News Southern Tagalog

Grupong maralita, nananawagang pigilan ang quarrying sa Rizal

“Mas inuuna pa ng ilang tao na ganid sa pera ang magpataba ng bulsa kaysa isipin ang kapakanan ng kapwa sa paanan ng kabundukan.”

Ito ang pahayag ng organisasyong urban poor na San Isidro Kasiglahan, Kapatiran, at Damayan para sa Kabuhayan, Katarungan, at Kapayapaan (SIKKAD-K3) sa isang Facebook post, na isang panawagan sa gobyerno at mga pribadong kompanya na itigil na ang quarrying sa Rodriguez, Rizal.

Dagdag pa ng SIKKAD-K3 na “hindi inosente” ang mga miyembro ng kanilang grupo, at nakikita nilang ang pagkasira ng kabundukan ay dulot ng quarrying na pinamumunuan ng mga kapitalistang “walang awa.”

“Hindi kasalanan ng mamamayan ang mabilis na pagtaas ng tubig mula sa ulan na dala ng bagyo at pagpapakawala ng tubig sa dam..! [sic] Kung hindi sana sinira ang kabundukan sana may si sipsipin pag  ng lupa mga tubig ulan,” pahayag ng grupo.

Ang probinsya ng Rizal ay isa sa mga pangunahing pinagkukunan ng construction aggregates sa bansa, ngunit kapalit ng malaking ambag nito sa imprastraktura at ekonomiya ay ang lubhang pagkasira ng kalikasan.

Sa liham para sa dating Pangulong Benigno Aquino III noong 2010, ipinahayag ng pamahalaang lokal ng Rizal na ang pagmimina at quarrying sa kanilang probinsya ay nagdudulot ng deforestation na siyang nagiging sanhi ng malawakang pagbaha.

Kaugnay ng nabanggit na dahilan, sumulat ng panibagong liham si gobernador ng lalawigan na si Rebecca Ynares para kay Pangulong Rodrigo Duterte nito lamang ika-18 ng Nobyembre, upang humiling ng issuance ng isang general moratorium na pansamantalang maghihinto sa pagbibigay ng permiso sa mga pagmimina at quarrying na isinasagawa sa nasabing probinsya.

Matatandaang pansamantala nang ipinatigil ang quarrying sa Rizal noong Agosto 2018 matapos ang pagbahang dulot ng hanging habagat, ngunit agad ding nagbalik ang mga gawaing ito noong Setyembre nang parehong taon.

Panawagang itigil ang pagsira sa kalikasan

Sa kabila ng inihayag na epekto nito sa kalikasan, katulad ng pagkasira sa mga kagubatan at paguguho ng lupa sa ibang lugar, nagpapatuloy pa rin ang quarrying sa Rizal. Kinokondena ito ng mga mamamayan sa pamamagitan ng mga online petition.

Ang mga miyembro ng SIKKAD-K3 ay ilan lamang sa mga nangungunang manawagan para sa pagpapatigil ng quarrying sa Rizal, lalo pa’t karamihan sa kanila ay lubhang naapektuhan ng Bagyong Ulysses. Kumbinsido ang organisasyon na ang pagbahang dulot ng bagyo ay pinalala ng quarrying sa probinsya.

“Sana po [ay] itigil niyo na ang quarry [dahil] kaming mahihirap ang higit na apektado,” pahayag nila sa isang Facebook post.

Bagaman walang nasawi, hikahos pa rin ang mga residente ng SIKKAD-K3 Village, Rodriguez, Rizal sa pag-ahon ng kanilang kabuhayan matapos ang pinsalang dulot ng nagdaang kalamidad.

Screengrab mula sa Facebook ng Sikkad Montalban

Ayon sa organisasyon, ilan sa kanilang mga kasamahan ang umakyat na sa bubong ng kani-kanilang bahay dahil sa taas ng baha noong kasagsagan ng bagyo.

Dahil sa sinapit ng munisipalidad mula sa Bagyong Ulysses, isinailalim ang Rodriguez, Rizal sa state of calamity noong ika-14 ng Nobyembre. Kasalukuyan pa ring nagsasagawa ng clearing operations sa SIKKAD-K3 Village.

Pagbagyo ng mga batikos at pananakot

Dagdag pa sa hirap na dulot ng kalamidad, umani rin ang grupo ng mga batikos at komentong “matigas [umano] ang [kanilang mga] ulo,” dahil sa patuloy nilang paninirahan sa danger zone

Gayundin, sa isang Facebook post ng Sikkad Montalban, kanilang ipinakita ang screenshot ng isang mensaheng inakusahan sila bilang isang “peke[ng]” organisasyon na nararapat na lamang sumunod sa anumang ipag-utos ng gobyerno.

Matatandaan na noong Hunyo nang kasalukuyang taon ay nadawit na rin ang SIKKAD-K3 sa red-tagging. Pinaratangan ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang nasabing organisasyon bilang mga miyembro umano ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army – National Democratic Front (CPP-NPA-NDF). Hindi tumagal na nabalitaan na pumasok ang mga militar at pulisya sa lugar Kasiglahan Village, Brgy. San Jose, Rodriguez, Rizal.

Ang pamamaratang ay kinondena ni Kyle Salgado, tagapagsalita ng KARAPATAN – Southern Tagalog (ST).

“Ang SIKKAD-K3 ay lehitimong organisasyon ng mga mamamayan sa Rodriguez na pinagtagumpayan ang kanilang karapatan para sa libreng pabahay at iba pa nilang kahilingan,” aniya noong ika-6 ng Hunyo.

Bilang tugon sa mga inaani nilang batikos dahil sa hirap na kanilang tinamasa noong nakaraang kalamidad, iginiit ng SIKKAD-K3 na hindi dapat isisi sa mga mamamayan ang nararanasan nilang trahedya, sapagkat sila ay “naghahangad [lamang] ng masisilungan” para sa kani-kanilang pamilya.

“Silang mga nasa posisyon, mga kapitalista, at kung sino-sino pang indibidwal ang dapat na sisihin sa pagkasira ng kabundukan natin. Kayo ang nagpakasasa sa salapi kapalit ang pagkasira ng kalikasan,” pahayag ng organisasyon sa isang Facebook post. [P]

Litrato mula sa Sikkad Montalban / Facebook

6 comments on “Grupong maralita, nananawagang pigilan ang quarrying sa Rizal

  1. Pingback: The year fascists fall – UPLB Perspective

  2. Pingback: Banta sa laban para sa karapatan: Grupong maralita sa Rizal, patuloy na ginagambala ng red-tagging, militarisasyon – UPLB Perspective

  3. Pingback: Lima ang patay, apat ang arestado matapos ang ‘Bloody Sunday’ sa Timog Katagalugan – UPLB Perspective

  4. Pingback: Peasant month protests; Cristina Magistrado arrest – UPLB Perspective

  5. Pingback: Mga prominenteng dinastiya sa CALABARZON, nanguna sa Halalan 2022 – UPLB Perspective

  6. Pingback: Kasiglahan Village in Rizal decry state forces over bogus agreement signing – UPLB Perspective

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: