Lathalain

Estado ng agraryo sa Timog Katagalugan

Mga salita nina Gabriel Dolot at Aesha Sarrol

Ang Timog Katagalugan, na binubuo ng Rehiyon IV-A (CALABARZON) at IV-B (MIMAROPA), ay kinatitirikan ng mga lupaing agraryo na nagsisilbing pangunahing pinagkakakitaan ng ating mga kababayan na nakadepende sa agrikultura. Base sa inilabas na report ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang bahagi ng pinagsamang rehiyon sa kabuuang bilang ng ani ng palay sa bansa noong 2019 ay nasa 8.4 na bahagdan; habang sa mais at mangga naman ay 2.2% at 8.6%. Ang Timog Katagalugan naman ang may pinakamalaking porsyento sa Luzon pagdating sa distribusyon ng niyog na mayroong 16.5%. Maliban dito, inilalaan ng MIMAROPA ang mayorya ng kanilang lupain para sa produksyon sa agrikultura na may tinatalang 720,043.44 ektarya para dito. Sa rehiyon naman ng CALABARZON ay 764,381.16 na ektarya ang kanilang ginagamit para lamang sa agrikultura at pangingisda. 

Sa bawat bukirin ay may samu’t-saring problema at balakid na kinakaharap ang ating mga magsasaka; bukod sa hirap na dinaranas dahil sa pisikal na pagtatrabaho, nariyan din ang pananamantala ng mga kapitalistang kompanya at panginoong may lupa na nagbubunga ng mga isyu sa lupain gaya ng pananangkam, piyudalistikong pamamalakad, at tila mabagal na pag-usad ng teknolohiya sa larangan ng agrikultura. Sila ang pinaka-aaapektuhan sa mga neoliberal na polisiya tulad ng Rice Trade Liberalization Law, at sa patuloy na pagbalewala sa kanilang karapatang pantao na pinalalala ng red-tagging at militarisasyon. Ayon sa Sama-samang Artista para sa Kilusang Agraryo (SAKA), hindi bababa sa 275 ang kabuuan ng mga namatay na magsasaka simula 2016 sa ilalim ng administrasyong Duterte. 

1. Lupang Aguinaldo

Ang pamumuhay sa Lupang Aguinaldo ay bakas na simula pa noong 1911, matapos pumutok ang Bulkang Taal na nagtulak sa mga mamamayan na lumipat sa Tartaria, bayan ng Silang, Cavite. Tulad sa ibang sakahan, ang pangunahing tanim nila ay buto ng kape, pinya at saging. Nagsimula ang tunggalian ukol sa pagmamay-ari ng lupa matapos ang digmaang Pilipino-Amerikano. Iniregalo ng mga Amerikano kay Emilio Aguinaldo, pangulo ng unang republika ng Pilipinas, ang lahat ng lupain na kanyang matatanaw, kasama na dito ang bayan ng Tartaria. Magmula noon ay inangkin na ng Pamilya Aguinaldo ang lupain sa pangunguna ni Emilio “Orange” Aguinaldo IV. 

Lupang Aguinaldo / Kuha ni Kristine Paula Bautista 

Bunsod ng sunod-sunod na opresyon sa mga magsasaka na nakatira sa nasabing lupain, itinatag ng mga residente ang Samahan ng Magsasaka ng Tartaria (SAMATA) noong 1978 na naglalayong mapagkaisa ang mga mambubukid patungo sa pakikibaka para sa kanilang lupain. Simula pa noong dekada 70, patuloy nang kinakamkam ang sakahan kahit walang maipresenta na titulo ang pamilya Aguinaldo na sila ang tunay na nagmamay-ari ng lupain. 

Sa isang panayam na isinagawa ng Perspective kay Ka Nora*, miyembro ng SAMATA, ibinahagi niya na pilit sinusukat ng mga Aguinaldo ang lupain at sa tuwing ito’y tinututulan ng mga magsasaka, sila’y kinakasuhan ng gawa-gawang kaso. Kamaikalan lang ay kinasuhan ang 11 na indibidwal ng grave coercion na kung saan ang tatlo dito ay nakabinbin pa rin ang kaso. Patuloy ang pananakot sa kabila ng matinding krisis ng lipunan na dulot ng pandemya. Natatakot din ang mga residente na magbantay sa kanilang lupain dahil nag-aalala sila na baka sila’y hulihin, dahil na rin sa mga polisiya na dala ng community quarantine at kaliwa’t kanang pag-aaresto sa mga progresibong magsasaka, na lalong nagpahirap sa kanilang kalagayan dahil apat na beses lang sila nakatanggap ng ayuda mula sa gobyerno. 

Isinalaysay rin ni Ka Nora na napakabigat ng epekto ng mga kasong ito dahil una, hindi nila alam na may nakapataw na kaso na pala sa kanila at pangalawa, ang mga kasong ito ay nangangailangan ng malaking pondo para sa pag-aayos ng dokumento, abogado, at pamasahe kaya napipilitan na lamang ang mga magsasaka na ibenta ang kanilang mga lupain. Dagdag na rin dito ang pananamantala sa kanila dahil sa kakulangan nila ng kakayahan upang maipagtanggol sa korte ang kanilang ari-arian. 

Iginiit ni Ka Nora ang pagpapanawagan ng SAMATA na paigtingin pa ang suporta para sa hanay ng mga magsasaka lalo na ng mga estudyante na nais makiisa sa pagpapalaganap ng kinakaharap na sitwasyon ng mga mamamayan ng Tartaria.

“Kami ay nananawagan sa lahat ng kinauukulan na sana magkaroon na ng tunay na pagpapatupad ng reporma sa lupa. Dahil kaming magsasaka ang gumagampan ng pinakamahalagang tungkulin sa lipunan. Napakabigat na magbungkal ng lupa para lang makapaglikha ka ng pagkain na ipapakain mo sa sambayanang Pilipino,” aniya. 

Lupang Kapdula / Kuha ng UPLB Perspective

2. Lupang Kapdula 

Ang Lupang Kapdula na nakatirik sa Dasmariñas, Cavite ay maituturing na hotspot ng abuso at opresyon mula sa mga panginoong maylupa at kawani ng gobyerno. Lagpas 20 taon na mula nung pumirma ang mga magsasaka ng Joint Venture Agreement (JVA) na pinapangakuan sila na mapapasakanila na ang lupain at makakamit na nila ang reporma sa lupain, ngunit ito’y pawang kasinungalingan lamang, dahil noon pa man, mayroon nang plano na gawing residential area ang lugar. 

Noong ika-30 ng Mayo 2017, ang mga magsasaka ng Kapdula ay matagumpay na nasakop ang 155-ektarya ng lupain na pagmamay-ari ng JAKA Investments Corporation, South Cavite Land Company at Sta. Lucia Realty Corporation. Sa parehong taon, pinagbantaan ng kawani ng JAKA Investments Corporation ang mga manggagawang bukid sa kasagsagan ng kanilang isinasagawang kampanya sa paglilinang o bungkalan. Ninakaw ang kanilang mga bandila at sinira ang mga kubo na kanilang itinayo. 

Nito lamang Setyembre, nagbarikada ang mga residente para madala nila ang kanilang mga ani sa pamilihan. Matatandaan na sinarado ng Sta. Lucia Realty ang opisyal na farm-to-market road na tanging daan ng mga magsasaka patungo sa palengke na kung saan kanilang maibebenta ang kanilang mga kalakal. Tumungo ang Sta. Lucia Realty sa Lupang Kapdula noong Setyembre 16, 2020 at inambush dialogue ang mga residente upang pigilan ang barikadang kanilang isinigawa bilang protesta sa pagsasara ng daan na kanilang ginagamit papalabas ng lupain. Ilan sa mga demanda ng Sta. Lucia sa mga magsasaka ay bawal magpapasok ng ibang samahan/tao sa lupain at dapat “ipakiusap” sa kanila kung dadaan ang mga magsasaka sa main gate. Iginiit naman ng Sta. Lucia na hindi pa rin bubuksan ang farm-to-market road. Isa itong manipestasyon ng panggigiit ng mga panginoong may lupa upang ipagkait sa mga magsasaka ang mga karapatang lupain at pantao na kanilang dapat na tinatamasa. 

Lupang Ramos / Kuha ni Kristine Paula Bautista

3. Lupang Ramos 

Matatagpuan sa Barangay Langkaan I, Dasmariñas, Cavite, ang Lupang Ramos ay 372 na ektaryang lupain na nagsisilbing tahanan ng humigit-kumulang na 300 na pesanteng pamilya. Pagmamay-ari ni Emerito Ramos Sr., isang negosyante na may-ari din ng isang real estate company, ang nasabing lupa at lahat ng mga manggagawang bukid na naninirahan dito ay naghahanap-buhay sa ilalim ng pamilya Ramos.

Hindi napasailalim ang lupain sa Presidential Decree 27, na naglalayong mailipat ang mga lupain sa pangalan ng mga magsasaka, na ipinatupad noong panahon ng rehimeng Marcos dahil ayon sa batas, ang mga lupain lamang na ang pangunahing tanim ay palay at mais ang maisasailalim sa agraryong reporma; lumipat ang pamilya Ramos sa industriya ng tubo upang makaiwas sa mandatong ito.

Ilang dekada na ang lumilipas at patuloy pa rin ang pag-abuso sa mga magsasaka sa kamay ng pamilya Ramos; noong dekada ng 1990, sinira ang mga lupain, hinarangan, at nilagyan ito ng bakuran. Taong 1997, nagtayo ng barikada ang mga residente upang pigilan ang pambubusabos sa mga lupain ngunit tumawag ang mga Ramos sa lokal na pulisya at marahas na sinira ang barikada ng mga magsasaka. Sa panahon din na ito, minandato ng Kagawaran ng Repormang Pansakahan (DAR) ang Pamilya Ramos na ipamahagi ang lupain ngunit ito’y muling hinarang ng pamilya.

Noong 2018, tinutukan ng mga armadong lalaki ng baril ang kampuhan na isinasagawa ng mga magsasaka. Ayon sa isang panayam ng Philstar kay Ka Eddie Billones, spokesperson ng Katipunan ng mga Lehitimong Magsasaka at Mamamayan ng Lupaing Ramos (KASAMA- LR)—isang organisasyon na lumalaban para sa karapatan ng mga mamamayan ng Lupang Ramos—40 na indibidwal na binubuo ng mga magsasaka at estudyanteng volunteer ang nakarinig ng putok ng baril sa Lupang Ramos. Nagsimula ang tunggalian matapos bisitahin ng land agent na si Rudy Herrera at barangay councilor na si Nestor Pangilinan ang lupain at pinagpipilitan na ito’y kanila, kasama ang 40 na armadong lalaki na may bitbit na bolo at baton. 

Ayon sa ulat ng NNARA-Youth UPLB—organisasyong pangmasa ng mga kabataan na nagmumumgkahi ng tunay na agraryong reporma—tahasang pinasok ng pitong kalalakihan ang bahay ni Gng. Lilia Tagayong, residente sa Lupang Ramos noong Hulyo 30, 2020. Pilit pinasok ng mga lalaki ang mga tahanan sa kadahilanang “may hinahanap” daw sila. 

Ngayong buwan lamang ng Oktubre, sa kasagsagan ng buwan ng mga pesante, ay binigyan ang mga residente ng Lupang Ramos ng “Notice to Vacate” nina Sheriff Alvaro Mijares at ng mga tauhan ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) at National Power Corporation (NAPOCOR). Binili na diumano ng pamilya Ramos ang lupain at balak nilang tayuan ito ng tore ng kuryente. Sa kasalukuyan, hindi pa rin naililipat sa pangalan ng mga magsasaka ang titulo ng lupa na kanilang pinagpapagalan at sila’y binabantaan na lumikas na mula sa kanilang mga tahanan. Ito ay dahil sa buraktratikong sistema na may kaakibat na pananakot sa mga magsasaka pati na rin sa mga aktibistang nagmumungkahi ng tunay na agraryong reporma para sa Lupang Ramos. 

4. Hacienda Yulo 

Ang Hacienda Yulo na 7,100 ektarya ang lawak ay matatagpuan sa mga bayan ng Calamba, Cabuyao, at Santa Rosa. 

Bilang isa sa mga pinaka-mainit sa mata na lupain sa Timog Katagalugan, kontrobersyal ang lupain na ito dahil simula taong 1910, inaagaw na ito mula sa mga magsasakang ginawang taniman ang lupain nang sila’y lumipat dito galing Batangas dahil sa pagputok ng Bulkang Taal. 

Una itong inangkin ng mga Madrigal at sa taong 1920 ay napunta ito kay G. Milne, isang Amerikano, na kung saan siya ang nagtatag ng Canlubang Sugar Estate upang gawing taniman ng tubo, niyog, kape, at palay ang lupain. Kalaunan ay iniwan ito kay Jose Yulo, dating Punong Mahistrado ng Korte Suprema noong administrasyong Quezon. Sa mga panahong ito, hanggang sa kasalukuyan, ay ginigipit pa rin ang mga magsasaka sa pamamagitan ng renta sa lupa at Land Conversion Use o LUC.

Ayon sa KASAMA-TK, ang lupaing ito ay hindi sakop ng CARP at Presidential Decree No. 27, s. 1972 noong panahon ni Marcos dahil ang batas na ito ay palaging nakikitaan ng “butas” bunsod na rin ng impluwensiya ng mga makapangyarihan. 

Taong 2010, ang mga tauhan mula sa Land Estate Development Corporation at San Cristobal Realty Development Corporation (SCRDC) na pagmamay-ari ng mga Yulo ay nanguna sa pananakot at pagkulong sa sampung residente at tatlong menor de edad sa layuning sila ay mapa alis sa lupain. Sa Mayo ng taon ding ito, si Dan Calvo, arkitekto mula sa SCRDC, kasama ang 50 na pribadong gwardya at pulis, ay nanakit ng mga magsasaka at estudyante habang dalawang residente naman ang kanilang binugbog. 

Nitong nakaraang Agosto 22-25, hinarass ng mga armadong gwardya ang mga kababaihang pesante at sinunog ang tatlong bahay sa Sitio Buntog—isa sa mga sitio na matatagpuan sa Hacienda Yulo—matapos harangan ng mga residente ang pagpasok nito sa komunidad nila. Ang Sitio Buntog ay planong gawing residential area kaya binakuran na ito; kaalinsabay nito ay ang patuloy na paninira sa mga pananim ng mga magsasaka. Iilan lamang ito sa mga pananamantala na nararanasan ng mga manggagawang bukid ng Yulo. 

5. Hacienda Roxas 

Sakop ang siyam na barangay sa Nasugbu, Batangas, ang Hacienda Roxas ay binubuo ng tatlong hacienda: ang Hacienda Palico, Banilad at Caylaway. Ito ay malawak na taniman ng tubo na nakapangalan kay Don Pedro Roxas. Ang lupain ay dating pagmamay-ari ng Roxas & Co. Inc. (RCI) pero ito’y nagbago noong 1993 dahil ipinamahagi ng DAR ang CLOA sa mga magsasaka bilang pagtugon sa 1988 Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP). Sa kabila ng ipinatupad na batas, hindi pinansin ni Don Pedro ang pagbabagong ito. 

Taong 2011, ibinigay sa mga manggagawang bukid ang 2,930-ektaryang lupa base sa mandato ng Korte Suprema na ipamahagi ang titulo sa 1,301 na magsasaka. Subalit, matapos ng halos anim na taon, ibinasura ng Court of Appeals (CA) ang pagkakasama ng Lupang Roxas sa CARP; kanilang kinontra ang pasya ng DAR noong 2013 at 2014 na tanggihan ang apela ng RCI na hindi isama ang Kapdula sa saklaw ng CARP. 

Nakiisa ang Lupang Roxas sa aktibidad ng bungkalan noong 2017 at habang ito’y kanilang iginagaod, ang mga guwardiya mula sa Gold Cross Agency ay sinubukang pigilan ang mga aktibidad ng mga magsasaka. Pilit nilang pinaaalis ang mga magsasaka at naglagay pa sila ng babala na may nakasulat na “No Trespassing” sa paligid ng lupain. Patuloy ang represyon sa hanay ng mga manggagawang bukid sa pamamagitan ng pananakot at pagyurak sa kanilang karapatan bilang mga mamamayan ng bansa. 

Lupang Lopez / Larawan mula sa Bulatlat

6. Lupang Lopez 

Ang Lupang Lopez, na matatagpuan sa Barangay Coral Ni Lopez, bayan ng Calaca, Batangas, ay kasalukuyang ipinaglalaban ng mga magsasaka. Simula pa noong taong 1970, ang kanilang pagmamay-ari sa 233 ektaryang lupain ay inaangkin ng pamilya Lopez na pinangungunahan ni Luis Lopez, panginoong may lupa mula sa bayan ng Balayan, Batangas. 

Taong 1993, nang bigyan ng CLOA ng DAR ang mga magsasaka ngunit noong 2007, binawi ito mula sa mga residente ng Coral Ni Lopez.

Noong 2016, sa kasagsagan ng patuloy na pakikibaka para mabawi ang kanilang lupain ay nakaranas din sila ng pambubulabog at akusasyon mula sa mga sundalo; may mga pagkakataon pa na nireredtag sila at tinatawag na “NPA by night.”

Noong ika-10 ng Mayo 2020, inaresto ng mga tauhan ng Special Weapons and Tactics Team (SWAT) ng Philippine National Police (PNP), Philippine Air Force (PAF), at 202nd IBPA ang Calaca 6 na sina Marcelo Vidal, Doroteo Bautista, Virgilio Vidal, Julie Jolongbayan, Leovino Jolongbayan, at Roilan Tenorio at kinasuhan ng “illegal possession of firearms” na kalaunan ay ibinasura ng Balayan Regional Trial Court (RTC). 

Ang Calaca 6 ay binilanggo ng halos dalawang buwan at sa kahabaan nito ay patuloy pa rin ang panunupil ng mga pulis sa nasabing komunidad. Habang nililitis ang kaso nila, sumugod ang 15 na armadong pulis sa Barangay Coral Ni Lopez upang pigilan ang kilos-protesta na kinasa bilang suporta sa Calaca 6. 

Ayon sa Karapatan Timog Katagalugan—isang alyansa na nagsusulong sa pagprotekta sa karapatang pantao—ang mga atake, pamamaslang, pagkakakulong dahil sa gawa-gawang kaso, at pag-redtag sa mga magsasaka ay paraan upang patahimikin ang mga ito sa pakikibaka nila para sa kanilang lupa. Bilang bahagi ng programa ng Regional Task-force to End Local Communist Armed Conflict (RTF-ELCAC), pinagsamantalahan nito ang sakuna dulot ng pandemya upang manupil at manakot ng mga progresibong grupo sa siyudad at probinsya sa kadahilanang kasabwat daw ng mga magsasaka ang mga rebelde mula sa New People’s Army (NPA) kahit wala namang matibay na ebidensya ukol dito. 

7. Hacienda Reyes 

Ang Hacienda Reyes ay lupaing may lawak na 12,000 hanggang 16,000 ektarya na sinasakop ang sampung barangay at 30 na komunidad sa mga bayan ng Buenavista, San Andres, at San Narciso, Quezon. Ang lupaing ito ay pagmamay-ari ni Victor Reyes, dating punong-bayan sa lalawigan ng Quezon, na kamag-anak ni Don Domingo Reyes, isa sa mga pinakamalaking panginoong may lupa sa Quezon. 

Ayon sa Katipunan ng mga Magbubukid sa Timog Katagalugan (KASAMA-TK)—isang progresibong organisasyon ng mga magsasaka sa Timog Katagalugan—307 na panginoong may lupa ay kontrolado ang 71,898.50 ektarya ng plantasyon ng niyog at nasa 234.20 ektarya ang pinamumunuan nila sa probinsya ng Quezon.

Ang “crop sharing scheme” ay isang kasunduan kung saan ang mga magsasaka ay sapilitang ibibigay ang bahagi ng kanilang ani sa panginoong may lupa bilang pambayad sa pagsasaka sa lupain nito. Nalulugi ang mga magsasaka dito dahil ang 70-30 na hatian ay pabor sa may-ari ng lupa; ganito na ang sistemang lumalaganap mula pa noong 1960 sa Hacienda Reyes. Dahil sa hindi makatarungang hatian ng mga magsasaka at panginoong may lupa, mas tumitindi ang kahirapang nararanasan ng mga magbubukid at nalalagay sila sa sitwasyon na nagpapatuloy lamang ng kanilang kasalukuyang antas pang sosyo-ekonomiko.

Pasan ng mga magsasaka ang gastos sa produksyon at pagsasaka sa tatlong ektaryang lupain. Sa kabila nito, bumubulusok pa rin ang presyo ng mga produktong pang-agrikultura tulad na lamang ng copra na bumaba sa P9 kada kilo ang bentahan, na kung tutuusin ay kulang na kulang pa para sa pang araw-araw na gastusin. Panawagan ng mga pesante ang 70-25 na “crop sharing” na pabor sa mga magsasaka at itaas ang presyo ng copra mula P9 hanggang P17.

Malaking hamon din ang militarisasyon sa lugar nila dahil sa madalas na pandarahas ng  74th Infantry Batallion (74th IB) ng Philippine Army (PA) na naroon daw upang tuligsain ang NPA. Dahil sa presensya ng militar, tumaas ang kaso ng mga paglabag sa karapatang pantao ng mga magsasaka sa Hacienda Reyes.

Hacienda Matias / Larawan mula sa Kilusang Mambubukid ng Bondoc Peninsula (KMBP)

8. Hacienda Matias

Ang Hacienda Matias ay lupaing 1,715 ektarya ang lawak, na ang pangunahing tanim ay niyog. Sinasakop nito ang mga barangay ng Butanglad at Don Juan Vercelos sa bayan ng San Francisco na matatagpuan sa Bondoc Peninsula, Quezon. 

Sa dating crop sharing system, hindi pa aabot sa kalahati ang malilikom ng mga magsasaka mula sa produksyon ng copra. Ang tagapangalaga ng hacienda na nagbebenta mismo nung copra ay binabawas na agad ang hati ng panginoong may lupa mula sa sa nalikom. Ang mga magsasaka ang gumagastos sa produksyon ngunit hindi ito binabalik sa kanila mula sa kinitang pera. 

Ang mga Matias, dating panginoong may lupa, ay sinubukang angkinin at ikatuwiran ang pagmamay-ari sa lupa sa pamamagitan ng pagsabi na ito ay isang cattle ranch ngunit hindi ito pinaniwalaan ng gobyerno. 

Taong 2015, 283 na magsasaka ang nakatanggap na ng Certificates of Land Ownership Award (CLOA) sa tatlong titulo ng lupa, mula sa pitong titulo, ngunit nahirapan silang kunin ito dahil sa patuloy na pananamantala at legal na pakikipaglaban ng mga Matias para patuloy na mamuno sa lupa. 

Hulyo 2015 nang may dumating na tauhan ng gobyerno kabilang na ang mga sundalo upang pormal na maibahagi ang lupa sa mga magsasakang nabigyan na ng CLOA ngunit ayon kay Maribel Luzara ng Kilusang Magbubukid ng Bondoc Peninsula (KMBP), noong 2016, daan-daang magsasaka pa rin ang hindi pa nakakatanggap ng CLOA. Dahil dito at sa patuloy na panggigipit sa iba pang magsasaka sa Quezon, binalak i-boycott ng mga grupong ito ang eleksyon noong 2016 kung hindi matugunan ng mga kandidato ang pagbalik sa kanila ng coco levy funds. Matatandaan na ang isyu ng coco levy ay ang panloloko na tinamasa ng mga manggagawang bukid na kung saan ang produksyon ng niyog ay pinatawan ng buwis diumano para sa “ikauunlad” ng industriya ngunit napunta lamang sa pansariling mga interes. 

Taong 2018, nabigyan na ang natitirang 386 na benepisyaryo ng CLOA sa natitirang 654.4082 ektaryang lupain. Unti-unti ng naibabalik ang lupain sa mga magsasaka ngunit hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang pakikibaka para sa tunay na repormang agraryo. 

9. Hacienda Tulungan 

212 ektarya ng lupain na makikita sa bayan ng Mulanay, Quezon, ang Hacienda Tulungan ay parte ng Bondoc Peninsula District sa tabi ng baybay-dagat ng Tayabas Bay. Ang kanilang pangunahing pinagkakakitaan ay ang pagsasaka at pangingisda na nagbunsod upang sila’y magtayo ng isang samahan na nagngangalang Hacienda Tulungan Farmers and Settlers Association

Binili ni Francisco Bacobo ang lupain noong 1986 pero bago pa man nito ay nakatira na ang mga residente sa lupain. Ilan sa mga naranasang abuso ng mga magsasaka ay ang pagtutol sa pag-aayos ng kanilang mga kabahayan, hindi patas na hatian sa kita mula sa ani, mataas na koleksyon ng bayad sa upa, pagbatikos at sapilitan na pagboto para sa ilang mga kandidato tuwing halalan. Dagdag pa rito ang hirap na dinanas ng mga magsasaka dulot ng bagyong Glenda noong 2014. 

Noong Mayo 2016, nagpadala ng liham ang asosasyon kay Pangulong Duterte upang isalaysay ang nararanasan nilang represyon, intimidasyon at pagbabanta mula sa mga bagong panginoong may lupa na pinangungunahan ng abogadong si Vitaliano Aguirre, dating kalihim ng Kagawaran ng Katarungan (DOJ) sa ilalim ng administrasyong Duterte. Kanilang ibinahagi na iginigiit ni Aguirre at ng kaniyang pamilya ang pagmamay-ari sa lupain. Ang liham na ito ay nilagdaan ng apat na opisyal at 110 na residente. Bago pa nito ay umapela na ang mga residente ng Tulungan na sila’y pinapagbayad ni Aguirre ng renta kahit na legal na pagmamay-ari nila ang lupain sa ilalim ng CARP. Ayon kay Aguirre, binili niya ang lupain sa halagang 2.3 milyon. Sa tala ng DAR, ang FQB +7 Inc. ang may-ari ng Hacienda Tulungan at ayon sa 1985 Securities and Exchange Commission (SEC), si Aguirre ay secretary o treasurer at stockholder ng nasabing korporasyon ngunit taong 2005 palang ay natanggalan na siya ng partisipasyon dito. 

Hindi na lingid sa ating kaalaman ang pag-agaw sa lupain ng mga magsasaka para sa pansariling interes; maaari natin itong mailapat sa naghaharing macho-pyudal na sistema sa lipunan. 

10. Yulo King Ranch

Ang Yulo King Ranch ay 39,238 ektaryang lupain na sakop ang mga bayan ng Coron at Busuanga, Palawan na sinasakahan ng 10-15 na pamilya. Taong 1930 palang ay nagbubungkal na roon ang mga residente at nagsimula lang ang kanilang paghihirap nang angkinin ng mga Marcos ang lupaing ito.

Ayon sa special report ng Bulatlat—isang alternatibong publikasyon—taong 1975 nang mag-isyu si Ferdinand Marcos ng Proclamation No. 1387 kung saan idineklara itong “pasture reserve” sa tulong ng kaniyang mga kroni na sina Luis Yulo at Peter Sabido. 

Ayon sa Asian Peasant Coalition—isang koalisyon na binubuo ng iba’t-ibang sektor mula sa Asya—ang pagkuha ng lupaing ito mula sa mga magsasaka ay tinatawag na “largest agrarian anomaly in the country” dahil sa laki ng lupain at sa dami ng kaso ng paglabag sa karapatang pantao ng mga manggagawang bukid. 

Sa mga nagdaang administrasyon, pinagpasapasahan ang lupain sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno. Kinuha ito sa administrasyong Corazon Aquino sa ilalim ng Presidential Commission on Good Government; nilipat ito sa Bureau of Animal Industry (BAI) na ginawang Busuanga Breeding and Experimental Stations (BBES) ang lupain na kung saan mula 75,477 na baka at 115 na kabayo noong 1986 naging 2,565 nalang ang baka at 76 na kabayo ang natira pag dating ng 2005. Ngunit ayon sa mga residente, mas mababa pa rito ang tunay na bilang ng mga inaalagaang hayop sa bukirin. 

Taong 2013, sa administrasyon ni Benigno Aquino III, inilipat ito mula sa Philippine Forest Corp (Philforest) ni dating pangulong Arroyo, sa Forest Management Bureau (FMB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR). Taong 2014 noong malaman ng Asian Peasant Coalition at iba’t-ibang organisasyong pangmasa na balak paunlarin ng noong mayor na si Fems Reyes ang 22,000 ektaryang bahagi ng lupain para sa mga namumuhunan, turismo, at pagpapatayo ng imprastraktura ng gobyerno. 

Isa rin sa dahilan ng pagkawala ng kabuhayan ng mga magsasaka ay ang Public-Private Partnership (PPP) na kung saan may mga malalaking kompanya tulad ng Skykes Aggreventures at Goat Industries na walang papeles sa paggamit ng lupain. Dahil dito, gumamit sila ng mga tauhang gobyerno upang bantayan ang lupain na lalong nagpahirap sa mga magsasaka upang makuha ang kanilang lupain.

Setyembre 2016, nasaksihan ang pagkamatay ng magsasakang si Arnel Figueroa sa mismong lupain. Pebrero 2019, hinuli si Norly Bernabe ng KASAMA-TK sa Palawan. Si Bernabe ay isa sa mga lider magbubukid na nakikipaglaban para maibalik sa mga magsasaka ang Yulo King Ranch. Abril 2019, binakuran ang lupain ng mga tauhan ni Gobernador Jose Chavez Alvarez—kasalukuyang gobernador ng Palawan—sa paghahanda sa pagtayo ng paliparan sa nasabing lugar. 

Ang bahagi ng lupain sa Busuanga ay kasalukuyang tinatayuan ng paliparan simula pa noong Marso 2019 at lahat ng nagtatangkang bumalik na mga magsasaka ay pinapaalis at tinatawag na “squatter” o “illegal occupants.”

Sa pangunguna ng KASAMA-TK at Anakpawis Timog Katagalugan (Anakpawis-TK), nag-organisa ng isang fact-finding mission para sa mga nararanasang represyon ng mga residente ng Coron at Busuanga, Palawan. Kanilang ipinahayag na ang paglabag sa karapatang pantao ng mga magsasaka sa Yulo King Ranch ay pinalala sa kagustuhang kontrolin ng gobyerno ang lupain. Naglalagay sila ng mga tauhan upang pigilan ang mga magsasaka, sinisira ang mga tahanan, at ginigipit ang mga mamamayan sa pamamagitan ng pagyurak sa kanilang pagkatao. Bukod dito ay tinatrato rin sila bilang “informal occupants” sa sarili nilang lupain. 

Sa mga pangyayaring nabanggit ay maliwanag na patuloy ang sistema ng opresyon sa hanay ng mga magsasaka. Bilang isang bansa na nakadepende sa produksyon ng sektor ng agrikultura, ang patuloy na pagpikit sa kanilang kasalukuyang sitwasyon ay nagpapahiwatig ng isang gobyernong walang pagpapahalaga sa mga indibidwal na dumadanak ang dugo’t pawis upang makatiyak na mayroong makakain ang sambayanan. Ang sistemang ito ay laganap dahil ayon sa mga kuro, hinahayaan ng estado na pagsamantalahan ng mga panginoong may lupa at ng naghaharing-uri ang mga manggagawang bukid. Na kung minsan, sila’y nagiging instrumento pa ng mga ito upang supilin ang mga walang kapangyarihan. 

Nariyan din ang mga neoliberal na polisiya na nagpapalubha sa sitwasyon ng sektor ng agrikultura sa bansa kung saan ang mga probisyon nito’y nakaangkla sa pangangailangan ng pandaigdigang merkado at hindi na para sa mga mamamayan ng Pilipinas. 

Mahalaga na palakasin natin ang panawagan ng mga magsasaka patungo sa isang lipunan na nagbibigay-halaga sa kanilang karapatan para sa tunay na repormang agraryo. Paigtingin natin ito sa pamamagitan ng kolektibong pagsisikap at pakikibaka dahil kung ito’y patuloy na isasantabi, ano na lamang ang mangyayari sa ating mga agrikulturang manggagawa at sa seguridad at soberanya ng suplay ng pagkain sa bansa? [P]

Litrato mula kay Kristine Paula Bautista

12 comments on “Estado ng agraryo sa Timog Katagalugan

  1. Pingback: Mga mangagawa, maralita, estudyante, nagprotesta sa Araw ni Bonifacio – UPLB Perspective

  2. Pingback: Lupang Ramos binarikada ng mga magsasaka bilang pagtutol sa pagpapalayas – UPLB Perspective

  3. Pingback: Pag-ani ng katarungan – UPLB Perspective

  4. Pingback: Taking up space: Honoring the women of Southern Tagalog – UPLB Perspective

  5. Pingback: Armed company guards fenced Lupang Kapdula farm ground, destroyed crops; Dasmariñas LGU remain mum – UPLB Perspective

  6. Pingback: Peasant month protests; Cristina Magistrado arrest – UPLB Perspective

  7. Pingback: Progressives express support as DOJ sues 17 cops for the murder of labor leader Ka Manny Asuncion – UPLB Perspective

  8. Pingback: Timeline of Attacks and Killings in Southern Tagalog since the Pandemic – The Catalyst

  9. Pingback: Impyerno sa paraiso: Ang Quezon sa gitna ng panghaharas at militarisasyon – UPLB Perspective

  10. Pingback: Kakulangan ng aksyon sa ekonomikong krisis, iprinotesta ng mga progresibo sa unang SONA ni Marcos Jr. – UPLB Perspective

  11. Pingback: Mga Nakakubling Usapin sa Likod ng SONA 2022 – UPLB Perspective

  12. Pingback: Unions demand justice, pro-worker reforms for the upcoming ILO-HLTM – UPLB Perspective

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: