Editorial

Pang-api sa pilapil

Dalawang taon na ang nakalipas mula noong pinaslang ang siyam na magsasaka ng Hacienda Nene sa Sagay City, Negros Occidental. Kabilang sa Sagay 9 ang tatlong babae at dalawang batang mahimbing na natutulog bago sila walang awa na pinagbabaril.

Sa iba’t ibang yugto ng ating kasaysayan, iba’t ibang antas ng hamak sa mga magsasaka at kanilang mga pamilya ang dulot ng sistemang nagrururok sa atrasadong relasyon ng lipunan sa kaniyang mga agrikultural na manggagawa. Sa isang banda, ang mga piyesa para sa produksyon ay hiram; pagka’t palatandaan ito ng mga naghahari-harian na ang magsasaka ay tali sa kanilang kapangyarihan. Mula sa binhi, hanggang sa kagamitan at lupa, lahat ito ay ipinagkakait sa mga mga magsasaka.

Noon pa man ay lugmok na sa hirap at gutom na ang uring magsasaka sa pagkakaroon ng maayos na kita dahil sa mga panukala’t polisiya na pabor sa malalaking korporasyong pang-agraryo. Sa ilalim ng Rice Liberalization Law, natagpuang naghihirap ang mga magsasaka sa pakikipagkumpitensiya sa mga dayuhang bigas, hindi dahil sa atrasado’t inutil ang ating produksyon, kundi dahil walang suporta at inabandona ng estado ang mga maliit na mga magsasaka. Bukod sa hatid nitong paghihirap sa ating mga magsasaka, sinaalang-alang ng ganitong panukala ang kasiguraduhan sa pagkain sa marupok na sistemang pamproduksyon. Umaasa ang Pilipinas sa ibang bansa upang pakainin ang sarili niyang mamamayan habang mayaman at malawak ang sariling lupang sakahan. Ngayon na mayroong pandemya, tila dumoble pa ang paghihirap na dinaranas ng mga magsasaka- maraming kaso ng pangha-harass, intimidasyon, at pamamaslang hindi lamang sa mga aktibistang nakikiisa sa panawagan at kampanya para sa ikauunlad ng sektor pangagrikultura, kundi pati na rin mismong mga magsasaka.

Patuloy ang gutom ng magsasaka sa bagsak-presyo ng palay bunsod ng pahirap na neoliberal na polisiya ng rehimeng Duterte. Sa mga nakaraang buwan, nanawagan ang mga grupo ng magsasaka na solusyonan ang mababang presyo ng palay na umaabot sa halagang P12 kada kilo, na kung tatayain ay mas mura pa sa face mask. Lugi pa sa pagod at hirap ang mga magsasaka sa presyong ito dahil kung susumahin ay kasing halaga lang ito ng mga ginastos sa produksyon. Dagdag pa dito, tatagain pa ang mga magsasaka ng iba’t ibang mga taripa’t pambabakod upang makaabot lamang ang ani sa pamilihan.

Umiigting din ang krisis pang-ekonomiya na nararanasan ng mga magsasaka sa ilalim ng Rice Tariffication Law, kung saan nalalagay sa peligro ang kalagayan ng mga mamamayan dahil sa kawalan ng kasarinlan sa seguridad ng pagkain. Ito ay kasabay ng kawalan ng sariling lupa, mga ilegal at mapang-api na usura.

Iba’t ibang atake rin ang kinaharap ng mga magsasaka – mula sa mga legal na laban hanggang sa lantarang pandadahas sa kanilang mga komunidad. Ito ang naranasan ng mga magbubukid ng Lupang Aguinaldo sa Brgy. Tartaria, Silang, Cavite, na humaharap ngayon ng bantang pagpapalayas ng kanilang komunidad. Sa pamamagitan ng pagsampa sa kanila ng gawa-gawang kaso ng pagpatay, grave coercion, ejection, at estafa – kahit ilang dekada na nilang sinasakahan ang lupaing ito. 

Nito lang ding Agosto ay nakaranas ng panghaharass ang mga pesanteng kababaihan at matatanda kung saan sila ay tinutukan pa ng baril ng mga armadong lalaki umano ng pamilya Yulo sa Canlubang, Calamba City.

Patuloy na nanganganib din ang mga magsasaka sa dahil sa mga programang kontra-insurhensya ng rehimeng Duterte. Noong ika-29 ng Setyembre, ilegal na inaresto ang acting chairwoman ng Samahang Magbubukid ng Sitio Irong, Brgy. Tabun, Mabalacat City, Pampanga na si Maricel Magtang at lima pang kasamahan.

Noong Setyembre 26, matapos mawala sa paniniwalaang kinidnap ng Philippine Armry, ang isang magsasaka na nagngangalang Bernardo Guillen napag- alamang pinugutan ito ng ulo sa Sitio Amian, Brgy. Tan-awan, Kabankalan City, Negros Occidental, ayon sa Anakbayan. Si Bernardo ay ama ng isang aktibistang minsan na ring iligal na inaresto dahil sa kanilang ipinaglalaban.

Huwag din sana natin kalilimutan ang malakihang pagpatay sa magsasaka noon katulad ng nangyari sa Escalante massacre sa Negros, Palo Massacre sa Leyte, Mendiola Massacre, Hacienda Luisita massacre, Kidapawan massacre at ang Fort Magsaysay massacre. Malinaw na sa halip na panigan ang mga magsasakang nagpapakain sa mga Pilipino, sila pa mismo ang pinahihirapan para lang payamanin ang bulsa ng iilan.

Ang patuloy na pang-aapi sa mga pesante ay sumasalamin sa pagsamba ng gobyerno sa kapitalismo, kung saan pawang mayayaman lamang ang nakikinabang. Marapat lang na mas palakasin ang pagkalampag sa mga nanunungkulan, mas malakas pa sa mga kumakalam na tiyan ng ating mga magsasaka. Paulit-ulit na bigkasin hanggang dinggin– tulong hindi kulong, bigas hindi bala. [P]

0 comments on “Pang-api sa pilapil

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: