“Ang laban na ito ay laban ng mamamayan.”
Hinihimok ni Mody Floranda, pambansang pangulo ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) ang mga mamamayan na mas paigtingin pa ang panawagan para sa pagbabalik pasada ng mga jeepney sa bansa. Ito ay matapos hulihin si Ramon Rescovilla, pambansang bise presidente ng PISTON, dahil sa di umano’t gawa-gawang kaso.
Ayon kay Floranda, bukod sa humigit-kumulang 800,000 na jeepney drayber at operator na nanganganib na mawalan ng trabaho dahil sa jeepney phaseout, pangalawa sa tatamaan ang mga ‘ordinaryong’ komuter.
“‘Yung pangalawang tatamaan nito ay ‘yung mamamayan— ‘yung mga ordinaryong manggagawa, mga ordinaryong empleyado, [at] mga ordinaryong mag-aaral na walang kapasidad na magkaroon ng sariling sasakyan sapagkat kagyat na epekto nito ay ‘yung mataas ng pamasahe e hindi naman tumataas ‘yung sahod ng mga manggagawa,” aniya.
Matapos payagan nang magpatuloy ang operasyon ng iba’t ibang establisyimento sa NCR, nagsiksikan ang mga commuter sa mga pampublikong transportasyon dahil sa kakulangan ng mga jeepney, UV Express vans, at ilang pampublikong bus.
Sa ngayon ay nasa 206 na ruta ng mga jeepney at nasa 17,327 na unit ng jeepney mula kabuuang bilang na 579 ruta at 74,000 na unit pa lang ang nakabalik sa pasada sa National Capital Region (NCR), ayon kay Floranda.
Ayon sa Department of Transportation (DOTr) sa isang ulat mula sa Inquirer, hindi pinayagan ang mga jeepney na pumasada sapagkat hindi raw ligtas gamitin ng mga commuter ang mga ito.
Mula sa tinatawag na “hierarchy of transport modalities,” ipinaliwanag ng kalihim ng transportasyon na si Arthur Tugade na nasa kailaliman ng herarkiya ang mga jeepney dahil sa kawalan ng social distancing at hindi ligtas na pagpapatakbo.
Gayunpaman, ipinahayag ng ekonomiyang think tank IBON Foundation na mas ligtas na gamitin ang mga tradisyunal na jeepney kaysa modern jeepney dahil mas madali daw kumalat ang virus sa mga kulong at naka-airconditioner na sasakyan.
Kalagayan ng mga jeepney drayber
Dahil sa kawalan ng hanap-buhay, napilitang manlimos sa lansangan ang ilang jeepney drayber na hindi nakakapasada upang matugunan ang pang-araw-araw na kakainin ng kanilang pamilya. Nakikisama din sa mga kilos protesta ang mga drayber, tulad ng naganap noong ika-24 ng Agosto, na kung saan naki-isa sila sa isang “noise barrage” daan ng Bacoor at Zapote upang matupad ang balik pasada.
“Namamalimos nalang po kami dahil walang pasada ngayon, wala akong maipapakain sa aking pamilya. Hindi naman kami nanghaharas ng mga tao para magbigay sila, tinatanggap namin ‘pag may nagbibigay kahit pabarya barya ay malaking tulong na sa amin ngayon,” ani Felix Bayala, 50 taon nang jeepney drayber, sa isang Facebook post.
Ganito rin ang sitwasyon ni Ferdie Caligayan, jeepney drayber sa Diliman, Quezon City, kung saan tig-22 piso lang ang naging hatian sa P317 na nalimos ng kanilang grupo, sapat lang para sa isang sardinas na uulamin ng pamilya sa maghapon.
“Mabuti nang manlimos kaysa gumawa ng masama. Gustuhin ko man pong maghanap ng ibang trabaho e ang hinahanap po na requirements sa ibang trabaho ngayon ay rapid test o swab test na wala po akong pambayad,” sambit ni Caligayan sa isang ulat ng News5.
Sa kabila ng pagiging isa sa pinaka-apektadong sektor dahil sa pandemya, isiniwalat ni Floranda na hanggang ngayon ay walang natatanggap na ayuda at suporta ang sektor ng transportasyon mula sa pamahalaan.
“Masakit tingnan na ‘yung aming kapatid sa hanapbuhay ay namamalimos at ‘yung iba ay nangangalakal para maibsan ‘yung kumakalam na sikmura ng kanilang mga pamilya. Kaya’t tayo ay tuloy-tuloy na tumutulong pero syempre kapos at kapos ‘yung ating naibibigay na tulong,” aniya.
Atake sa mga drayber
Samantala, sa halip na tugunan ang hinihinging tulong ng mga drayber, hinuhuli ng mga pulis at sinasampahan ng mga gawa-gawang kaso ang mga nananawagan para sa balik-pasada ng mga jeepney.
Anim na miyembro ng PISTON ang hinuli ng kapulisan sa isang rally sa Caloocan noong ika-2 ng Hulyo dahil sa paglabag umano sa healthcare protocol kahit na nakasuot ng face mask at may physical distancing ang grupo. Kalaunan, dalawa sa PISTON 6 ang nagpositive sa COVID-19.
Noong ika-limang State of the Nation Address (SONA) naman ni Pangulong Rodrigo Duterte, pinigilan ng mga pulis ang limang miyembro ng PISTON at iligal na inaresto sa daan papuntang UP Diliman dahil sa balak ng grupo na makiisa sa kilos-protesta.
Matapos hulihin dahil sa gawa-gawang kaso nitong ika-7 ng Setyembre, hinuli naman si Ramon Rescovilla, siya din bilang tagapagsalita ng Concerned Drivers and Operators for Reforms (CONDOR)-PISTON Bicol, dahil sa sinasabing gawa-gawang kaso ng pagpatay at pagdadala ng iligal na armas.
Ayon sa Facebook post ng Legazpi City Police Station, may kaso umano si Rescovilla na Murder Case with CC No. 2020-3833 at lumabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Republic Act 9516 o Illegal/Unlawful Possession, Manufacture, Dealing In, Acquisition Or Disposition Of Firearms, Ammunition Or Explosives.
Gayunpaman, iniulat ng Philippine Collegian na katulad ng paraan ng pagkakahuli kay Nelsy Rodriguez, tagapangulo ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) Camarines Sur, gumamit ng warrant of arrest sa kasong pagpatay, na inisyu noong Hulyo pa, ang mga pulis upang bigyang katwiran ang paghuli kay Rescovilla. Iginiit din ni Rescovilla na isinakbit lang sa kanya ang sinasabing bag na may lamang armas noong siya ay hinuli.
Dalawang araw bago hulihin si Rescovilla, pinasok ng walong nakasibilyang pulis ang opisina ni Rodriguez sa Bagumbayan Sur, Naga City upang siya ay hulihiin dahil din sa gawa-gawang kaso ng pagpatay.
Makalipas ang ilang araw, inilipat sa Labo, Camarines Norte si Rescovilla matapos umanong makaranas ng pambubugbog sa Daraga Police Station sa Albay, ayon sa Baretang Bikolnon Online.
Mariing kinundena ng PISTON sa pangunguna ni Floranda ang mga atakeng ito ng pamahalaan sa sektor ng transportasyon.“Ito ay bahagi na lamang nung pagkadesperado ng gobyerno dahil nakikita nila na patuloy na lumalakas ‘yung laban ng mga driver at operator laban sa phaseout sa pampublikong transportasyon,” giit niya sa pang-aabuso ng pamahalaan sa Anti-Terror Law. [P]
Litrato mula kay Amiel Oropesa
Pingback: The year fascists fall – UPLB Perspective
Pingback: Jeepney driver sa Cainta, Rizal, idinaing ang hirap sa pasada ngayong pandemya; nawagang tutulan ang nakaambang jeepney phaseout – UPLB Perspective
Pingback: Life outside the margins: Through the eyes of the Filipino urban poor – UPLB Perspective
Pingback: Academic organization UPLB Sophia Circle holds benefit concert, pledges funds to UPLB jeepney drivers, operators – UPLB Perspective