News Southern Tagalog

Mga manggagawa ng Fuji Electric, nagwagi sa pakikipagkasunduan sa kompanya

Matapos ang ilang buwan na pananawagan at pakikipagnegosasyon, nagtagumpay ang mga manggagawa ng Fuji Electric Philippines Inc. na makamit ang makabuluhang dagdag na sahod at ilan pang benepisyo sa gitna ng pandemya.

Ayon sa napagkasunduan ng Lakas ng Nagkakaisang Manggagawa ng Fuji Electric Philippines (LNMFEP-OLALIA-KMU) at ng kompanya sa Collective Bargaining Agreement (CBA), ang nabuong kasunduan ng mga manggagawa at ng kumpanya, magkakaroon ng karagdagang sahod na P40 sa bawat araw at P10 o lumpsum na P1,800 sa 2020. Para sa taong 2021 at 2022, P50 ang idagdag sa sahod.

Kung may kalamidad, naka-enhanced community quarantine (ECQ), o naka-modified enhanced community quarantine (MECQ) sa araw ng paggawa, babayaran ang manggagawa nang 170% ng sahod nito. Kung lumampas man sa regular na walong oras ng pagtatrabaho, 200% ng sahod nito ang ibabayad.

Nagkaroon din ng karagdagang benipisyo ang mga manggagawa: Industrial Peace Bonus na P12,000; Rice subsidy na 12-kilo kada buwan; Meal subsidy na P60 sa 2020, P66 sa 2021, at P67 sa 2022; Overtime Meal Allowance na P15 kada taon; at Night Shift Differential na 11.5% para sa mga magtarabaho nang 10 pm hanggang 2 am at 13.5% tuwing 2 am hanggang 6 am.

Bibigyan din ng P28,000 na ayuda ang unyon para sa selebrasyon ng araw ng mga manggagawa ngayon taon at P29,000 at P30,000 para sa taong 2021 at 2022.

Bukod sa sahod at benebisyo, nagkaroon din ng mga bagong probisyon kaugnay ng pandemya at pampulitikang probisyon na mangangalaga sa mga manggagawa sa loob ng pagawaan.

Kung kinakailangang ma-quarantine ang trabahador, babayaran ito nang 100% kung ang rason ay konektado sa trabaho at 65% kung hindi.

Samantala, ang general leaves nila ay madadagdagan ng isa pang araw sa susunod na taon para sa mga manggagawa na mahigit walong taon nang nagseserbisyo sa kompanya. Magbibigay rin ng isa pang araw ng leave para sa mga may emergency o namatayan ng kamag-anak.

“Patuloy na magkaisa upang mawakasan ang pagsasamantala ng mga naghaharing uri, magkaroon ng tunay na kalayaan at demokrasya sa ating bansa,” ani unyon sa kanilang Facebook post.

Pangalawang beses na ngayong buwan ng Disyembre na nagwagi ang mga manggagawa sa kanilang pakikipagkasunduan. Iilang linggo bago nito, nagtagumpay rin ang mga manggagawa ng Nexperia Philippines Inc. nang maberipika ang CBA sa pagitan nila at ng kompanya.

Panggigpit sa sahod at benepisyo

Ngunit hindi naging madali ang pakikipaglaban ng mga manggagawa ng Fuji sapagkat ayon sa LNMFEP, nakaranas muna ang unyon ng panggigipit sa CBA ng kompanya at pagbabanta na magresign na lang ang pamunuan ng unyon sa kompanya.

Umabot sa humigit-kumulang 25 na beses na pakikipagnegosasyon ang unyon sa pamunuan ng kompanya dahil pilit daw na binabarat ng Fuji ang CBA para sa dagdag sahod at benepisyo.

“Ginagawa ngayong palusot ng kapitalista ang pandemya para baratin ang CBA. Baka daw abutin ang krisis ng pandemya sa buong bansa ng tatlong taon o higit pa. Ngunit kung susuriin, mas malakas ang produksyon ngayon kahit may pandemya kumpara noong 2019,” pahayag ng LNMFEP sa Facebook post nila noong ika-28 ng Oktubre.

Ayon sa unyon, isinaad ng financial statement ng kompanya noong 2018-2019 na nasa 1% lang ng net pay at retained earnings na P746,298,850 ang ibinibigay nito sa mga manggagawa kung kaya’t makatuwiran ang kanilang mga panawagan.

“Galing sa dugo’t pawis ng manggagawa ang tubo at kita ng kapitalista. Kung wala ang mga manggagawa, hindi kailanman kikitain ng kapitalistang Fuji ang higanteng tubo na tinatamasa nito,” sambit nila.

Pagpaparesign sa unyon

Dahil umano ilegal ang isinagawang mass leave ng mga manggagawa noong magkaroon ng kauna-unahang kaso ng COVID-19 sa kompanya, sinambit ng abogado ng Fuji sa naganap na National Conciliation and Mediation Board noong ika-27 ng Oktubre na magbitiw sa mga tungkulin na lang ang pamunuan ng unyon.

Sinisi pa raw ng kompanya ang mga manggagawa kung kaya’t $1,587,000 o P76,295,025  ang nawalang kita nito noong magmass leave nang apat na araw.

Ngunit iginiit ng LNMFEP na hindi nila isasagawa ang welga na ito kung agarang nagpatupad ng guidelines ang kompanya nang may magpositibo sa mga manggagawa sa COVID-19 noong ika-14 ng Agosto. Tatlong araw pa umano ang lumipas bago nagpatupad ng comprehensive disinfection at 24-hour lockdown ang kompanya.

“Malinaw na hindi agad natugunan ng kapitalista ang pagkakaroon ng kongkretong guidelines gayong April pa lang [ay] may inilabas nang guidelines ang DTI (Department of Trade and Industry) at DOLE (Department of Labor and Employment),” anila.

Salungat din sa guidelines ng DTI at DOLE na pagbibigay ng kompensasyon sa mga nagpositibong empleyado, wala raw malinaw na ayudang ibinigay sa manggagawang nagpositibo noon.

“Tanging kita at tubo ang iniisip ng kapitalista dahil sa paulit-ulit na sinasambit sa mga manggagawa na pumasok na lamang dahil ligtas naman daw sa pagawaan,” ani unyon. Gayunpaman, kasabay raw ng pagsasarado ng CBA ang pagtatapos din ng usapin na Notice to Explain (NTE) at pagpaparesign ng pamunuan ng kompanya. Ang NTE ay ipinapataw sa manggagawa kung gumawa ito ng pagkakamali nang intensyunal o hindi na sa naging sitwasyon nila ay tumutukoy sa nangyaring mass leave. [P]

Litrato mula sa LNMFEP-OLALIA-KMU / Facebook

0 comments on “Mga manggagawa ng Fuji Electric, nagwagi sa pakikipagkasunduan sa kompanya

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: