Sa ika-30 ng Nobyembre, ang araw ng paggunita sa kapanganakan ni Andres Bonifacio, ilang sektor at organisasyon ang nagsagawa ng protesta sa Timog Katagalugan.
Kabilang sa mga dumalo ang Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan (PAMANTIK-KMU), Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) Cavite, Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (KASAMA-TK), at iilang organisasyon at estudyante sa Unibersidad ng Pilipinas Los Baños (UPLB) upang labanan ang patuloy na pag-atake sa mga manggagawa.
Ngayon ay lumalaban
Kabilang sa mga grupong nakilahok sa kilos-protesta sa tapat ng Carabao Park sa UPLB ang Anakbayan UPLB na inihayag ang matinding galit sa patuloy na pagsasawalang-bahala ng administrasyon sa taumbayan sa mga nakalipas na sakuna at sa kinakaharap na pandemya.
Kasama rin sa mga dumalo ang UPLB University Student Council (USC) na patuloy ang kampanya sa agarang pagtatapos ng kasalukuyang semestre dahil sa dami ng estudyanteng maiiwan kung ang semestre man ay ipagpapatuloy.
Natapos ang demonstrasyon sa UPLB sa panawagan ni Charm Maranan, ang tagapagsalita ng National Union of Students of the Philippines (NUSP) Southern Tagalog.
“Kaya pinipili ng mga mamamayan na mag-armas ay dahil hindi natutugunan ang mga ugat ng kahirapan at ng armadong tunggalian. Hanggang sa kasalukuyan ay walang lupa ang mga magsasaka, ang mga manggagawa ay nananatiling kontraktwal at walang benepisyo, ang mga estudyante sa loob ng mga pamantasan ay hindi makamit ang tunay na libre, dekalidad at accessible na edukasyon,” pahayag ni Maranan.
Matapos ito ay tumungo ang mga estudyante sa Calamba Crossing upang ipagpatuloy ang protesta kasama ang ibang sektor ng Timog Katagalugan.
Hindi lamang trabaho
Matapos ang pakikibaka nila Andres Bonifacio laban sa mga Espanyol mahigit isang daang taon na ang nakalilipas, ayon sa PAMANTIK-KMU, lalong lumala umano ang kalagayan ng mga manggagawa sa kasalukuyan kung saan ang mga namamahala sa bansa ay pinamumugaran ng mga kapitalista.
Ayon sa grupo, ang sahod na natatanggap ng mga manggagawa ay nananatiling hindi sapat na pantustos sa pang-araw-araw na gastusin at ang kontraktwal na paggawa ng milyong-milyong Pilipino sa buong bansa.
Para sa kanila, ang dinaranas nilang kahirapan ang nag-udyok upang ipaglaban ang kanilang karapatan bilang mga manggagawa, ngunit imbis na tugunan ng estado ang kanilang mga pangangailangan ay dahas ang isinasagot ng mga elemento ng estado sa kanilang mga panawagan.
Patuloy na pag-atake ang tinatamasa ng mga katulad nilang manggagawang ninanais lang na ipaglaban ang kanilang karapatan na lalong pinalala ng Terror Law kung saan mas pinalawak ang kapangyarihan ng estado na paratangan silang mga terorista sa kabila ng kawalan ng ebidensya.
“The passage of the Anti-Terror Act of 2020 will only bolster the government’s crackdown against activists and legal organizations. This is nothing new from the atrocities faced by Bonifacio and the Katipunan under Spanish colonialism.” Ito ay ayon kay Dandy Miguel ng PAMANTIK-KMU, nagsalita ukol sa patuloy na paggamit ng dahas ng rehimeng Duterte upang patahimikin ang pakikibaka ng mga manggagawa
Ayon sa PAMANTIK-KMU, habang patuloy ang palpak na pagtugon ng administrasyon sa pandemyang kinakaharap ng bansa, lalong umigting ang kanilang pagnanais na wakasan ang rehimeng US-Duterte.
“Up until today, workers have been oppressed through measly wages and inhumane labor practices. In the Southern Tagalog region, we face rampant contractualization and demonization of our unions,” bahagi ni Miguel.
Ang krisis ay lalong naglumok sa mga manggagawa sa kahirapan kung saan ito ay nag-iwan ng maraming manggagawang walang trabaho dagdag pa ang patuloy na korapsyon ng ilang opisyal at ahensya ng gobyerno na ibinubulsa ang ayuda na nakalaan para sa kanila.
“Thousands of workers have lost their jobs during the pandemic while others have been forced to work despite unsafe conditions,” dagdag pa ni Miguel sa pahayag ukol sa kakulangan ng suporta para sa mga manggagawang labis na naapektuhan ng krisis
Panawagan ng PAMANTIK KMU na bigyan ang mga manggagawa ng karampatang sahod na katumbas ng trabahong kanilang ibinibigay, wakasan ang kontraktwalisasyon, at ibasura ang Terror Law dahil ang aktibismo ay kailanman hindi terorismo kaya’t patuloy nilang ipaglalaban ang karapatang mag-organisa at magwelga.
Kontrademolisyon
Para naman sa KASAMA-TK, isang organisasyon ng mga magsasaka, ang kanilang protesta ay pagkilos kontrademolisyon kung saan mariin nilang kinondena ang pagkamkam sa kanilang lupa para sa isinusulong ng pamahalaan na proyektong Build, Build, Build.
Ang proyektong ito umano ay lalong magpapahirap sa mga mahihirap dahil sila ay mawawalan ng pagsasakahan at pangingisdaan.
“Hindi ang mga proyektong pangkaunlaran ang sagot sa seguridad sa pagkain, at tahanan ng mga maralitang hinambalos ng pandemya at magkakasunod na bagyo,” ayon kay Eddie Billones na tagapagsalita ng KASAMA-TK
Patuloy na nilalabanan ng mga grupo ng mga magsasaka ang mga higanteng korporasyon na nagbabanta ng demolisyon sa mga lupang kanilang nasasakupan gaya ng kompanyang National Grid Corporation of the Philippine (NGCP) na nagpapalayas ng mga lokal na naninirahan sa Lupang Ramos sa Dasmarinas, Cavite para sa pansariling interes na maagaw ang 372 ektaryang bungkalan na kilusang masa mismo ang nagtatag.
Marahas na pagbabanta naman mula sa San Miguel Corporation (SMC) ang natanggap ng mga mangingisda at lokal sa tabing dagat ng Sariaya, Quezon na nagnanais sa kanilang mapalayas para sa planong itayong coal-fired powerplant.
Laganap na pagkawasak ng lupa at tahanan ng Dumagat Remontado ang kinakaharap ng mga katutubo at magsasaka sa North Quezon at Rizal dahil sa planong pagtatayo ng Kaliwa Dam na magdudulot ng libo-libong mamamayan na mawawalan ng tirahan kung ang pagtatayo man nito ay tuluyang maisasagawa,
Mariing tinututulan ng KASAMA-TK ang demolisyon at patuloy na isinusulong ang pakikibaka ng masang anakpawis para sa kanilang tahanan, kabuhayan, at demokrasya.
Kamakailan ay nagsagawa rin ng kilos-protesta ang BAYAN Cavite at iba pang sektor noong ika-25 ng Nobyembre sa harap ng Bacoor City Hall para iparehistro ang kanilang pagtutol sa pagpapalayas na nagaganap sa lalawigan sa kasagsagan ng pandemya.
Ang planong diyalogo ay nauwi sa protesta nang wala ni isang miyembro ng lokal na pamahalaan maging si Mayora Lani Mercado-Revilla na nangakong pupunta ay hindi nagpakita sa dialogue.
Ang layunin ng diyalogo ay upang pag-usapan ang mga nagaganap na ebiksyon sa Bacoor para sa “pagpapaganda” ng lungsod upang maging kaakit-akit sa negosyo at turista.
“Maraming anyo ang demolisyon at pagpapalayas sa Bacoor. Ginagamit na dahilan ang relocation ng mga nasunugan. Pinapaalis ang mga nakatira sa tinatapakang ‘danger zone’.” pahayag ni Aries Soledad ng Kalipunan ng Damayang Maralita sa Cavite.
Maging ang Philippine Commission on Urban Poor ay nabahala sa sunod-sunod na demolisyon sa lugar kung kaya’t sila ay nananawagan sa pamahalaan na itigil ang mga nagaganap na demolisyon sa kasagsagan ng pandemya dahil dagdag-pasakit lang ito sa taumbayang lubos na naapektuhan ng krisis at sunod-sunod na pagtama ng sakuna sa bansa.
“Lalong pinatunayan ng araw na ito ang pagkakaisa at kaseryosohan ng mga Bacooreño para igiit ang mga lehitimong panawagan,” saad ni Soledad bilang pagtatapos ng protesta at nangakong babalik hangga’t hindi sila hinaharap ng “tao sa tao.” [P]
Litrato mula sa Anakbayan – Cavite / Facebook
0 comments on “Mga manggagawa, maralita, estudyante, nagprotesta sa Araw ni Bonifacio”