sana kaming itatapon sa malayo. Dito lang po kami sa Baseco or dito lang sa Maynila kasi naririto po ang buhay namin. Sa mga mangingisda ay nasa dagat, ang iba naman po sa Divisoria namamasukan, ang hirap naman po kung ilalayo po kami,” paliwanag ni Nequia.

Kasalukuyan ding nag-iipon ang mga miyembro ng BASA upang matustusan nila ang gastusin sa pabahay kung sakaling tuluyan na silang palilipatin.

“Kasi sinasabi naman [ng gobyerno] lagi na ‘hindi libre iyan. May bayad iyan.’ So kami, ang masasabi naman namin sa gobyerno ay hindi naman po kami nagpapalibre. Nag-iipon din naman po kami para doon. Hindi naman po kami nagiging pabigat. Gusto din naman po naming makatulong sa gobyerno sa paraan na alam namin,” paliwanag ni Orit.

Mga agam-agam tungkol sa rehabilitasyon

Ipinahayag ni Nequia ang takot ng mga residente na baka sa kanila isisi ang natunghayang pagkamatay ng maraming mga isda malapit sa Baseco noong Setyembre 17, at maging dahilan pa ito ng tuluyang pagpapaalis sa kanila. 

Mariin namang itinanggi ng pangalawang kalihim ng DENR na si Benny Antiporda na may kinalaman ang programa para sa “beach nourishment” ng Manila Bay sa insidenteng ito lalo na dahil may limang kilometrong layo mula sa naturang “beach nourishment site” at sa Baseco.

Dagdag ni Antiporda, tinitingnan din nila ang posibilidad na baka nilikha ang insidenteng ito upang masabotahe ang proyekto ng pamahalaan para sa rehabilitasyon ng Manila Bay. 

Ngunit ayon kay Fernando Hicap, chairperson ng grupo ng mga mangingisda na PAMALAKAYA-Pilipinas, hindi posible na mamatay ang ganoon karaming isda dahil sa iilang dinamita o iilang galon ng cyanide lamang.

“Kailangan mo ng maraming dinamita para makapatay nang ganyan karami. At kung gagamitan mo ng cyanide iyan, hindi pwedeng isang gallon ng cyanide lang iyan para pumatay ka nang ganoon karami. Kailangan [ilang truck] ng cyanide yung ibubuhos mo sa Manila Bay para pumatay ka nang ganoon karami,” sabi ni Hicap. Dagdag pa niya, iresponsable ang naging pahayag ng DENR ukol sa insidente. 

Kamakailan ay inulan ng batikos ang programa ng DENR para sa rehabilitasyon ng Manila Bay matapos tambakan ng artipisyal na buhangin na gawa sa dolomite ang lugar.

Hinihiling din ng PAMALAKAYA-Pilipinas na sana ay mas pagtuunan ng pansin ng gobyerno ang mga pangmatagalang mga solusyon sa paglilinis ng Manila Bay. 

“Pinapanawagan din namin na itigil ang anumang reklamasyon. Ang kailangan natin is sustainable na pangisdaan para sa interes ng mga mangingisda at mga mamamayang Pilipino,” sabi ni Hicap. [P]

Litrato mula kay Juan Sebastian Evangelista

3 comments on “1000 pamilya sa Baseco, nangangambang mawalan ng tirahan

  1. Pingback: Fishers’ call: ban Parlade from Cavite – UPLB Perspective

  2. Pingback: Cavite groups protest development aggression, Bacoor LGU no show in dialogue – UPLB Perspective

  3. Pingback: The year fascists fall – UPLB Perspective

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: