News Southern Tagalog

Lupang Ramos binarikada ng mga magsasaka bilang pagtutol sa pagpapalayas

Muling nagsama-sama ang mga magsasaka at residente ng Lupang Ramos upang mas mapaigting ang panawagan at paghahayag ng pagtutol sa nalalapit na pagpapalayas sa kanila ngayong buwan ng Disyembre.

Matagal nang hinaing ng mga magsasaka ng Lupang Ramos sa Dasmariñas, Cavite ang patuloy na pang-aabuso sa kanila. Mula noong dekada ‘90, samu’t saring pagpapahirap na ang kanilang dinanas sa kamay ng kapulisan at ng pamilyang Ramos na kumakamkam ng lupang ang mga magsasaka ang mismong nagpapayabong.

Sinubukang sirain at lagyan ng barikada ang lupain at tinutulan ng pamilyang Ramos ang mandato ng Department of Agrarian Reform (DAR) na nagpapatupad na mailipat sa pangalan ng mga magsasakang naninilbihan kay Emerito Ramos Sr. ang titulo ng Lupang Ramos.

Ang inaakalang paghihirap ng mga taga-Lupang Ramos noon ay dinugtungan ng mas malaki pang dagok na paparating nang taong 2018, ay nakarinig ng putok ng baril ang mga magsasaka na nagmula sa mga armadong lalaking pilit inaangkin ang lupa.

Ngayong Hulyo ay naulit na naman ang ganitong tagpo nang muling binisita ng pitong lalaki ang bahay ng isang residente at pumilit pumasok sa kadahilanang may hinahanap umano ito.

Hindi muling nakaligtas ang mga residente nang bigyan sila ng “Notice to Vacate” mula sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) at National Power Corporation (NAPOCOR) na nagbabalak tayuan ng tore ng kuryente ang lupa kung saan ilang taon nang naninilbihan at nanirahan ang mga magsasaka.

Ilang dekada man ang nakalipas magmula nang unang nakaranas ng pang-aapi ang mga taga-Lupang Ramos ay hindi pa rin ito humuhupa. Kung tutuusin ay lumalala pa sa patuloy na pananakot sa mga magsasakang ang hangad lang ay agraryong reporma.

Kamakailan lang ay nagsagawa ng barikada ang mga magsasaka at residente ngayong ika-21 hanggang ika-22 ng Disyembre. Bago man iyon, bumuo ng online protest ang mga progresibo kung saan ipinahayag ng iba’t ibang mga organisasyon ang kanilang mariin na pagtutol sa napipintong proyekto ng NGCP bilang pakikiisa sa mga mamamayan sa Lupang Ramos. 

Ayon sa nakasaad sa Notice to Vacate na ibinigay sa mga residente, hanggang sa ika-22 ng Disyembre na lang ang ibinigay na palugit upang manatili sa lugar ngunit wala man lang lugar na maari nilang malipatan.

Binabalot ng takot ang mga naninirahan dito sa maaari nilang kahinatnan matapos ang taon ngunit patuloy ang kanilang pakikibaka at pag-asang makakamit rin nila ang karapatan sa lupang para sa kanila.

“Sasalubungin ng ating mga magsasaka ang kapaskuhan nang puno ng pangamba sa kung ano ang kanilang kahaharapin ngayong may nang muli ang lupang sakahan nila,” ayon sa Anakbayan EAC.

Sa harap ng pandemya at sunod-sunod na sakuna, walang humpay ang pagsasagawa ng mga ganitong klaseng demolisyon imbis na magpaabot ng ayuda.

Para sa mga magsasaka, hindi makatarungan ang pilit na pagpapalayas, lalo na’t may kakayanan pala ang gobyerno na magbigay ng lupa dahil pinahintulutan nila ang NGCP na magtayo ng tore pero pag para sa mga magsasaka ay hindi nila maibigay.

Ang mismong mga kamay na kanilang itinataas sa protesta ang mismong mga kamay na nag-aani ng pagkaing kinakain ng ilang Pilipino sa araw-araw.

372 hektarya ng lupa at 500 pamilya ang napipintong mawalan ng tirahan at kabuhayan. Hindi lang ito basta basta mga numero na maaaring isantabi. 

“Maraming pangarap ang dito ay nabuo. Maraming karanasang pangit at magandang humubog sa bawat isa sa amin, pero ang pinakamasakit sa aming lahat, ang lupang pinagyaman ng aming mga lolo, lola at mga magulang ay hindi sa amin ayon sa ating batas na nilikha ng mataas na uri ng lipunan. Iskwater kami sa aming PARAISO.” Ito ay ayon sa isang sanaysay ng isang magulang na magsasaka mula sa Lupang Ramos sa Facebook Page ng Katipunan ng mga Lehitimong Magsasaka at Mamamayan sa Lupang Ramos (KASAMA-LR).

Sila ay kadalasang naisasantabi sa lipunan pero sa  pagkakataong ito na sila ang naaagrabyado, sila ay nananawagan na makiisa sa kanilang laban na depensahan ang lupang agrikultural dahil ito na lang ang nag-iisang malawak na lupang agrikultural sa Dasmariñas. 

“Isang malaking hamon para sa lahat ng makabayang kabataang estudyante ng Laguna na dalhin ang buong lakas at diwang palaban patungo sa hanay ng pesanteng inaalipusta sa kanila mismong tahanan at lupang sakahan,” ayon kay John Anthony Platino ng Anakbayan Laguna.

Hinihimok ng mga progresibong organisasyon tulad ng KASAMA-LR ang mga mamamayan lalo na ang mga kabataan na alamin ang kahalagahan ng magsasaka at panatilihin ang lupang agrikultural dahil ang pagkain ng sambayanan ay nagmumula sa tanim ng mga magsasaka. [P]

Litrato mula sa Anakbayan Cavite / Facebook

2 comments on “Lupang Ramos binarikada ng mga magsasaka bilang pagtutol sa pagpapalayas

  1. Pingback: The year fascists fall – UPLB Perspective

  2. Pingback: Mga Nakakubling Usapin sa Likod ng SONA 2022 – UPLB Perspective

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: