Sa pagpasok ng buwan ng Disyembre, isang magandang balita ang sumalubong sa mga miyembro ng Nexperia Philippines Inc. Workers Union (NPIWU-NAFLU-KMU) matapos maberipika ang kanilang Collective Bargaining Agreement (CBA) sa pagitan nila at ng kumpanyang Nexperia Philippines Inc.
Lubos ang kanilang pasasalamat sapagkat ang tagumpay na ito ay tinuturing na tagumpay ng bawat isang miyembro na nakamit sa pamamagitan ng buong pwersang pakikilahok ng mga manggagawa ng unyon.
Ang epektibidad ng nasabing CBA, o ang mga pinagkasuduang ng unyon at ng kumpanya, ay iniurong sa taong 2021-2023 mula sa orihinal nitong iskedyul sa unang bahagi ng taon para sa taong 2020-2022 dulot ng pandemya.
Kabilang sa nilalaman ng naturang kasunduan ay ang retroactive pay, o ang mga utang na sweldo sa mga manggagawa, gagawa para sa anim na buwang naapektuhan ng pandemya, signing bonus at meal subsidy.
Dagdag pa rito ang karagdagang sahod mula taong 2021 hanggang 2023 kumpara sa inisyal na offer ng pangangasiwa ng Nexperia Philippines Inc.
Bunsod naman ng pandemya ay mas napaigting ang kahalagahan ng usapin pagdating sa kalusugan ng mga manggagawa.
“Ang nangyayari pa, imbis na magsabi ‘yung mga manggagawa na sila ay may sintomas, o maisama sa contact tracing, itatanggi nila, dahil kung hindi, ika-quarantine sila ng 14 days o dalawang linggo na walang sasahurin. Kaya ang mangyayari doon, dadami at dadami o kakalat ang sakit,” pinanawagan ng Nexperia Worker’s Union tungo sa free mass testing at paid quarantine leave.
Dagdag din ng unyon na lalo na sa mga manggagawang kontraktwal, umaasa lang sila sa kanilang mga sahod upang magpattingin sa panahon ng COVID-19.
Sa pamamagitan ng CBA ay malaking tulong ang pagkakaroon ng dagdag na hospital cash assistance sa Health Maintenance Organization (HMO) at karagdagang pandemic leave kung sa ‘di inaasahan ay mayroong manggagawang matamaan ng COVID-19.
Sa ilalim ng kasunduan ay tinutugunan din nito ang panawagan ng mga manggagawa sa buong bansa na wakasan ang kontraktwalisasyon at gawing 750 pesos ang minimum wage kung kaya’t ang mga manggagawang kamakailan ay kontraktwal ay tuloy tuloy ang pagiging regular sa kasalukuyan dala ng muling pagbukas ng diskusyon ng pamunuan sa requirements tungo sa regularisasyon.
Salungat sa naunang panukala ng pamunuan ng Nexperia Philippines Inc. na mga kwalipikadong miyembro lang ang makatatanggap ng mga benepisyong nakapaloob sa CBA, sinisigurado ng kasunduan na lahat ng nakatala rito ay para sa lahat ng miyembro sa ilalim ng collective bargaining unit (CBU), o ang mga naging parte ng kasunduan.
“Hindi naging madali ang pag-uusap para sa aming CBA ngayon dahil ginamit ang pandemya para paliitin ang aming mga kahingian. Dahil sa limitasyon ng IATF guidelines, may kahirapan din sa pisikal na pagpupulong at pagkilos. Nariyan din ang banta ng Anti-Terror Law sa amin,” pahayag ni Mary Ann Castillo, ang pangulo ng NPIW
Ang naging proseso tungo sa pagsasakatuparan ng naturang kasunduan ay kinabibilangan ng samu’t saring uri ng protesta na sumubok sa pagkamalikhain ng mga miyembro ng unyon upang mapilitan ang pamunuan ng Nexperia na sila ay harapin at tugunan ang kanilang mga panawagan.
Ilan sa mga halimbawa nito ay ang pagkakaroon ng noise barrage at silent protest, pagsusuot ng body placards, pagtatalaga ng araw kung saan pula at itim na t-shirt lang ang kanilang isusuot, at pagsasagawa ng DP blast kung saan sila ay sabay-sabay na magpapalit ng profile picture.
“Gayunpaman, dahil tayo ay nananalig sa pagkakaisa at sa mga prinsipyo ng tunay, palaban at makabayang unyonismo, anuman ang naging balakid, nalampasan natin nang sama-sama. Pagbati sa ating lahat at sulong pa!” dagdag ni Castillo patungkol sa kahalagahan ng pagkakaisa sa kabila ng mga balakid na kinaharap ng kanilang unyon
Umani ng malawakang suporta ang mga manggagawa ng Nexperia matapos nilang ipamalas sa pamamagitan ng kanilang sama-samang pagkilos ang matindi nilang pangangailangan sa pagsasakatuparan ng kasunduang ito. Dala ng kanilang determinasyon ay sa wakas binigyang-pansin ng pamunuan ang kanilang mga hinaing.
Nang nabalita ang pagtagumpay ng mga manggagawa, naglahad ng pagpupuri ang pangulo ng Kilusang Mayo Uno (KMU) na si Elmer “Ka Bong” Labog.
“Patunay ang inyong karanasan na sa mahigpit na pagkakaisa at sama-samang pagkilos, naipagtatanggol ng manggagawa ang sahod, benepisyo, trabaho at karapatan. Mabuhay ang NPIWU-NAFLU-KMU!” [P]
Litrato mula sa All Nexperia Fight
Pingback: Mga manggagawa ng Fuji Electric, nagwagi sa pakikipagkasunduan sa kompanya – UPLB Perspective
Pingback: Nexperia union officers harassed by AFP-PNP and NTF-ELCAC, forced to disaffiliate from labor center – UPLB Perspective