Hindi maikakaila na ang naratibo ng lipunang Pilipino ay punong-puno ng tunggalian ng mga interes at kaisipan, pakikibaka sa mga krisis panlipunan, at paghihimagsik ng inaaping uri sa sistemang nakaugat sa pyudal, kolonyal, at neoliberal na ayos. Subalit, sa kamalayan ng marami kung hindi lahat, ang pagbasa ng mga kasalukuyang kaganapan tulad ng karahasan at kapabayaan sa panahon ng kalamidad na pinaiiral ng rehimeng Duterte, ay tila baga panunumbalik ng nakaraan at pag-uulit ng kasaysayan.
Sa Pilipinas, madalas na pinakanaaapektuhan ng mga polisiyang anti-mamamayan at pagbabago ng klima ang mga indibidwal na nasa laylayan ng lipunan. Realidad para sa mahihirap ang mamatay dahil sa kagutuman, karahasan at kapabayaan na itinataguyod ng estado, at kakarampot na kakayahan upang paghandaan ang banta ng anumang uri na kalamidad.
Pinatunayan ng mga nagdaang sunod-sunod na bagyo, sa kabila ng krisis pangkalusugan na dulot ng pandemya, kung paano inilalagay sa peligro ng mga inutil na opisyal ng gobyerno ang mga ordinaryong mamamayan. Tila paulit-ulit ang ganitong tagpo sa ating kasaysayan na mistulang nagwawangis multo tuwing may sakuna, kung kaya’t lahat ng responsibilidad ukol sa kaligtasan ay naipapasa sa pribadong sektor na walang kapangyarihan tulad ng pambansang pamahalaan.
Ang mga kabiguan na unang nabanggit ay parte ng sistema na nag-uudyok sa mayorya ng mamamayang Pilipino upang umasa sa “kahusayan” ng pambansang eleksyon. Ngunit kung ating susuriin ang sistema na nagluwal sa pagkaluklok ni Duterte at ng kanyang kaalyado sa pwesto ang siya ring sistema na humahadlang sa mga Pilipino na maatim ang kaligtasan mula sa sakuna at peligro na dulot ng reaksyunaryong estado.
Naisasakatuparan ang neoliberalismo sa pamamagitan ng paggawad ng tungkulin ng gobyerno patungo sa mga pribadong organisasyon at pagbawas ng pondo ng pamahalaan sa mga serbisyong panlipunan. Sa ganitong pagkakataon, ang mga programa at polisiya na dapat sana ay naitatampok ang kapakanan ng masa ay nasasagasaan ng mga interes ng mga negosyante o hindi kaya’y mga banyagang namumuhunan. Kaakibat nito ang marahas na pagbuwag ng gobyerno sa mga nangangahas maging oposisyon nito at pagsasantabi ng karapatang pantao ng mga naapektuhang sektor ng lipunan.
Sinasalamin ng mahinang kahandaan at pagresponde sa kalamidad, at kawalan ng malinaw na recovery plan ng gobyerno sa mga nakalipas na mga bagyo ang ideyalismo ng neoliberalismo.
Ipinapasa ng pamahalaan ang tungkulin nito na bigyan ng agarang ayuda at pagkalinga ang mga nasalanta sa mga pribadong indibidwal at organisasyon. Ang ganitong nakasanayan sa ilalim ng reaksyunaryong estado ay hindi pangmatagalang solusyon upang mailigtas ang mamamayan sa mga panganib, bagkus pinapanatili nito ang siklo ng kahirapan at nabibigyan katwiran ang kapabayaan ng pamahalaan.
Masisilip natin ang tunay na prayoridad ng administrasyong Duterte sa 2021 National Budget kung saan ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), isang komite na nagpapalaganap ng propagandang anti-insurhensiya ngunit pugad ng maling impormasyon at malisyosong pagsasangkot, ay ginawaran ng P19-bilyon kumpara sa P16 bilyon na budget National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC). Sa halip na ang pera ay mapunta sa pagpapatibay ng mga komunidad laban sa sakuna, ito ay ginagamit upang wasakin ang mga mahihirap na pamayanan na pinaghihinalaang kuta ng mga rebelde sa mukha ng counterinsurgency.
Ngunit hindi lamang neoliberalismo ang kumikitil sa masa. Biktima ang masang Pilipino ng makasaysayan at patuloy na pakikipagsabwatan ng estado sa mga imperyalista, malaking burgesya-kumprador, at mga panginoong maylupa.
Ang mga isyu ukol sa kawalan ng nakabubuhay na sahod, huwad na reporma sa lupa, at imperyalismo ay nakatahi sa usaping climate change adaptation and mitigation. Ang tahasang pagkakalbo ng kagubatan, pagkakamkam ng mga lupang ninuno, at pagtatayo ng mga imprastraktura sa ngalan ng kaunlaran ang sumisira sa kalikasan at nagdadala ng panganib sa kabuhayan at tahanan ng pambansang minorya. Ang mga ganitong proyekto ay may chilling effect sa iba’t ibang panig ng bansa kung saan tila binibigyan ng pamahalaan ang mga negosyante at mga dayuhan ng free pass upang huthutin ang likas na yaman ng bansa at pagsamantalahan ang estratehikong mga lupain kung saan tuluyang mailalagay sa peligro ang malawak na populasyon. Isang halimbawa na rito ang mga isyung bumabalot sa Kaliwa Dam, isang proyektong Build,Build,Build (BBB) na pinondohan ng Tsina, kung saan tinututulan ng mga lokal na residente maging mga siyentipiko dahil sa posibleng pagkasira ng parte ng Sierra Madre at pagdulot ng matinding baha sa mga bayan sa Quezon at Rizal.
Pinapatahimik ng mga katagang “Filipino resilience” ang mga lehitimong panawagan para sa polisiyang pang-ekonomiya na nakasentro sa kapakanan ng mamamayan. Hinahadlangan ng mga institusyon ng gobyerno, tulad ng kongreso. ang pagsulong ng mga batas na magtitiyak sa kasaganahan ng masa dahil ito ay taliwas sa interes nila o hindi kaya ng mga dayuhang korporasyon at bansa na may taya sa ating ekonomiya. Ang ganitong paraan ng pag-atake sa mamamayan ay sinasadya upang panatilihin ang kapangyarihan sa iilan lamang. Masasalamin natin ito sa mga lantaran at garapalang hakbangin ng mga nagdaang administrasyon hanggang kay Duterte.
Ang pagpapanatili sa kasalukuyang administrasyon at reaksyunaryong estado ay hindi makakatulong sa pagsulong ng bansa tungo sa “panibagong ayos” at sisira lamang ito sa pagkakataon bumangon at umunlad sa hinaharap. Ang pag-aangkop nila sa mga salitang “better normal” ay hungkag sapagkat wala sa kanilang plano ang pagbuwag sa itinatag na kaayusan. Malinaw na ang kawalan ng aksyon at pagtugon sa kasalukuyang mga isyu na kinakaharap ng bansa ay manipestasyon lamang ng interes ng mga naghaharing-uri upang panatilihin ang sistema na matagal nang kumukontra sa paglinang ng kapakanan ng nakararami at mga nasa laylayan.
Gayunpaman, patuloy na lumalakas ang daluyong ng masa upang gapiin ang mapang-aping uri. Isa silang moral na pwersa na tangan ang kaisipan na walang puwang ang terorismo ng estado sa lipunang pinahahalagahan ang karapatan at buhay ng isang tao. Ang rebolusyon sa pagtaguyod ng demokrasya at paninigurado sa kaligtasan ng bawat mamamayan sa kinabukasan ay usapin ukol sa pagtataguyod ng karapatan ng ng iba’t ibang sektor ng lipunan, kolektibong aksyon tungo sa pagpapataas ng antas ng pamumuhay ng lahat, at pagtaob sa sistemang mapang-api.
Nawa’y gamitin ang mga panahong ito upang palakasin at pagtibayin ang mga hanay ng masa. Mahalaga ang aktibong pakikisangkot sa mga kampanya at laban ng iba’t ibang sektor ng lipunan upang iligtas ang tinatamasang demokrasya mula sa pasismo ng rehimeng Duterte. Ang kaligtasan ng bansa ay nasa kamay ng mamamayan na hinihimok ng kasaysayan na tubusin ito. [P]
Dibuho ni Jermaine Valerio
0 comments on “Panahon ng pagtutubos”